Bulok na estado ang nagluluwal ng mga tiwaling upisyal tulad ni Bantag

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kung may pagdududa pa ang ilan sa kabulukan ng kasalukuyang gubyerno, tiyak na naubos na sa walang katapusang pag-alingasaw ng katiwalian sa gitna ng imbestigasyon sa pagpatay kay Percy Lapid. Institusyunalisadong krimen, negosyo sa loob ng mga bilangguan, mga misteryosong tunnel at nagkakandamatay na mga preso – hindi na bago ang ganitong mga eskandalo sa Bureau of Corrections. Kung tutuusin nga, ang lahat ng lumulutang na eskandalo ngayon ay wala pa sa kalingkingan ng sahol at lalim ng katiwaliang namumugad hindi lamang sa BuCor kundi sa buong gubyerno.

Hindi na nakapagtataka ang pagtuturuan ng mga pangkat nina DOJ Sec. Remulla at dating BuCor Dir. Gen. Bantag. Dati nang estilo ng reaksyunaryong gubyernong magsakripisyo ng ilang mga upisyal nito upang isalba ang sarili. Agad nitong ilalaglag ang sariling mga tauhan upang hindi mabulgar ang mas gahigante pang mga eskandalo at krimen. Sa ganitong paraan, nahahatak nila ang atensyon ng publiko sa maliit na aspeto ng sistematikong katiwalian at kabulukan at napagmumukhang iilang bulok na elemento lamang ang nagpaparumi sa buong estado. Ang dapat na maging malinaw sa lahat: hindi simpleng ang mga indibidwal na piyon na tulad nina Bantag ang pinagmumulan ng katiwalian, ang mismong bulok na estado ang nagluluwal ng mga sagadsaring kriminal na tulad nila.

Sadyang walang aasahang katarungan ang mamamayan mula sa isang estadong pinagpupugaran ng pare-parehong kriminal at tiwali. Mula sa pinakamataas na pusisyon hanggang sa mga upisyal ng mga ahensya, ang lahat ay mayroong kani-kanilang tipak sa kurakot at kita mula sa kanilang mga tungkuling ginawang negosyo. Kaya mawala man ang mga tulad ni Bantag sa pwesto, mayroon at mayroong panibagong mga upisyal na tulad niya o ‘di kaya’y mas masahol pa ngang papalit at maghahasik ng lagim. Gaya nang kung paanong kahit nasibak si Faeldon noon mula sa pagiging hepe ng BuCor ay hindi rin nasawata ang katiwalian sa loob ng naturang institusyon.

Ang tunay na katarungan para kay Percy Lapid at puu-puong libo pang biktima ng karahasan ng estado ay makakamit lamang sa ganap at lubos na pagwasak ng kasalukuyang sistema at pagkabuo ng panibago. Tanging sa isang lipunang hindi na sakmal ng burukrata kapitalismo, pyudalismo at imperyalismo magtatapos ang katiwalian, korapsyon at lahat ng masahol na mukha ng pagsasamantala ng mismong estado sa mamamayan nito.

Bulok na estado ang nagluluwal ng mga tiwaling upisyal tulad ni Bantag