Ang imperyalismong US ang tunay na yumuyurak sa pambansang soberanya ng Pilipinas!
Mariing kinukundena ng NDFP-Palawan ang pinatitinding probokasyon ng imperyalismong US, gamit ang rehimeng US-Marcos II kasabwat ang iba pang tutang opisyales nito sa reaksyunaryong gubyerno, laban sa imperyalistang China na higit na nagsusubo sa Pilipinas sa nilulutong gera ng US sa rehiyong Indo-Pacific.
Nitong Pebrero 3 lamang, pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan ang isang resolusyon ng pagsang-ayon at pagsuporta sa resolusyon ng Senado na nagkukundena sa pinakahuling mga pahayag ni Guo Wei, deputy spokesperson ng Chinese Embassy sa Manila, laban sa mga upisyal ng rehimeng US-Marcos II sa usapin sa West Philippine Sea.
Ang resolusyon sa Senado ay pinangunahan naman ni Risa Hontiveros na pinirmahan ng 15 senador na nagkukundena sa China. Inihapag din sa Senado ang mga panukalang ideklarang persona non grata ang nasabing opisyal ng China. Matatandaang naglabas si Tarriela ng mga larawan ng pangungutya laban kay Xi Jinping, presidente ng China, na nagpagalit sa mga opisyal ng China. Dahil dito, kinwestyon ni Guo kung nararapat bang atakehin ni Tarriela, bilang isang opisyal ng gubyerno ng republika ng Pilipinas, ang isang dayuhang lider, at kung ito ba ay kumakatawan sa patakarang diplomatiko ng Pilipinas. Kinundena ni Guo si Tarriela sa pampulitikang probokasyon nito at paglabag sa pampulitikang dignidad ng China, at, dahil lumampas sa hangganan ng diplomatikong mga relasyon, humiling siyang bigyan si Tarriela ng mga hakbang pandisiplina.
Dagdag pa, sinuportahan din ng Sangguniang Panlalawigan ang inilabas na resolusyon at deklarasyon ng Sangguniang Bayan ng Kalayaan noong Enero 27 na nagkukundena sa pinakahuling mga aksyon at pahayag ng Chinese Embassy at nagdedeklara kay Chinese Ambassador Jing Quan bilang persona non grata sa Kalayaan matapos itong magpahayag laban kay Francis Pangilinan at Tarriela.
Pinaiigting ng nasabing mga resolusyon at panukala sa probinsya at Senado ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China, sa sulsol ng US. Sinamantala nito ang naganap sa mga nagdaang araw na matinding girian sa pagitan ng tuta-ng-US na mga pulitiko at opisyal ng reaksyunaryong gubyerno sa isang panig, at ni Guo, Jing at iba pang kinatawan ng China sa kabilang panig.
Layunin ng AFP, ni Marcos Jr., at iba pang mga apologist at tagapagtanggol ng US tulad ng Amboy na si Risa Hontiveros, Akbayan at iba pa, na gatungan ang mga sentimyentong anti-China sa bansa, palabasing numero-unong kaaway at banta sa seguridad ng bansa ang China. Pinalalabo rin nito ang posibilidad na magkaroon ng diplomatikong ugnayan at pagreresolba sa mga tunggaliang pangkaragatan sa pagitan ng Pilipinas at China. Naglilingkod ito sa Indo-Pacific Strategy ng US na naglalayong palibutan at ihiwalay ang China at ipataw ang imperyalistang dominasyon sa rehiyon. Hangad nitong maiputok ang gera sa Asia Pacific laban sa China. Dahil ang Pilipinas ang plano ng US na maging isa sa mga mayor na target na lunsaran at ang mamamayang Pilipino bilang pambala-sa-kanyon, magsisilbing isa sa mga pangunahing frontline ng gera ang Palawan. Sa ganito, malinaw at hindi maikakailang kaisa ng US ang mga lokal na burukrata sa pangunguna ni Marcos Jr sa pagsusubo sa bansa sa isa na namang malupit at madugong gera kung saan mamamayan ang tiyak na talunan.
