Bagong katawagan ng RCSP na Modified Community Support Sustainment Program (MCSSP) sa Masbate, hinaharap at nilalabanan ng masang Masbatenyo
Matapos ang command conference ng 2nd Infantry Battalion – Phil. Army at 96th Infantry Battalion – Phil. Army na pinamunuan ng AFP Chief na si Gen. Romeo Browner nitong Enero 30, ay agad-agad na isinailalim sa Modified Community Support Sustainment Program (MCSSP) ang mga barangay sa Masbate. Bagong bihis na pangalan ng Retooled Community Support Program o RCSP.
Muli na namang ipinatawag ng militar ang mga dati nang mga surenderi at mga barangay upisyal upang ipitin at pigain sila para magbigay ng impormasyon laban sa New People’s Army (NPA) at sa buong rebolusyonaryong kilusan at tahasang ipailalim sa kanilang paghahari-harian.
Paulit-ulit ng ipinahayag at ipinagyayabang ng militar na mahina na ang NPA hindi lang sa prubinsya ng Masbate kundi sa buong bansa. Ngunit, pinasisinungalingan ito mismo kung paano sila umasta at gumamit ng dahas upang piliting isuka ng masa ang kanilang nalalaman laban sa NPA at sa mga nakatayong organisasyon ng masa. Higit pang pinasidhi ang pamamaraan ng panggigipit at panunupil nito sa ilalim ng RCSP o MCSSP upang maghasik ng takot sa isip ng tao at tuluyan ng itakwil ng masa ang kanilang pulang Hukbo.
Batid ng militar na ang dati nilang ginamit na pamamaraan ay wala ng epekto sa masa. Kung dati ay takot ang nangingibanaw sa masang Masbatenyo sa pananalasa ng Retooled Community Support Program (RCSP), kabaligtaran na sa ngayon. Natuto na ang masa sa kanilang karanasan. Makailang ulit man magbago ng katawagan ang peke at marahas na taktika ang reaksyunaryong estado, AFP at PNP, batid ng masa na paraan ito upang ilugmok sila sa takot, supilin ang kanilang mga karapatan at isuko ang kanilang organisadong paglaban.
Ang takot ng masa sa mga presensya ng militar at pulis ay napangibabawan na. Nagsisimula na rin ang masa na muling maninidigan para sa kanilang kabuhayan at buhay na unti-unting inaagaw at pinapatay gamit ang kanilang takot. Na nagbibigay daan sa mga panginoong maylupa, dayuhang kumpanya ng mina at iba pang mga neoliberal na proyekto na agawin ang kanilang kabuhayan at dambungin ang likas na yaman ng Masbate. Higit sa lahat, nagsisikap ang masa at pursigedong nilalabanan ngayon ang pangingibabaw ng batas ng militar sa prubinsya.
Patunay rito na sa kabila ng masinsing mga operasyon ng militar hindi napuputol ang suporta ng masa sa kanilang pulang Hukbo. Tinitiyak rin ng mga ito na walang ibang makakaalam laluna ang mga ahente ng militar sa paglabas-masok ng mga kasama sa kanilang mga lugar. Habang maingat silang nagbibigay ng impormasyon sa mga pulang Hukbo sa mga taong hindi mapagkakatiwalaan at tuta ng mga militar at pulis.
Unti-unti ng naging handa at bukas ang masang Masbatenyo na muling bagtasin ang pakikibaka mula sa prubinsya ng Masbate tungo sa mga lunsod at syudad. Ang kanilang mga yabag kasama ang laksa-laksang mamamayan ang yayanig sa kuta ng reaksyunaryong estado at tuluyang gugunaw sa Imperyalismo, Burukrata-kapitalismo at Pyudalismo na kumukubabaw sa lipunang Pilipino.