Bagong kampo sa Libis ng Sityo San Ysiro, ibayong magsisilbi sa paggarison sa Antipolo
Sukdulang kinukundena ng Narciso Antazo Aramil Command-NPA-Rizal ang pagdadagdag ng isa na namang kampo ng pasistang 80th IBPA sa saklaw ng Barangay San Jose, Antipolo City. Kasalukuyang nagkakampo ang mga maton ng Rizal sa Libis ng Sityo San Ysiro, at kung gayo’y mabibilang na ika-18 na himpilan nila sa barangay.
Ginawa nang garison ng AFP-PNP ang Barangay San Jose, Antipolo City. Noong Hunyo, bumibilang ng 17 himpilan ang nasa lugar, kung saan ang ilan sa mga ito ay 1-2 taon na ang itinatagal.
Patuloy na nilalabag ng 80th IB at SAF-PNP ang mga interasyunal na batas sa digma tulad ng Geneva Conventions Protocol I and II. Naiulat ng mga masa na ang ilan sa mga ito ay kadikit ng mga bahay ng mga sibilyan at/o iba pang mga sibilyang istruktura tulad ng covered court, barangay at sityo hall, at iba pa. Samantala, nakailang kaso na rin ng physical assault ang elemento ng 80th IB na si Marvin Stamo sa lugar. Nangangahulugan lang ito na walang pakinabang na matatamo ang mamamayan sa pananatili ng AFP-PNP sa kanilang lugar, at sa halip ay perwisyo at karahasan lamang ang dadanasin nila sa ilalim ng kontrol ng 80th IBPA.
Ang pagdadagdag ng isa pang kampo sa saklaw ng Barangay San Jose ay pagpapatibay sa pagiging garison nito ng AFP-PNP, at pagpapatupad dito ng de facto martial law. Malamang na kasabay ng tumitinding sarbeylans, harasment at karahasan at iba pang paglabag sa karapatang-tao ay pagtitiyak din sa lugar bilang site ng napipintong proyektong wind energy sa lugar. Ang pagsasailalim sa lugar sa mahigpit na monitor at kontrol ng 80th IB ay magbibigay luwag sa kanilang tunay na pinaglilingkuran—ang mga burukrata-kapitalistang naglalaway sa Rizal.
Dapat kundenahin ng mamamayan ang pagdadagdag ng kampo sa kanilang lugar. Dapat na magkaisa ang mga residente na igiit na palayasin ang 80th IB at SAF-PNP na nag-aastang maton at nagpapahirap sa mamamayang Rizaleño. Ito ang tanging paraan upang ipatigil ang karahasan at iba pang pagsasamantala ng 80th IB at SAF na lumalala habang tumatagal sila sa lugar. Dapat gawing sandata ng mamamayan ang pagkakaisa at sama-samang pagkilos, makibaka, ‘wag matakot!