Ang imperyalismong US ang numero unong kaaway ng sambayanang Pilipino

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Milyun-milyong Pilipino ang nagbuhos ng dugo nang inagaw ng mga imperyalistang US ang kalayaan ng Pilipinas noong 1898. Sinakop at ipinailalim nito ang bansa bilang bahagi ng pandaigdigang imperyo nito. “Ipinagkaloob” nito ang kalayaan ng Pilipinas 78 taon na ang nakalilipas ngayong araw, kung saan iniluklok ang mga papet nito sa tuktok ng estadong neokolonyal at sandatahang lakas ng bansa.

Paulit-ulit na sinasabi ng gubyerno ng US na sila’y “kaibigan, katuwang at kaalyado” ng mamamayang Pilipino. Ang totoo, sa nakalipas na isang siglo’t sangkapat, pinatunayan nilang sila ang pinakamalaking kaaway ng sambayanang Pilipino. Patuloy na itinuturing ng imperyalismong US na pag-aari nito ang Pilipinas at ipinapataw ang hegemonya nito sa pamamagitan ng dominasyon sa ekonomiya at kontrol ng militar.

Sa araw na ito, dapat itakwil ng sambayanang Pilipino ang huwad na pakikipagkaibigan ng imperyalismong US. Walang tunay na pagkakaibigan sa pagitan ng isang nang-aapi at inaapi, sa pagitan ng isang imperyalistang kapangyarihan at nasasakupang mamamayan.

Kontrol sa ekonomya at dominasyong militar

Tuluy-tuloy na hinuhuthot ng mga monopolyong kapitalista ng US ang yaman ng bansa at sinasagkaan ang pag-unlad nito, sa pakikipagsabwatan sa mga lokal na naghaharing uri ng malalaking burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa. Sa buong bansa, kinamkam ng mga multinasyunal na korporasyong Amerikano ang lupa ng milyun-milyong magsasaka at minoryang mamamayan.

Pinagsasamantalahan nila ang mga manggagawang Pilipino sa napakabarat na sahod. Nagdulot sila ng napakalaking pagkawasak sa kapaligiran bunga ng ilang dekadang operasyon ng pagtotroso at pagmimina. Itinatambak nila ang kanilang labis na mga kalakal at kapital sa Pilipinas na humahadlang sa paglago ng mga lokal na salik sa ekonomya. Isinadlak ng imperyalismong US ang bansa sa pagiging atrasado, nakasalalay sa pag-aangkat at tagapagluwas ng murang hilaw na materyales at murang paggawa.

Mahigpit na kontrolado ng mga imperyalistang US ang Pilipinas sa pamamagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng buong establisimentong panseguridad. Ang mga upisyal ng militar at depensa ay mahigpit na na kontrolado ng US Pentagon at ng mga tagapayo at ahente nito sa Pilipinas. Buung-buo nilang itinataguyod ang ideolohiya at estratehikong interes ng US.

Hinulma sa imahe ng militar ng US ang AFP, at lubos itong umaasa sa US para sa pondo upang makakuha ng sarplas, nakaraang henerasyon at pinaglumaang armas. Ang AFP, kasama ang Philippine National Police (PNP), ay mga kasangkapan ng mga imperyalistang US para supilin ang mga makabayan at demokratikong pwersa sa bansa. Sa pag-uudyok US, ang AFP ay nagsasagawa ng isang malawakang kampanya ng pambobomba mula sa himpapawid sa buong bansa, na katulad ng ginawa nitong pagbibigay sa Israel ng at walang katapusang suplay ng mga bomba upang pulbusin ang Gaza.

Makasaysayang antas ng pagiging sunud-sunuran ng rehimeng Marcos

Sa nakalipas na taon, todo-todo ang interbensyong militar ng US, sa harap ng pangkasaysayang antas ng pagkatuta ng rehimeng Marcos at paghigpit nito ng kontrol sa mga pwersang militar at seguridad ng Pilipinas.

Sa ilalim ng rehimeng Marcos, pinalakas ng mga imperyalistang US ang dominasyon nito sa Pilipinas, na nagresulta sa lalong paglala ng sitwasyon ng sambayanang Pilipino. Pinagdurusahan ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino ang mga hakbang pang-ekonomyang neoliberal na ipinataw ng US na nagresulta sa pagtaas ng presyo, mababang sahod, malawakang kawalan ng trabaho, pangangamkam ng lupa at pag-agaw ng kabuhayan.

Mula nang maluklok sa kapangyarihan, pinahintulutan ni Marcos ang US na magtatag ng mas maraming base militar at pasilidad sa Pilipinas upang ipakat ang mga tropa at armas, kabilang ang mga jet fighter, drone, misayl, at iba pa, alinsunod sa tinatawag nitong Indo-Pacific Strategy para pigilan ang paglakas ng China. Nagpakat kamakailan ang US sa Basa Air Base ng mga kilalang Reaper drone nito, na malawakang ginamit sa Afghanistan at Pakistan, at armas na pumatay sa ilang libong sibilyan.

Pinaigting ng US ang naval surveillance at maniobra sa South China Sea at West Philippine Sea. Hindi bababa sa dalawang US carrier strike group–ang USS Ronald Reagan at ang USS Nimitz–ang regular na nagsagawa ng mga maniobra sa South China Sea, West Philippine Sea, Bashi Channel, kasama ang maraming iba pang barkong pandigma at sasakyang nabal ng US.

Halos naka-opcon (operation and control) na sa US ang AFP at Philippine Coast Guard (sa tabing ng “inter-operability”) upang suportahan ang pagpakat ng US, operasyong sarbeylans at probokasyon laban sa China, sa tabing ng supply missions, war exercises at mga pinagsanib na patrol. Kinaladkad ng US ang mga kaalyado nitong militar sa NATO, QUAD at AUKUS para magpakat ng mga barkong pandigma sa South China Sea.

Ang lumalaking presensyang militar ng US sa lupa at dagat ng Pilipinas ay nagpapainit sa imperyalistang sigalot sa pagitan ng US at China. Nagresulta ito sa tumitinding alitan sa South China Sea, na humantong sa mga kiskisan sa pagitan ng Pilipinas at China, at lalong paggamit ng US sa bansa bilang tau-tauhan sa heyopulitikal na estratehiya nito.

Ngayong araw, dapat muling pagtibayin ng sambayanang Pilipino ang kanilang determinasyon na ipaglaban ang tunay na kalayaan mula sa imperyalistang paghahari at pang-aapi ng US. Dapat nilang asintahin at tuligsain ang rehimeng Marcos at tutulan ang bulag na pagsunod nito sa patakarang pang-ekonomya ng US at pangingibabaw ng militar nito. Ang pakikibaka para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya ay isang mahaba at mahirap na paglaban, ngunit walang pagod na isusulong ng mamamayang Pilipino upang makamit ang kanilang malalim na adhikain para sa kalayaan, katarungan, kapayapaan at pag-unlad.

Ang imperyalismong US ang numero unong kaaway ng sambayanang Pilipino