Balikatan Exercises: gagawing war zone ang bansa at paiigtingin ang gera kontra-insurhensiya

,

Mariing kinukondena ng National Democratic Front – Cagayan Valley ang muling pabubukas at paglulunsad ng US-PH Joint/Combined Balikatan Exercises sa lalawigan ng Cagayan at sa iba pang bahagi ng bansa na tahasang manipestasyon ng kawalan ng tunay na soberanya. Pitong (7) buwan pa lamang ang nakakaraan nang idinaos ang Balikatan 22, ang pinakamalaking pagsasanay-militar sa buong kasaysayan nito. Sa mga bayan ng Claveria at Aparri sa Cagayan inilunsad ang amphibious operations at maritime security noong Abril. Nito lamang ika-4 ng Oktubre, pormal na binuksan ang unang Balikatan Exercises sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II sa isla ng Calayan sa Cagayan na nilahukan ng mga tropa ng US Armed Forces (USAF) at 2,500 sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kabilang ang 4th Reconnaisance Platoon ng Marine Battalion Landing Team -10. Ayon sa mga balita, ang 10-araw na Kamandag Operation sa isla ay kinakapalooban ng jungle survival and patrolling operations, land navigation and personnel and equipment operations.

Nasa balangkas ng Counter-Insurgency Guide (COIN) ang Balikatan Exercises na pangunahing nakatuon sa gera kontra-insurhensiya at paninibasib sa mga mamamayan sa kanayunan, taliwas sa nais palabasin ng USAF at AFP bilang simpleng maritime partners sa rehiyon ng Indo-Pacific. Sa halip na igiit at panghawakan ang tagumpay ng Pilipinas sa West Philippine Sea alinsunod sa desisyon United Nations Convention on the Laws of the Sea (UNCLOS) at Arbitrary Tribunal at isulong ang diplomatikong paraan upang ayusin ang gusot sa pagitan ng China at Pilipinas, mas bumaling ang reaksyunaryong gobyerno sa pakikipagkompromiso at pagsusog sa paghahamon ng US laban sa China.

Ginagawang open target ng Balikatan Exercises ang Pilipinas sa lahat ng mga bansang kaaway ng US lalo na ang mahigpit nitong karibal, ang China. Ang pagpapakitang-gilas ng US sa lakas-militar – ang muling pagdaong sa bansa ng USS Ronald Raegan, ang pinakamalaking aircraft carrier ng US; ang pagdaong sa Aparri ng MIM-104 Patriot, ang sistemang misayl na surface-to-air (mula sa lupa ay bumibira sa mga target na nasa himpapawid); ang pagpapalipad ng mga fighter jets tulad mg F-16; live-firing ng US Marines ng High Mobility Artillery Rocket Systems; at iba pa, ay nag-uudyok at higit na nagpapatindi sa tensyon sa pagitan ng dalawa. Bulnerable ang bansa, lalo na ang Cagayan na (insert distance) lamang ang layo mula sa Taiwan Strait na kasalukuyang pinagtatalunan. Nasa gitna ang Pilipinas sa dalawang nag-uumpugang bato na lalo pang pinaiigting ng Balikatan. Sa pagtindi ng tunggalian ng dalawang imperyalistang bansa, hindi malayong sumiklab ang isang proxy war tulad ng sa Ukraine na mauugat sa ilang taong panghihimasok at show of force ng US sa Europa laban sa Russia.

Pinasasahol ng Balikatan Exercises ang uhaw-sa-dugong katangian ng AFP sa walang-patumanggang terorismo mula sa himpapawid. Sa tabing ng “interoperability” higit na lumalalim ang pangangayupapa ng AFP sa doktrina at kontrol ng US. Naglalaway ang AFP sa mga modernong kagamitan at armas ng US tulad ng drones, jet fighters, attack helicopters, mga bomba, misayl, kanyon, rockets at mga bala at sa kikbak sa mga transaksyon sa pagbili ng mga ito. Walang ibang ibig sabihin ang AFP Modernization kundi ang ibayong militarisasyon, dislokasyon at terorismo sa mga magsasaka. Sa katunayan, US ang pangunahing nagtutulak at utak sa likod ng mga pambobomba at panganganyon sa kanayunan. Mahaba na ang rekord ng US sa pambobomba sa mga sibilyang komunidad tulad sa Afghanistan, Pakistan, Syria, Palestine, at iba pa.

Dapat na lahatang-panig na kundenahin ang Balikatan Exercises at ipaglaban ang soberanya ng bansa. Dapat ibasura Mutual Defense Treaty, Visiting Forces Agreement, Enhanced Defense Cooperation Agreement at iba pang tratadong nagpapahintulot sa presensya militar ng US. Dapat na palawakin ang nagkakaisang prente laban sa panghihimasok kapwa ng US at China sa teritoryo ng bansa at pinakamataas na pagkundena sa gerang inter-imperyalista sa kapahamakan ng mamamayan ng Cagayan Valley at ng buong bansa.

Balikatan Exercises: gagawing war zone ang bansa at paiigtingin ang gera kontra-insurhensiya