Pahayag

Ang Peace Talks ay Hindi Pagtatakwil ng Armadong Pakikibaka ng Mamamayan

,

Sagad sa buto ang pagiging kontra-kapayapaan ng dating Heneral Eduardo Año na ngayo’y pinuno ng National Security Council.

Nakakasuklam ang pahayag niyang malabong maganap ang peace talks sa pagitan ng NDFP at GRP dahil sa hindi pagkakaunawaan at pagkakasundo. Ipinasa pa ni Año ang sisi sa NDFP, gayong ang NSC ang numero unong kapos ang pag-unawa sa Joint Communique na nilagdaan ng magkabilang panig noong November 2023.

Walang katotohanan ang mga paratang ni Año. Ang buong rebolusyunaryong kilusan ng CPP-NPA sa pamamagitan ng pambansang liderato nito ay nagkakaisa hanggang sa mga pinakabatayang organisasyon nito sa lokalidad sa pagpasok at paglahok sa peace talks.

Ang buong New People’s Army sa lalawigan ng Quezon sa ilalim ng Apolonio Mendoza Command ay sumusuporta sa peace negotiations na kinakatawan ng NDFP. Walang localized peace talks na isinusulong ang rebolusyunaryong mamamayan ng Quezon. Wala ring nagaganap na ganito sa probinsya ngayon o kailanman sa nakaraan at/o hinaharap.

Ang pagsuporta ng AMC-NPA sa peace talks ay hindi katumbas ng pagsasalong ng armas ng mga gerilya ng Bagong Hukbong Bayan, lalong hindi ito katumbas ng pagtatakwil sa armadong paglaban ng mamamayan sa pamamagitan ng digmang bayan.

Ang paglahok ng mamamayan sa peace talks at pagsuporta ng AMC-NPA sa usapang pangkapayapaan ay para muling makabalik sa lamesa ng pag-uusap ang NDFP at GRP para muling paksain ang naunsyaming pagpipirmi sa Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms o CASER matapos itong sabotahehin ni Digong Duterte noong 2017.

Sa pamamagitan nito, mailalatag ang mga kundisyon para sa mga tunay na repormang panlipunan kagaya ng pamamahagi ng lupang sakahan sa magbubukid na libre at suportado ang produksyon para mapakinabangan ng buong bansa. Lulutasin nito ang kasalukuyang kagutuman, mataas na presyo ng bigas at di makontrol na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Isa lamang iyan sa napakaraming benepisyo sa mamamayan na nilulutas ng CASER. Sa ganitong pagbabagong panlipunan nakatuntong ang maaring pagtatapos ng armadong labanan at kalaunan ay pagkakamit ng pangmatagalang kapayapaan na nakabatay sa hustisya sosyal.

Hindi ganito ang takbo ng utak pulburang si General Año. Ang kapayapaan sa kanya ay ang malalim na hukay ng libingan para supilin ang pambansa at demokratikong paglaban ng mamayang Pilipino. Walang pangingimi ang deklarasyon niya ng patakarang gera, terorismo ng estado at pampulitikang panunupil.

Pero mabibigo ang pakanang ito ni General Año dahil determinado ang sambayanang Pilipino na makibaka sa lahat ng larangan ng paglaban, laluna sa landas ng armadong pakikibaka para ipagtanggol at ipaglaban ang kanilang pambansa-demokratikong interes.

Higit kailanman, ngayon ang panahon para ibayong palakasin ang armadong paglaban, ang pagsapi sa Bagong Hukbong Bayan, at pagpapaigting ng mga taktikal na opensiba upang ipagtanggol ang interes ng masang Pilipino at ipaglaban ang tunay na kapayapaang nakabatay sa katarungan at kalayaan.

Ang Peace Talks ay Hindi Pagtatakwil ng Armadong Pakikibaka ng Mamamayan