Bomb threat sa Dasmariñas, walang kaugnayan sa NPA
Mariing pinabubulaanan at kinukundena ng Melito Glor Command (MGC)-New People’s Army Southern Tagalog ang bomb threat na kumakalat ngayon sa social media na ipinangalan pa sa NPA-Cavite at nagbantang pasasabugan ang dalawang building sa Kolehiyo ng Lungsod ng Dasmariñas, Dasmariñas Arena at Dasmariñas Grandstand sa buktot na dahilang ginagamit na prente ang mga naturang proyekto ng gubyerno para sa korapsyon.
Malinaw na disimpormasyon at paninira ito sa pangalan ng NPA upang ilihis ang pokus ng mamamayan sa gitna ng kumukulong galit nito sa napakalalang korapsyon ng reasksyunaryong estado. Katawa-tawang ginagamit ang pangalan ng NPA upang pagmukhain itong demonyo gayong ang tunay na demonyo at terorista sa mata ng mamamayang Pilipino ay ang pasista at hari ng kurapsyon na rehimeng US-Marcos II. Ang reaksyunaryong estado ang tunay na naghahasik ng teror at nambobomba sa mga komunidad laluna sa kanayunan upang supilin ang paglaban ng bayan.
Sa kabilang banda, naninindigan ang MGC na nararapat lamang panagutin ang mga kurakot na burukratang kapitalista na nananahan sa mga ahensya ng bulok na GRP. Gayunman, hindi ang pagpapasabog ng mga pasilidad ng mamamayan ang lulutas sa kawalang pananagutan ng mga magnanakaw at mandarambong na opisyal ng gubyerno. Ang mga istrukturang ito ay galing sa dugo at pawis na buwis ng mamamayang Pilipino na bagamat tunay na ginagawang palabigasan ng mga burukrata-kapitalista ay dapat pangalagaan alang-alang sa kapakanan ng mga mamamayang gumagamit rito.
Hindi gawain ng NPA ang magpasabog ng anumang pampublikong pasilidad laluna ng mga paaralan o arena kung saan maraming maaaring madamay na sibilyan. Mahigpit itong tumatalima sa kanyang tungkuling protektahan ang interes ng mga mamamayang Pilipino at sa internasyunal na batas ng digma at karapatang tao.
Alam ng masang anakpawis ang dalisay na hangarin ng NPA para sa tunay na kalayaan at pambansang demokrasya. Absolutong pinamumunuan ng Communist Pary of the Philippines ang NPA at ang paggamit ng armas nito ay tiyak na laban sa kaaway ng mamamayan laluna sa reaksyunaryong armadong pwersang AFP-PNP upang igawad ang katarungan at hustisya para sa masang kanyang pinagliliingkuran.