Bigo at patuloy na mabibigo ang 203rd Brigade sa tangkang pandudurog sa tunay na hukbo ng mamamayang Mindoreño!
Taas-kamaong pagpupugay ang ibinibigay ng Lucio de Guzman Command (LDGC)-NPA Mindoro at ng mamamayang Mindoreño sa magiting na paglaban ng isang yunit ng NPA sa tangkang paglipol ng mga tropa ng 203rd Infantry Brigade. Naganap ang labanan badang alas-6 ng umaga ng Agosto 19, 2025 sa Sityo Pagbok, Barangay Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro. Magiting na nilabanan ang umatakeng kaaway at organisadong nakaatras ang napalabang yunit ng NPA nang walang anumang pinsala.
Patuloy na nabibigo ang 203rd Brigade sa imbing layunin nitong pinsalain at durugin ang NPA sa Mindoro. Pinasusubalian ng mga kumander at mandirigma ng LDGC ang lason na propaganda ng kaaway na mahina at nasa bingit na ng pagkalipol ang NPA. Pinatutunayan ng mga serye ng labanan nito lamang Agosto na nananatiling mataas ang kakayanan at kapasyahang lumaban ng mga Pulang kumander at mandirigma sa Mindoro.
Ang pagpupunyagi ng NPA sa Mindoro ay sampal sa mukha ng 203rd Brigade at buong AFP. Nitong Agosto 10 lang, nagpahayag si Major General Ramon Zagala ng 2nd Infantry Division na lulubusin na nito ang kampanyang kontra-insurhensya sa Mindoro, pahaharapin sa isang “mapagpasyang labanan” ang mga yunit ng NPA at titiyakin ang pagkadurog ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa isla sa taong 2025. Purong kayabangan ang pahayag ni MGen. Zabala. Muli, pinatutunayan niyang di kailanman mauunawaan ng AFP at buong reaksyunaryong gubyerno ang tunay na dahilan bakit nabuo, nakapagpapanatili at nakapagpapalakas ang NPA sa kabila ng malupit at walang lubay na kontra-rebolusyonaryong digma ng sunod-sunod na rehimen.
Sa loob ng 56 na taon, di napatid kailanman ang pag-suporta at pagsampa ng masang api sa NPA sapagkat kilala ng masa ang kanilang tunay na hukbo. Batid ng masa na ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka at ang Hukbong Bayan ang kanilang pinakamaaasahang sandata laban sa kahirapan at pang-aapi. Ito ang dahilan bakit patuloy na lumalaban ang NPA at bakit patuloy na mabibigo ang AFP sa pagdurog dito.
Hamon ang umiigting na sitwasyon ng digma sa Mindoro—ang tinaguriang “mata ng unos” ng kontra-rebolusyonaryong digma ng rehimeng US-Marcos II—sa lahat ng pwersa ng rebolusyon, laluna sa NPA, na maging mas mapangahas, determinado at matalino sa pagbigo sa kaaway sa lahat ng larangan ng labanan at sa pagmumulat at pag-oorganisa sa masa upang pakilusin sila para sa demokratikong rebolusyon ng mamamayan.
Mindoreño, biguin at labanan ang largadong kampanyang kontra rebolusyon at kontra mamamayan ng AFP-PNP sa mindoro!
Isulong at ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan!
Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!