Pahayag

Batikusin ang Israel at US sa pagpapalawak ng gera sa Middle East

Tinutuligsa ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang US-supported na Zionistang rehimen ng Israel sa mga pag-atake nito kamakailan na pawang naglalayong lalupang palawakin ang digmaan sa Middle East.

Isinagawa ng Israel noong nakaraang linggo ang walang pakundangang pagpaslang sa pinunong pampulitika ng Hamas na si Ismail Haniyeh sa kanyang tirahan sa Tehran, Iran at sa senior commander ng Hezbollah na si Fuad Shukr sa Beirut, sa loob lamang ng ilang oras. Malinaw na layunin ng mga pag-atake ito ang higit pang painitin ang mga tensyon at pasiklabin ang mas malaking armadong labanan, na ikasisiya ng mga humaling sa digmaan na mga pinunong Zionista ng Israel.

Ang mga pag-atakeng ito ay isinagawa sa gitna ng walang humpay na henosidyo ng Israel sa Gaza, na kinatatampukan ng paghuhulog ng mga bomba sa mga refugee camp at mga serbisyong humanitarian, at pagpatay ng malaking bilang ng mga Palestinian. Pinaigting din ng Israel ang kampanya ng mga pagpatay sa West Bank. Dalawang linggong nakaraan, nagpalipad din ang Israel ng mga misayl sa mga base militar sa Yemen. Noong Abril, isinagawa din nito ang pagpatay sa dalawang heneral ng Iran sa konsulado ng Tehran sa Damascus, Syria, na tinugon ng Iran ng paghihiganting may paunang babala at sadyang limitado.

Isinagawa ng Israel ang pinakahuling mga pag-atake matapos lumakas ang loob nang bigyang-katiyakan ng gubyernong Biden si Prime Minister Benjamin Netanyahu sa state visit sa US noong linggong nagdaan, na patuloy itong bibigyan ng suportang militar at pampulitika.

Nalalantad ang pagka-ipokrito ng gubyernong US sa pampublikong postura nitong nananawagan ng de-escalation o pagbawas sa tindi ng salungatan, habang ipinag-utos na nito ang paglalayag ng USS Abraham Lincoln carrier strike group sa Middle East para suportahan ang Israel, at inutusan ang lahat ng mga mamamayan nito na umalis sa Lebanon, na pahiwatig ng paghahandang atakehin ang bansa. Ang panawagan ng US para sa de-escalation habang pinahaharurot ang makinang pangdigma nito, ay hindi naiiba sa panawagan ng US para sa isang tigil-putukan sa Gaza, habang patuloy na nagbibigay sa Israel ng mga bomba at jetfighter.

Dapat batikusin ng lahat ng maka-kapayapaang mamamayan ng daigdig ang paulit-ulit na pag-atake at pagpapatindi ng tunggalian na ginagawa ng US-supported na Israel. Ang layunin ng mga pag-atakeng ito ay udyukin ang mas malaking paghihiganti ng Iran at Lebanon. Inaasahan ng Israel na magdulot ng mas malawak na tunggalian sa Middle East, upang bigyang daan ang mas matinding panghihimasok militar ng US at pag-atake sa mga bansang lumalaban sa Zionismo ng Israel at hegemonismo ng US sa Middle East. Ang sitwasyong ito ay dapat ubos-kayang salungatin dahil tiyak na magdadala ito ng higit na malaking sakuna sa milyun-milyong mamamayan sa rehiyon.

Batikusin ang Israel at US sa pagpapalawak ng gera sa Middle East