Pahayag

Ang Pakikibaka ng Mamamayan ng Kordilyera sa Panahon ng Diktadura

Akala siguro ng karamihan na porket mayroong tinatawag na “Solid North” ang kampo ng dating diktador na si Ferdinand Marcos, Sr. ay hindi na ligtas ang Hilagang Luzon sa dahas ng estado noong panahong iyon. Dito nagkakamali ang karamihan.

Bago pa naideklara ang Batas Militar, ramdam na ng mamamayan ang papatinding krisis — laganap ang kahirapan, mga batas na umaayon sa dayuhang pangangamkam, at korapsyon sa hanay ng administrasyong Marcos. Sa ganitong kalalang krisis panlipunan, muling dumaluyong ang kilusang manggagawa at kilusang kabataan at estudyante at itinayo ang iba’t ibang organisasyong makabayan katulad ng Kabataang Makabayan. Kalauna’y mula sa pagwawasto sa ng mga kamalian ng pinakaunang Partido Komunista, muling itinayo ang Partido Komunista ng Pilipinas na tumatalima sa ideolohiyang Marxismo-Leninismo-Maoismo. Sa tumitinding krisis noong mga panahong iyon, tuluy-tuloy at lalo lamang lumalakas ang kilusang masa. Hanggang sa idineklara ni Marcos ang Batas Militar.

Halos magli-limang dekada na ang nakalilipas simula noong ipinatupad ni “Apo Lakay” ang Batas Militar. Ika-21 ng Setyembre, 1972 niya ito ini-anunsyo, habang ika-23 naman noong ito ay ipinatupad. Dito umabot sa isang mas mataas na antas ang pangmalawakang kalapastanganang isinaboy ng diktadurya sa buong bansa. Hindi rito nakaligtas ang Hilagang Luzon (kung saan nanggaling si Marcos), lalong lalo na ang Kordilyera.

Mga Mapanirang Dambuhalang Proyekto sa Kordilyera

Noong unang bahagi ng dekada ’70, itinalaga ng diktador na si Marcos ang pagpapatayo ng apat na dambuhalang dam sa kahabaan ng Ilog Chico. Ang Ilog Chico ay isa sa mga pinakamalaki at pinakamahalagang ilog sa buong Kordilyera, kung saan dumaraan ito sa probinsya ng Mountain Province mula sa unahan nito sa Mount Data ng Benguet papuntang probinsya ng Kalinga. Inaasahan ng administrasyon na magagawa ito mula sa huling bahagi ng dekada ’70 hanggang sa unang bahagi ng dekada ’80. Tinatayang aabot sa higit isandaang libong Ikalinga at Ibontok ang maaapektuhan ng proyektong ito, dahil karamihan ng hanapbuhay, mga payoh, iba pang mapagkukunan ng pagkain, at kanilang mga tirahan ay nasa tabi ng Ilog Chico.

Matapos naman ang deklarasyon ng Batas Militar noong 1972, nagpunta ang isang magsisimulang kompanya ng pagtotroso sa Abra para magsagawa ng “tree survey.” Ayon sa mga kuwento ng mga Tinggian ng Abra, dala-dala ng isang helikopter ang may-ari nito na si Herminio T. Disini — isang crony ni Ferdinand Marcos, Sr. Noong pagkalapag nila ay hindi alam ng kampo ni Disini na mayroon palang mga taong nakatira sa parteng ito ng Abra, ngunit hindi ito nagpatigil sa kanila at itinuloy lamang ang “survey.” Noong 1973, nabuo ang kaniyang kompanya na Cellophil Resources Corporation (CRC) kung saan pinayagan sila ng rehimeng Marcos na kunin ang 99, 565 na ektarya ng gubat ng pino (pine tree forests) sa Abra at Kalinga-Apayao (isang probinsya pa sila noon). Kinalauna’y nakakuha sila ng halos dalawang daan libong ektarya ng mga pino sa Abra, Kalinga-Apayao, Mountain Province, Ilocos Norte at Ilocos Sur. Humigit kumulang na 145, 000 katutubo ang naapektuhan ng kanilang pagtotroso.

