Pahayag

Ang AFP ang tunay na mga teroristang walang alam tungkol sa kapayapaan

,

Katawa-tawa ang hungkag na pahayag ng Armed Forces of the Philippines na tinawag nilang “propaganda” lamang ang ceasefire ng Bagong Hukbong Bayan bilang pagrespeto sa Pilipinong tradisyon ng paggunita sa Pasko at Bagong Taon. Linantad lamang nila ang sarili nila bilang walang pakialam sa kapayapaan at mas interesado lamang ito sa paghahasik ng takot at pasistang lagim sa kanayunan.

Kapansin-pansin na “propaganda” lamang ang tingin nila sa anumang tigil-putukan. Bukod sa wala na nga silang respeto sa mga tradisyon ng mga Pilipino, hindi rin mawari ng AFP na magagawa ng isang hukbong seryoso sa pagkamit ng kapayapaan na makipag tigil-putukan muna habang nakikipaglaban para sa paglaya ng sambayanan.

Dahil utak-pulbura ang AFP, hindi nito maiisip na gumawa ng anumang hakbang bukod sa pagpapatuloy ng militarisasyon, pambobomba, strafing, at pamamasalang na nakagawain na nito. Tahasang sumusunod pa rin ito sa interes ng mga naghaharing burgesya komprador, panginoong maylupa, at ng mga disenyo ng imperyalistang US sa bansa at rehiyon ng Timog-Silangang Asya.

Dapat tingnan ang pahayag na ito ng AFP bilang banta sa buhay ng milyun-milyong Pilipino sa kanayunan. Asahan natin na hindi rerespetuhin ng mga kasundaluhan ang Pasko at Bagong Taon, na kung sa dapat ay panahon para sa mga pamilya. Dapat din itong tingnan bilang pambabastos sa mga sundalong mapipilitang pagtaksilan ang kanilang uri sa panahon na kasama nila dapat ang kanilang pamilya.

Nananawagan ang National Democratic Front of the Philippines Laguna na itatwa ang hungkag na pahayag na ito ng AFP. Dapat itakwil ng lahat ng progresibo at demokratikong pwersang naghahangad ng kapayapaan ang ganitong mga patutsada ng reaksyunaryong estado.

Sa halip, dapat natin ilayon na magkaroon ng makabuluhang paglutas sa ugat ng digmaan sa kanayunan: ang matinding kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay na direktang resulta ng isang malakolonyal at malapyudal na lipunan. Palakasin natin ang pagpapanawagan para sa isang makatarungan at pang-matagalang kapayapaan. Dapat bumalik ang pamahalaan sa usaping pangkapayapaan na nagpapatuloy ng mga naunang napagkasunduan at nakabatay sa mutwal na respeto ng dalawang umiiral na gubyerno sa bansa.

Naninindigan ang NDFP Laguna, sampu ang mga rebolusyonaryong organisasyon sa lalawigan ng Laguna, na malulutas lamang ang digmaan sa pamamagitan ng seryosong pagharap sa mga ugat na ito – isang bagay na hindi kayang gawin ng reaksyunaryong AFP.

Ang AFP ang tunay na mga teroristang walang alam tungkol sa kapayapaan