Agresibong postura ng US at China sa Karagatan ng Mindoro at sa WPS, banta sa seguridad ng mga Mindoreño at sambayanang Pilipino
Nagmistulang lugar-digmaan ang karagatan ng Mindoro sa saklaw ng West Philippine Sea (WPS) dahil sa pang-uupat kapwa ng US at Tsina. Ipinagmalaki ng AFP at ng tropang US ang ginanap na dalawang araw (Enero 4-5) na “maritime cooperative activity” (MCA) o isang pinaikling balikatan exercises sa Cabra Island, Occidental Mindoro na saklaw ng West Philippine Sea. Habang isinasagawa ito, nakaabang ang dalawang barkong pandigma ng Tsina.
Nagiging kasangkapan ng dalawang naggigiriang bansa, laluna ng US ang nakaupong rehimeng Marcos II na sukdulan ang pagkapapet sa US sa hangaring makapangunyapit sa poder at mapakapal ang sariling bulsa mula sa mga kasunduan at kutsabahan sa ekonomiya, pulitika, at militar.
Pinagmayabang ng tropang Amerikano ang kanyang kapabilidad pandigma na binubuo ng USS Carl Vinson (CVN-70), isang tipo ng nuclear-power aircraft carrier, ang mga sasakyang pandigma na USS Princeton (CG 59) na guided-missile cruiser, ang USS Kidd (DDG 100) na guided-missile destroyers at ang USS Sterett (DDG 104). Kasabay nito nagpakawala ng walong (8) FA-13 at F35 na nagsilbing pwersang panseguridad sa aktibidad na ito ng tropang US at AFP. Samantala, sa panig ng Tsina, minobilisa nito ang sasakyang pandigma na Type 054 frigate (No. 570) at Type 05D destroyer 174.
Sa panahong umiinit ang tunggalian ng dalawang imperyalistanng kapangyarihan, inilalagay sa malaking panganib na makaladkad ang ating bansa sa nakaambang pagsiklab ng digmaan sa pagitan nila. Kung tutuusin, ang akto ng dalawang kapangyarihan na ito ay halos kapantay na sa girian nila sa Taiwan Strait, na isang mainit din na eryang pinagtutunggalian ng dalawang kapangyarihang ito sa Asya.
Mariing kinukundena ng NDFP-Mindoro ang akto ng dalawang imperyalistang kapangyarihan na sa saklaw ng ating bansa isagawa ang kanilang umiinit na bangayan. Dapat tuligsain ng lahat ng mamamayang Pilipino ang lansakang pagruyak sa ating soberanya at panghihimasok sa panloob na mga usapin sa bansa at sa ating teritoryo kapwa ng US at ng Tsina. Labag sa interes ng bansang Pilipinas ang panghihimasok ng dalawang kapangyarihan at lalong hindi tayo dapat pumayag na sa karagatan o alinmang parte ng Pilipinas nila gawin ang pagsusukatan ng kanilang armadong lakas.
Tumataas ang posibilidad na maipit tayo sa banggaan ng dalawang ito dahil hindi makatindig ang nakaupong rehimen sa Pilipinas nang naaayon sa demokratikong interes na sambayanan. Mas nakapangingibabaw ang makasariling interes ng rehimeng Marcos na makapangunyapit sa poder at pagkakitaan pa ang katayuan ng Pilipinas bilang piyon sa girian.
Kabuktutan ang ipinangangalandakan ng AFP at US na ang mga aktibidad tulad ng MCA ay malaking tulong sa seguridad ng bansa at di umano’y higit pang pahigpitin ang ugnayan ng Pilipinas at US para ipagtanggol ang karagatan ng ating bansa. Sa katunayan, ang paghigpit ng relasyong US at Pilipinas sa tulungang militar ay lalong nagiging magneto upang iangat ng Tsina ang pang-uupat sa ating bansa at agresibong ipilit ang kanyang kontrol at presensya sa mga islang bahura sa WPS at Pasipiko.
