Pahayag

Batas sa Pagmimina Makadayuhan, Salot sa Mamamayan at Kalikasan

,

Sa 29 taon ng Mining Act of 1995 sa ika-3 ng Marso 2024, kontra-mamamayan at matinding pinsala sa kalikasan ang hatid nito sa sa rehiyon at buong bansa. Makadayuhang batas ito ng rehimen ng dating Henerel na si Fidel Valdez Ramos (FVR), kung saan ipinatupad ng todo larga ang denasyunalisasyon o pagsusubasta ng mga pag-aari ng gobyerno mula sa pagbabangko, Philippine National Bank o PNB, Philippine Airlines, ang lansangan na Macapagal Avenue, Bonifacio Global City (bahagi ito ng libingan ng mga bayani) Ropongi Property sa bansang Hapon at serbisyo sa patubig. Lahat ng pagsasapribadong ito ay nakapadron sa mga dikta ng International Monetary Fund-World Bank (IMF-WB), Asian Development Bank (ADB) at iba pang mga dambuhalang bangko sa pagpapautang.

Ang Mining Act of 1995, sa pamamagitan ng Financial or Technical Assistance Agreement (FTAA) ay naghawan ng daan para sa 100% karapatang pagmamay-ari sa mga lokal na naghaharing uri at kasosyong dayuhang kapital mula sa dating 40%. Mismong ang Indigenous Peoples Rights Act o IPRA Law na “nagbibigay” sa mga pambansang minorya ng karapatan sa kanilang mga katutubong lupain ay nawalan ng bisa at pangil dahil sa nakasaad sa FTAA na kapag nasaklaw nito at may yamang nakadeposito ay mas mananaig ang batas sa pagmimina. Hindi sinusunod ang Free and Prior Inform Consent (FPIC) sa mga tatamaan ng proyekto laluna ang sektor ng pambansang minorya na karaniwang di nirerespeto at isinasantabi. Karaniwang modus ang panloloko sa mga komunidad ng mga minorya para makuha ang FPIC. Resulta nito, may daan libong ektarya na ang naagaw ng mga dayuhang pagmimina sa mga katutubo, pinakahuling halimbawa ay sa bayan ng Bataraza sa Palawan.

Ipinakita rin ng FTAA ng APEX Mining kung paano tinampalasan ang kalikasan hanggang sa nagbuwis ng buhay ang may 85 mga maralitang mamamayan, bukod pa ang nawawala, sa rehiyon ng Davao de Oro. Hindi na papakinabangan ang kanilang kabuhayan at nasira at natabunang kabahayan, samantalang si Enrique Razon na isa sa pinakamayaman sa bansa at kroni ni Marcos Jr, ay nagtatampisaw sa yaman.

Sa gitna nito, nakakarimarim ang pagpapatuloy sa usapin ng charter change o “economic” chacha na patuloy na pinagbabangayan ng kasalukuyang rehimeng US-Marcos II at nakaraang rehimeng Duterte, at mga alipures nila sa kamara at senado. Para sa mga ganid na ito, kulang pa ang mga naunang inihandog na patrimonyang yaman ng bansa sa mga dayuhang mamuhunan at lokal na komprador burges para iratsada ang chacha. Napakalinaw na sa 29 taon, hindi umunlad ang mga masang magsasaka, pambansang minorya at sambayanang Pilipino. Mas malaking tipak ng tubo ay naiuluwas ng mga dayuhang negosyante. Kahit ang pambansang gobyerno ay gamumo lamang ang nagiging bahagi (2%). Patunay ang taunang depisit sa pambansang badyet ng bansa, na tila pusod na nakakabit sa utang para punan ito. Lumolobo ang utang na palatandaan na pagkabangkarote ng ekonomyang malapyudal at malapyudal na nasa P14.79 trilyon sa buwan ng Enero.

Bukod sa buwis na gatinga ang pumapasok sa kita ng estado, higit na hinahambalos ang bayan sa malubhang pagkasira ng kalikasan, tulad ng Marcopper sa lalawigan ng Marinduque. Apektado ang may 4,400 na mamamayan. Ang Brgy. Hinapulan ay nalibing sa anim na talampakang putik na nagresulta sa 400 pamilya na lumikas sa mas mataas na bahagi. Ang pinagkukunan ng tubig inumin ay kontaminado at kagyat na namatay ang mga hipon at isda sa mga ilog. Sa kabuuan, may 20 barangay ang nagsilikas mula sa 60 barangay. Iniresulta rin ng pagkakalbo ng kagubatan at open pit mining ang matinding pagbaha tulad ng kabundukan ng Mantalingajan sa bayan ng Bataraza, Palawan.

Kaakibat ng mga operasyong pagmimina ang paggamit ng pandarahas ng estado. Militarisado ang mga komunidad at naging laganap ang pagpapalayas. Sa Palawan, pinapalayas ang katutubong Palaw-an sa kanilang lupaing ninuno para bigyang daan ang pagmimina ng Rio Tuba Mining Corporation, Citinickel Mining Corp., Ipilan Nickel Corporation at mga katulad.

Kailangang magkapit-bisig ang masang magsasaka at pambansang minorya para labanan ang mga dambuhala at mapaminsalang pagmimina. Isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon (PDR) para labanan at ibagsak ang mapang-api at mapagsamantalang sistema. Sa pagwawakas sa bulok na estado at pagtatayo ng bago at tunay na gubyerno ng mamamayan tunay lamang na mapoprotektahan ang kalikasan at maikakaloob ang pambansa-demokratikong mithiin ng mamamayan.

Isinusulong ng PDR ang pagsasabansa ng mga estratehikong mga industriya tulad ng pagmimina para sa pagpapaunlad ng lokal na ekonomiya. Karugtong dapat nito ang pagpapatupad ng tunay repormang agraryo, paggawad ng awtonomiya sa mga pambansang minorya at ng di matatawarang kawastuhan ng rebolusyong agraryo na may minimum at maksimum na layunin.###

Batas sa Pagmimina Makadayuhan, Salot sa Mamamayan at Kalikasan