Pahayag

Ang mga Kabulaanan ng AFP-PNP Hinggil sa "PTC" ng NPA

Ubod nang sinungaling ang hepe ng pulisya sa Lucena City sa pagsasabing binigo nila ang tangka ng NPA na mangolekta ng “Permit to Campaign” sa mga kandidato ng eleksyon sa Mayo.

Ang kanilang inaresto noong Marso 27 na si Darwin Palo ng bayan ng Lopez ay hindi kolektor ng NPA-Quezon. Mariing itinatanggi ng Apolonio Mendoza Command ang paratang ni Lt.Col. Dennis de Guzman.

Kung paano man niya niluto ang kasinungalingang ito, nangangahulugan lamang na ang pulisya at sundalo pa rin sa lalawigan ang pangunahing mabahong kusina ng pekeng balita at disinpormasyon.

Habang ibinibida ng Southern Luzon Command ng AFP ang pagiging insurgency free at Stable Internal Peace and Security o SIPS istatus ng Quezon, wala namang awat ang kanilang focused military operations sa kasalukuyan.

Saan din nagmumula ang deklarasyon ng Comelec na may mga seryososng banta ang NPA sa bayan ng San Narciso at Tagkawayan gayong ang nais ipapaniwala ng AFP sa taumbayan ay wala nang NPA sa probinsya. Ang magkakataliwas na pahayag na ito ay malinaw na para sa kapakanan ng dagdag na pondo para sa AFP, PNP at maging sa Comelec.

Siguradong milyon-milyong pisong pondo ang inilalaan sa mga batalyon ng 85th, 81st at 16th IBPA na humahalihaw ngayon sa mga bayan ng Catanauan, General Luna, Macalelon, Lopez at Gumaca.

Sigurado ring tumatabo ng premyong salapi ang 201st IBde sa nirerecycle nilang mga pekeng surenderee. Kamakailan ay sunud-sunod na naman ang kanilang pagpapatawag sa sibilyang residente na makailang ulit na nilang nilitratuhan habang umano’y nagbabalik-loob sa pamahalaan.

Sa gitna ng ganitong pekeng balita at disimpormasyon, nananawagan kami sa mga mamamahayag na magsikap munang iberipika ang katotohanan na inilalabas ng sundalo at pulisya. Kagaya ng insidente ng pagkakaaresto kay Darwin Palo, ibang-iba ang nakuhang impormasyon ng pamilya na taliwas sa diumano’y habulan mula sa checkpoint hanggang Grand Terminal, maging ang baril na nakumpiska.

Maari itong ipusta, ang baril na itinanim ng pulisya at sundalo sa kanilang inaresto ay ilang beses na nilang ginamit sa iba pa nilang biktima.Walang-kupas ang mga buhong sa kanilang kwentong kabalbalan na malaon nang batid ng taumbayan.

Ang mga Kabulaanan ng AFP-PNP Hinggil sa "PTC" ng NPA