Ang Sagot ng Mamamayan ng Kordilyera

Ang parehong proyektong ito ay nagpanganak ng kilusang masa ng libu-libong taga-Kordilyera na lumalaban sa mga dambuhalang proyektong ito at laban sa rehimeng Marcos. Sa Kalinga at Mountain Province ay nanguna ang mga taga-Kordilyera mismo sa mga petisyon at mga protesta laban sa Chico Dam. Sa pangunguna ni Ama Macliing Dulag ng tribong Butbut, nakapagsagawa ng isang multilateral na bodong (peace pact) sa mga kalapit nilang mga tribo na apektado rin ng proyekto. Nagsagawa rin ng mga pagta (bilateral agreement), pechen at kalon. Noong 1974, dalawang kampo ng National Power Corporation at ilang site ng Chico IV na pinoprotektahan ng pulis ang sinunog at sinira ng mamamayan sa Maswa, Besao at Tomiangan. Sa Abra naman ay nagsagawa rin ng isang bodong ang mga taga-Malibcong at Tubo, na mas lumaki sa isang inter-probinsyang bodong (na dinaluhan ng 21 komunidad at mga grupong sumusuporta mula sa urban) sa Barangay Tiempo. Malakas din ang naging mga kilos protesta ng mismong mga nasa komunidad sa pagpasok ng kompanya.

Ama Macliing Dulag ng tribong Butbut

Maraming ginawang paraan ang mga kompanya at ang rehimeng Marcos para pigilan ang galit ng mamamayan. Nagsagawa ito ng maraming petisyon na pilit na pinapirma ang ilang mga lider ng komunidad para sang-ayunan ang mga proyekto. Sa Abra, pinalitan ang sibilyang Mayor ng Malibcong ng isang opisyal ng Philippine Constabulary (ang dating tawag sa Armed Forces of the Philippines). Nadagdagan din ang mga detachment ng PC sa mga komunidad na tumututol sa CRC. Hinuli naman ang mga pangat (lider) ng mga komunidad sa Kalinga na tahasang tumututol sa proyekto ng Chico Dam Project. Ilan ding mga komunidad sa Mountain Province at Kalinga ang tinayuan ng mga detachment ng PC.

Dahil sa tumitinding paglabag sa karapatang pantao at pang-uusig ng mga kompanya, ng PC at ng rehimeng Marcos, nagdesisyon ang maraming mga taga-komunidad na tumangan ng armas at tumungo sa landas ng armadong pakikibaka.

Ang Bagong Hukbong Bayan, Kabataang Makabayan-DATAKO at ang lumalakas na kilusang masa sa Kordilyera

Noong unang pumunta mula sa Isabela patungong Ifugao ang pinakaunang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (New People’s Army) sa Kordilyera, nagulat ang mga Hukbo sa pinamalas na katapangan sa paglaban ng mga taga-Kordilyera para sa kanilang lupa at sariling pagpapasya. Ang mga taga-Kordilyera ang nagturo sa Bagong Hukbong Bayan ng kanilang mga wika, ng mga daanan, ng kanilang pamumuhay. Ang mga taga-Kordilyera ang nagbigay ng inspirasyon sa Bagong Hukbong Bayan na pagsilbihan ang mamamayan. Gayundin, tumulong ang Bagong Hukbong Bayan sa kanilang pag-iintindi sa kasaysayan ng Pilipinas, ng mga uri sa Pilipinas at kung bakit patuloy na naghihirap ang sambayanang Pilipino. Tumulong din ang Bagong Hukbong Bayan sa pagsusulong ng agraryong rebolusyon sa kanayunan, pagtatayo ng mga reboluysong organisasyong masa, at pag-aarmas sa mamamayan laban sa mga proyektong ito ng rehimeng Marcos.

July 1982. Kalinga minorities adopt armed struggle to the Chico River Dam.

