Bigong pag-atake at ilusyon ng tagumpay ng 3rd ID
Matagumpay na binigo ng NPA Central Front Panay ang militar sa ilalim ng 12th IB PA sa isang aktibong depensa. Balak sana ng militar na atakehin ang lugar na pansamantalang hinihimpilan ng yunit ng NPA ngunit natunugan agad ito ng mga kasama. Kaya agad na nakapaghanda ang yunit at tinira ang kaaway bago pa man sila makalapit na kanilang ikinagulantang. Sa gulat ng militar, parang mga asong ulol sila sa kanilang walang patumanggang pagpapaputok.
Nangyari ang pang-aatake noong Hulyo 19, 2025, bandang alas-5:30 ng umaga, sa hangganan ng Barangay Artuz at Barangay Apero parehong sakop ng bayan ng Tapaz, Capiz. Ang mga yunit ng militar sa ilalim ng 3rd ID PA ay matagal ng nag-ooperasyon at pinagbabantaan ang mga mamamayan sa kabundukan ng Sentral Panay lalo na sa mga liblib na baryo ng bayan Tapaz, Capiz. Bahagi ito ng kanilang walang-tigil na Focused Military Operations na layong tugisin Bagong Hukbong Bayan at tapusin na ang armadong pakikibaka para maideklara na nila ang Stable Internal Peace and Security o SIPS status sa buong isla ng Panay.
Para pagtakpan ang kahihiyan sa kanilang kabiguan sa nangyaring sagupaan, walang-hiyang naghabi ng kwento ang 12th IB kasama ang 3rd ID ng kanilang kunwaring tagumpay. Malaking kasinungalingan ang pahayag nila sa midya na may nakuha silang mga matataas na kalibre ng armas at iba pang gamit panggyera sa pinangyarihan ng labanan. Sa katunayan, gawa-gawa lang ng militar ang mga larawan na ipinalabas sa social media pati na ang ipinangangalandakan nilang nakuhang mga gamit. Wala ni isa o anumang gamit na naiwan ang mga kasama kabaligtaran sa kasinungalingang ipinagyayabang ng militar.
Kapareho din ng hinabing kwento ang ipinalabas nila sa midya para ipakita na may serye sila ng tagumpay laban sa NPA. Nag-imbento sila ng kwentong may nakubkob na kampo ng NPA sa may Sitio Naatip, Barangay Lahug, Tapaz, Capiz noong nakaraang Hunyo 16 at kaugnay nito, anila may nakuha silang mga armas at eksplosibo, iban pang mga gamit panggyera, mga subersibong dokumento at personal na gamit ng mga kasama. Dagdag pa gawa-gawa rin ang ipinalabas ng 82nd IB na may nahukay silang mga armas at iba pang mga gamit ng NPA doon sa may Barangay Dalagsaan, Libacao, Aklan.
Desperado itong hakbang at sadyang nakakabahala sa pagiging eksperto sa paghabi ng kasinungalingan ng mga yunit militar sa ilalim ng 3rd ID PA na gustong palabasin ang accomplishment report ng kanilang kunyaring serye ng tagumpay para linlangin ang madla sa kanilang mga habing kwento. Sa katunayan, walang yunit ng NPA sa nabanggit na mga lugar at higit sa lahat walang kampo ang NPA roon. Malinaw sa mga mamamayan sa nasabing mga lugar itong kabulaanang ipinagyayabang ng militar.
Ang nabanggit na malawakang operasyon militar sa katunayan ay nagdulot ng malaking sagabal sa tahimik na pamumuhay ng mamamayan. Nagdulot din ito ng matinding takot at pagkabahala nang ipinagbawalan o nilimitahan ng militar ang mga magsasaka sa pagpunta sa kanilang mga sakahan para sana maasikaso ang kanilang mga alagang hayop at pananim.
Nananawagan kami sa publiko na maging kritikal, mausisa at wag basta-bastang maniniwala sa mga walang katotohanang pahayag ng militar.
Ang NPA ay patuloy na naglulunsad ng armadong pakikibaka sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan para bigyan ng rebolusyonaryong hustisya ang mga biktima ng lahat ng karahasan ng militar at kag para hubaran ang militar sa kanilang ilusyong akomplisment, mga kasinungalingan mga imbentong kwento.
Mabuhay ang NPA!