Buong lakas na labanan ang terorismo ng estado at pasistang panunupil ng berdugong AFP! Ipagtanggol ang karapatang pantao ng sambayanang Pilipino!
Mariing kinukundena ng Eduardo Dagli Command-NPA Batangas ang isa na namang karumal-dumal na pambobomba at strafing na naging sanhi ng pagkakapaslang sa 3 batang Mangyan Iraya matapos ang isang labanang naganap noong Enero 1, 2026, alas-sais ng umaga, sa pagitan ng isang yunit ng Lucio de Guzman Command-NPA Mindoro at mga pasistang 1st IBPA, 76th IBPA, 59th IBPA, 5th Scout Ranger Batallion, 203rd IB, 2nd ID ng AFP-PNP-CAFGU sa Sityo Mamara, Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro.
Ang ganitong pangyayari ay karaniwan nang nagaganap sa lahat ng bahagi ng bansa sa bawat labanan sa pagitan ng AFP-PNP-CAFGU at NPA. Ang sibilyan ang binabalingan ng mga berdugong AFP para maghasik ng takot. Binibigyan nito ng katwiran ang kanilang walang habas na pag-atake sa pamamagitan ng pagsasabing nadamay ang mga ito o kaya naman ay ituturo ang pananagutang ito sa mga NPA.
Ang berdugong AFP sa pamumuno ng 2nd ID at ng kanyang mga “brigade units” na 203rd at 202nd katuwang ang SOLCOM ang duguan ang kamay dahil sa pagpaslang sa mga inosenteng bata at mga kabataan. Sila ang naiwang pwersa sa pinaglabanan at walang-awang binomba at inistraping kahit may mga sibilyan sa di kalayuan ng pinaglabanan.
Ang karahasang nagaganap ngayon sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro ay bahagi ng kampanya ng reaksyunaryong estado para bigyang daan at protektahan ang mga anti-mamamayang proyekto para sa supertubo ng mga dayuhang kapitalista tulad ng pagmimina, renewable energy projects at iba pang malaking proyekto, at pagpapalit-gamit sa lupa na malawakang magpapalayas sa libo-libong magsasakang Mindoreño at mga katutubong Mangyan.
Ang walang habas na pambobomba at strafing na ginawa ng 4 na helicopter mula sa 203rd IB at 2nd ID sa loob ng 3 oras ay ganting aksyon ng AFP matapos silang mapinsalaan at mapatay ang 2 sundalo at masugatan ang 2 pa sa naganap na labanan sa pamamagitan ng aktibong depensa ng Bagong Hukbong Bayan. Sa halip na sila ang dapat na tagapagtanggol sapagkat ang kanilang sahod ay nagmumula sa buwis ng taong bayan, pasismo ang kanilang hatid sa mamamayan.
Pinakautak ng pasistang atake at terorismo ng estado ang kanilang pinunong kumander na si Ferdinand Marcos Jr sa dikta ng imperyalismong US. Mas pinaigting pa nila ito sa pamamagitan ng bagong buong programa na mula sa US-Philippines Security Cooperation na kampanyang anti-insureksyong NAP-UPD sa layuning wakasan ang rebolusyonaryong pakikibaka sa bansa sa panahon ng kanyang termino.
Kahalintulad ng mga dati nang hungkag na anti-insureksyong programa at patakaran, mabibigo ang NAP-UPD dahil niloloko na lamang ng Rehimeng US-Marcos II at mga bayarang berdugong AFP ang kanilang mga sarili sa kanilang pahayag na natatalo na ang NPA. Patunay dito ang bigong presisong atake ng AFP sa isang yunit ng Lucio De Guzman Command-NPA at mga matatagumpay na pagdaraos ng ika-57 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-MLM) sa lahat ng mga larangan ng NPA sa buong bansa. Katunayan, matagumpay na nailunsad sa Probinsya ng Batangas ang mga pulong anibersaryo ng ika-57 taon ng pagkakatatag ng PKP-MLM.
Patuloy na lumalakas ang CPP-NPA-NDF dahil sa malakas at nagpapatuloy na suporta ng sambayanang Pilipino. Patuloy itong nagpupunyagi at nagpapalakas sa pamamagitan ng walang pag-iimbot na pagtataguyod nito sa wastong linyang pampulitika sa pamamagitan ng Demokratikong Rebolusyon ng Bayan (DRB) sa diwa ng kilusang pagwawasto.
Ngayong taon, ilulunsad ng EDC ang mga kakayaning taktikal na opensiba laban sa mga yunit ng berdugong AFP/PNP/CAFGU para panagutin sila sa kanilang mga krimen at pandarambong upang bigyan ng katarungan at hustisya ang kanilang mga pinaslang at iba pang biktima. Malakas nating iaabante ang buong lakas ng rebolusyonaryong kilusan sa susunod na yugto ng digmang bayan.
Nananawagan ang Eduardo Dagli Command NPA-Batangas na patuloy na magpunyagi, magpalakas at tuloy-tuloy na labanan ang panunupil ng berdugong ÀFP. Palakasin ang armadong pakikibaka! Iambag ang mabubuting anak ng bayan at sumampa sa Bagong Hukbong Bayan!
Katarungan para sa mga pinaslang na mga bata at kabataan!
Berdugo at bayarang AFP sa pamumuno ng 2nd ID, panagutin!
Isulong ang digmang bayan!