Habang panay ang tirada ng mga papet ng US laban sa China, nananahimik naman sila sa tumitinding presensyang militar ng US sa bansa laluna sa West Philippine Sea. Nakatindig at dinadagdagan pa ang mga base militar ng US sa iba’t ibang panig ng bansa sa ilalim ng EDCA, gayundin ang mga pasilidad nito tulad ng Naval Station Carlito Cunanan sa Ulugan Bay; Antonio Bautista Air Base sa Puerto Princesa; at tinatayong airbase at naval station sa Balabac. Naglalagak ang US ng malalakas na sandata, at nagpaplanong magtayo ng pasilidad-nukleyar sa Palawan. Tuluy-tuloy na naglalayag ang mga pwersang nabal ng US sa karagatan ng Pilipinas, kasabay ng mga higanteng US carrier strike group na nakadaong sa saklaw ng EEZ nito. Walang puknat ang mga ehersisyong militar sa Palawan tampok ang pinakamalaking Balikatan Exercise sa kasaysayan, Exercise ALON, Kamandag Exercise, at marami pang joint exercises ng armadong tropa ng US at Pilipinas. Nitong Enero 25-26 lamang, inilunsad ng tropa ng US Indo-Pacific Command at AFP ang isa na namang bilateral maritime activity sa West Philippine Sea. Lihim ring itinayo ng militar ng US ang Task Force Philippines at idineploy dito ang bagong yunit na Army Rotational Force-Philippines upang pahigpitin ang kontrol nito sa AFP at tibayan ang pangunahing haligi ng paghahari nito sa Pilipinas. Walang ibang inihatid ang lahat ng mga aktibidad ng imperyalismong US sa Palawan kundi pinaigting na militarisasyon sa probinsya at perwisyo sa buhay at kabuhayan ng mamamayang Palaweño.
Walang kinalaman ang presensya ng US sa ipinamamaraling pagtatanggol nito ng kalayaan ng Pilipinas laban sa China. Habang wasto, dapat itaguyod at panghawakan ang PCA 2016 Arbitral Ruling at ang soberanong karapatan ng Pilipinas sa mga isla, bahura at iba pang pinag-aagawang maritime bodies sa West Philippine Sea, dapat ding maunawaan ng taumbayan na ang numero-unong lumalabag sa pambansang soberanya ng Pilipinas ay ang imperyalismong US. Ang paparaming mga sundalong Amerikano at iba pang dala nitong dayuhang tropa sa Pilipinas ang pinakamalaking pagyurak sa kasarinlan ng bansa. Dagdag pa, habang dumarami ang presensya at kagamitang militar ng US sa bansa, lalong tumataas ang banta ng gera at tensyong nililikha nito laban sa China sa Asia Pacific. Hindi dapat hayaan ng mga tunay at patriyotikong lingkod-bayan sa probinsya na lasunin ng imperyalismong US, ng rehimeng US-Marcos II, AFP, nina Hontiveros at ng mga organisasyong maka-US tulad ng Akbayan, Liberal Party atbp ang isipan nila at ng mamamayang Palaweño.
Dapat ipaglaban ng mamamayan ng Palawan at ng bansa ang pambansang soberanya at igiit na palayasin sa bansa ang lahat ng dayuhang tropang militar at lansagin ang lahat ng dayong base militar na nakatindig sa probinsya at buong bansa. Ipanawagan ang demilitarisasyon sa West Philippine Sea kapwa ng tropa ng imperyalismong US at China. Isagawa ng lahat ng patriyotiko, progresibo, mga nakapaloob sa alyadong organisasyon ng NDFP sa Palawan at mga rebolusyonaryong pwersa ang gawaing pagmumulat sa mamamayang Palaweño at paglalantad sa tunay na imperyalistang layunin at pakana ng US at perwisyong hatid nito sa taumbayan. Organisahin ang mamamayan at pakilusin sa iba’t ibang anyo upang kundenahin at labanan ang imperyalismong US sa lahat ng posibleng paraan. Hamigin ang pinakamalawak na hanay ng nakikibakang mamamayan at mga progresibong pwersang maaaring makaalyado, ilinaw at ipalaganap ang wastong pagsusuri sa daantaong pagiging malakolonya ang Pilipinas ng US, lutasin sa diplomatikong pamamaraan ang mga sigalot na may katangiang di-antagonistiko, at ihiwalay at itutok ang ating paglaban sa imperyalismong US, rehimeng US-Marcos II at lahat ng mga sagadsaring tuta-ng-US na nagtatanggol at nagtataguyod rito. Higit sa lahat, sa harap ng tumitinding imperyalistang sigalot, agresyong militar at pang-uupat ng gera ng imperyalismong US, dapat isulong sa probinsya ng Palawan ang demokratikong rebolusyong bayan na tanging daan upang makamit ang tunay na kalayaan at pambansang soberanya. Kasabay nito, makiisa ang rebolusyonaryong kilusan sa pinakamalawak na hanay ng mamamayan sa buong daigdig para kundenahin at sagkaan ang mga imperyalistang gera.