Noong pinatay si Macliing Dulag, maraming mga Ikalinga at mga taga-Mountain Province ang nagdesisyon na sumali sa Bagong Hukbong Bayan. Lumaki ang kasapian ng NPA sa mga lugar na iyan at nagpatuloy na nagpalawak sa ibang parte pa ng Kordilyera. Noong 1979, sa tulong ng mga mamamayan sa Abra, muling nakapasok ang mga yunit ng NPA na siyang tumulong sa pagpapalayas ng CRC sa lugar. Apat na pari at maraming mga kabataan sa Abra ang sumampa rin sa NPA na siyang nagpalawak sa iba pang parte ng rehiyon at maging sa kalapit na probinsya ng Ilocos Sur at Ilocos Norte.

Sa Baguio naman ay patuloy na lumalakas ang kilusang masang sumusuporta laban sa CRC at sa Chico Dam. Sa mga eskwelahan at unibersidad, lumalakas ang presensya ng Kabataang Makabayan at ng organisasyon ng mga katutubong kabataan na Demokratiko a Tignayan dagiti Agtutubo iti Kordilyera (DATAKO). Maraming mga kabataan sa Baguio at sa Maynila ang nagpunta sa mismong hanay ng pakikibaka sa mga probinsya at nagdesisyon na manatili roon. Marami namang mga kabataang katutubo ang umuwi sa kani-kanilang mga probinsya para magturo, mag-organisa at magpakilos sa kanilang lokalidad. Ilan sa mga kabataang ito ay naging miyembro din kinalaunan ng NPA, katulad nina Wright “Ka Chadli” Molintas (Kankana-ey) at Jennifer “Ka Maria” Carino (Ibaloi) na parehong mga taga-Benguet.

Kinalaunan, dahil sa tuluy-tuloy na pagkilos ng mamamayan at ng mga yunit BHB, napalayas din sa wakas ang CRC at mga kontraktor ng Chico Dam. Mas lalong lumakas at umunlad ang kilusan ng mamamayan sa Abra, Kalinga, Mountain Province at sa buong Kordilyera. Mula sa paglaban sa Chico Dam at Cellophil, naging parte na rin ng kanilang paglaban ang pakikibaka ng malawak na hanay ng Pilipino laban sa imperyalismo, katutubong pyudalismo at burukrata kapitalismo. Sa tulong ng pagkilos ng mamamayan at ng BHB sa Kordilyera at sa buong bansa, napatalsik din ang diktaduryang US-Marcos.

Hamon sa kasalukuyan

Ang kuwento ng pakikibaka ng mamamayan sa Kordilyera ay mga tunay na pangyayari sa kasaysayan. Kaya sa mga kabataan ng Kordilyera, huwag na huwag papahulog sa mapanlinlang na mga pahayag ng mga binayarang lider ng rehimeng Duterte, ng AFP at PNP. Gusto lang nilang walain sa kasaysayan ang militante at palaban nating tradisyon. Hindi tradisyon ng mga taga-Kordilyera na manahimik, kumimi at sumunod na lamang lalo sa mga panahon ng kamalian at krisis. Ang tradisyon ng Kordilyera ay paglaban.

Sa kasalukuyan, patuloy na tumitindi ang krisis ng lipunang Pilipino sa ilalim ng rehimeng Duterte. Hindi man katulad ni Marcos na nagdeklara ng Batas Militar, isang de facto Martial Law naman ang ipinataw ng rehimeng Duterte lalo na sa kaniyang pagsasatupad ng Anti-Terror Law. Patuloy na naaapektuhan ng krisis pangkalusugan, ekonomiya, pampulitika at militar ang mga komunidad sa Kordilyera, Ilocos at Lambak Kagayan. Walang nagawang Solid North ang rehimeng Marcos at Duterte, kundi isang Solid North na punung-puno na sa krisis lamang ang nangyari.

Kailangan manindigan ang mga kabataan sa kanilang karapatan at pagsilbihan ang mamamayan. Wala nang ibang paraan para umalis sa siklo ng krisis ng kapitalismo at sa pasismo ng rehimen. Malawak ang kabundukan ng Kordilyera para doon magsilbi. Isabuhay natin ang militanteng pagdedesisyon ng mga taga-Kordilyera na tumangan ng armas at magtungo sa kanayunan. Magrebolusyon!

Ang Pakikibaka ng Mamamayan ng Kordilyera sa Panahon ng Diktadura