Sa pag-tindi ng girian ng bansang US at Tsina sa ating karagatan, mga mangingisda at ang taumbayan mismo ang nagsasakripisyo at lansakang nasasagasaan ang karapatan at kapakanan.
Noong Disyembre 5, 2023, matatandaang sinagasaan ng barkong bulk carrier ng Tsina ang limang mangingisda sa bangkang Roel J na nakaangkla sa payaw sa karagatan ng Paluan, Occidental Mindoro. Gayundin ang maraming mangingisda sa dalawang probinsya ng Mindoro ang natatakot nang pumalaot dahil sa pambabarako ng Tsina sa karagatan. Nauna pa rito ang karanasan na sinapit ng pangisdang MV GemVer ng San Jose, Occidental Mindoro na matapos sagasaan ay tinakasan pa ang wasak na bangkang pangisda. Umabot ng apat na taon bago nagawang magbayad pinsala ng Tsina dahil na rin sa pagreklamo ng may ari ng bangka at suportang pulitikal ng mga masang Pilipino.
Hindi na nga makapalaot ng mas mahabang oras ang mga mangingisda dahil sa taas ng presyo ng gasolina, dagdag pa na hindi sila panatag na makapangisda dahil sa paulit-ulit na agresibong akto ng Tsina.
Ang usapin sa WPS ay hindi na lamang usapin ng paghahabol ng Pilipinas ng saklaw sa karagatan. Mas higit na nagiging usapin dito ang tunay na soberanya ng Pilipinas kakabit ng kanyang dantaon nang hangarin para makalaya sa kontrol ng imperyalismong US. Imperyalismong US ang nagsadlak sa ating bansa sa pagiging malakolonyal at malapyudal na siyang dahilan ng kawalan ng kakayahang makatindig sa sariling ekonomiya, at lansakang napanghihimasukan ang pulitika pati ang aspetong militar at patakarang panlabas ng ating bansa. Sunud-sunuran ang rehimeng Marcos sa dikta ng amo nitong imperyalistang US kasabay na minamaksimisa ng rehimen ang pakinabang na makukuha nito sa imperyalistang Tsina na naghahabol na makabig ang naghaharing uri sa Pilipinas.
Walang kongkretong plano at hakbangin ang rehimeng US-Marcos kung paano tutuldukan ang sigalot sa WPS. Dumadagdag sa panganib ng seguridad ang todo-todong pagsalig nito sa suportang manggagaling sa US para sa di umano’y pagpapahigpit ng pagbabantay sa karagatan ng Pilipinas.
Sa kawalan ng matibay na tindig ng gobyerno sa interes ng mamamayang Pilipino, lalong nawawalan ng maasahang tagapagtanggol ang mamamayan sa harap ng mapang-upat na postura ng US at Tsina sa karagatan, kalawakan at kalupaan ng Piipinas.
Sa ganitong pagkakataon higit na kailangan na magkaisa ang mamamayan. Ang pagtatanggol ng ating soberanya ay pagtatanggol na rin ng ating kabuhayan at karapatan sa pagpapasya sa sarili. Tanging demokratikong rebolusyon ng bayan (DRB) ang magtitiyak ng ating tunay na kasarinlan, kalayaan at demokrasya. Ang DRB laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo ang komprehensibong programa na lulutas sa sigalot na ito. Kung hinihinging mag-armas ang lahat ng mamamayan upang ipagtanggol ang kanyang bansa, dapat itong may kakabit na demokratikong programa upang matiyak ang interes ng batayang uri ng magsasaka’t manggagawa, na siyang pinakamalaking bahagi ng sambayanang Pilipino. Ang ating tagumpay laban sa mapanlupig na mga imperyalsitang kapangyarihan, kasabay ng demokratikong programa ang magtitiyak na dadalhin ang ating bansa sa kalayaan, kasarinlan at tunay na kaunlaran.
Mindoreño, mamamayang Pilipino, magkaisa at labanan ang imperyalistang US at Tsina!
Ipaglaban ang Kalayaan at demokrasya!
Isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan!