Pahayag

Buong tapang na magtanggol laban sa terorismo ng 203rd Brigade at PNP MIMAROPA sa isla ng Mindoro!

Buong taong 2025, biktima ng dumarami at lumalalang teroristang pang-aatake ng 203rd Infantry Brigade at PNP MIMAROPA ang mga Mindoreño. Ang AFP-PNP, katuwang ang mga CAFGU, CIDG, PDEA at kanilang mga yunit paniktik, ang pasimuno ng malawakang paglabag ng rehimeng US-Marcos Jr. sa karapatan ng mga Mindoreño na mabuhay nang ligtas at payapa.

Mula Enero hanggang Nobyembre 2025, naitala ng Alab—rebolusyonaryong pahayagan ng Mindoro—ang sumusunod na kaso ng paglabag sa karapatang tao ng mga Mindoreño:

Pagpaslang: Pinatay ng mga sundalo ng 4th Infantry Battalion (IB) ng 203rd IBde ang mga sibilyang sina Hulyo Aytag noong Marso 13 sa Mansalay, Oriental Mindoro at Juan Sumilhig noong Agosto 1 sa Barangay Naibuan, San Jose, Occidental Mindoro. Pareho silang dinakip, pinahirapan at pinatay ng mga berdugong sundalo bago ipangalandakan bilang mga NPA na napatay sa mga pekeng labanan.

Tumambad din ang pagiging berdugo ng 1st IB nang pinaslang nila ang hors de combat na si Ising “Ka Mutya” Domingo na nahuli nang di armado. Pinahirapan muna ng mga sundalo si Domingo bago tuluyang pinatay noong Agosto 7 sa Roxas, Oriental Mindoro.

Pambabanta, pananakot at panggigipit: Naitala ang paulit-ulit na mga kaso sa mga bayan ng Naujan, Victoria, Pola, Socorro, Gloria, Bansud, Bongabong, Roxas, Mansalay at Bulalacao sa Oriental Mindoro at sa mga bayan ng Abra de Ilog, Sta. Cruz, Mamburao, Rizal, San Jose at Magsaysay sa Occidental Mindoro.

Marami sa mga kasong ito ay bunsod ng patuloy na militarisasyon sa mga pamayanan ng mga magsasaka at katutubong Mangyan. Naitala ang pinakamarami at pinakamalalang mga insidente sa mga lugar kung saan naganap ang mga labanan sa pagitan ng NPA at AFP-PNP at pati saanman may sama-samang pagkilos ang masa para sa kanilang karaingan. Pinararatangan at pilit na pinaaaming mga “supporter ng NPA” ang buo-buong mga sityo at barangay at sapilitang pinagsasalita ang mga taumbaryo para kundenahin ang NPA. Pangita rin ang pagbaling ng AFP-PNP ng kanilang galit sa mga sibilyan matapos ang pagkatalo sa mga labanan.

Tampok din ang mga kaso ng panggigipit at red-tagging sa mga manggagawa at boluntir para sa karapatang pantao, mga aktibista, mga kamag-anak ng mga bilanggong pulitikal at iba pang lumahok sa mga naganap na fact-finding, solidarity at mercy missions sa buong isla. Malinaw itong pagtatangka ng 203rd IBde at PNP MIMAROPA na itago ang tunay na kalagayan ng karapatang tao sa Mindoro.

Iligal na pag-aresto, detensyon at pagpapahirap: Noong Pebrero, anim na katutubong Mangyan-Hanunuo ang iligal na inaresto, isinailalim sa detensyon, pagpapahirap at interogasyon sa Barangay Panaytayan, Mansalay. Napadaan lamang sila sa pwesto ng nag-operasyong tropa ng 4th IB sa kanilang baryo. Sa loob ng 14 na oras na detensyon, ginutom at hinayaan silang maulanan kaya nagkasakit matapos ma-reskyu ng mga lider ng barangay.

Biktima naman ng iligal na pag-aresto, detensyon at interogasyon si Bado Aytag ng Barangay Panaytayan nitong Setyembre 11. Naiulat din ang katulad na mga kaso sa Barangay Bangkatan, Baco, sa mga barangay ng Bonbon at Teresita sa Mansalay at Barangay San Roque, Bulalacao sa Oriental. Mayroon din sa Barangay Lumangbayan sa Abra de Ilog. Bukod sa pagbabanta at sapilitang pagpapaamin na sumusuporta sa NPA, pinasusuko rin sila at pinipilit na makipagtulungan at magpagamit sa mga militar bilang mga aset.

Nito namang Disyembre 2, hinuli at siyam na oras na ipinailalim sa tortyur si Dolores Mariano Solangon, isang magsasakang residente ng Barangay Balao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro. Iginapos ng mga pwersa ng 76th IB ang kanyang kamay at paa sa isang puno habang pinaaamin siyang NPA. Bukod dito, binusalan ang kanyang bibig, kinasahan ng baril, pinagbantaan na puputulan tenga at pinaghukay ng sariling libingan. Matapos nito ay pilit pinapupunta ng mga berdugo si Solangon sa kanilang kampo sa Mamburao para magpalinis ng pangalan.

Sa Barangay Paclolo, Magsaysay, Occidental naman, dalawang residente ang binugbog ng mga sundalo habang sapilitang pinaaaming mga “supporter ng NPA” noong Pebrero. Itinulak pa sa bangin ang isang biktima ng mga pasistang 4th IB.

Nakapagtala rin ng mga kaso ng iligal na panghahalughog sa pamamahay ng mga sibilyan noong Pebrero sa Barangay Panaytayan, Mansalay at Barangay Pahilahan, Pola noong Pebrero 10 at 19. Kinumpiska ng 4th IB maging ang mga personal na gamit ng biktimang taga-Panaytayan. Samantala, hinalughog ng 76th IB ang lahat ng mga bahay sa isang sityo ng Barangay Pahilahan na malapit sa pinaglabanan noong Pebrero 19.

Pagdukot at sapilitang pagwala: Noong Setyembre 12, dinukot at hanggang ngayo’y hindi pa inililitaw ng mga sundalo ang magkakapatid na sina Isar, Iwit at Nimoy Umyagan. Pauwi na sana ang magkakapatid mula sa tiyangge sa Barangay San Vicente, Roxas nang masabat sila ng mga sundalong nag-ooperasyon. Para pagtakpan ang krimen ng mga sundalo, naglabas ang 1st Civil Military Operations (CMO) Company ng 2nd CMO Battalion ng kunwaring panawagan ng paghingi ng tulong upang mahanap ang mga biktima at pilit nililikha ang imahe na kagagawan ng NPA ang pandurukot.

Pamimililit: Noong Pebrero 11, sapilitang pinaggiya ng mga nag-ooperasyong sundalo ng 4th IB at 15th Scout Ranger Company (SRC) ang isang residente ng Sityo Tignuan, Barangay Teresita, Mansalay. Tahasang isinapanganib ng mga sundalo ang buhay ng masa nang isama nila ito sa inilunsad nilang strike operation laban sa isang yunit ng NPA. Pagkatapos nito ay inilagay ng mga sundalo ang biktima sa sako at dinala sa kampo.

Noong Pebrero rin, sapilitan namang binuo ng mga sundalo sa grupo ang 11 kabataan sa Barangay Naibuan, San Jose bilang mga taga-igib. Dahil sa labis na takot, napilitang lumikas ang ilang residente at nakitira na sa kanilang mga kamag-anak sa ibang baryo.

Sapilitan namang ipinabuhat ng mga sundalo ng 4th IB sa anim na Mangyan-Buhid ang bangkay ni Juan Sumilhig. Nagdulot ito ng matinding trauma na halos ikinabaliw ng isa sa mga katutubong biktima.

Nitong Nobyembre 26, naiulat na mayroon ding isang sibilyan na napasama sa engkwentro ng 76th IB at NPA sa Sityo Balete, Barangay Lumangbayan, Abra de Ilog matapos na sapilitang paggiyahin ng mga sundalo ng 76th sa kanilang ikinasang strike operation.

Karahasan sa mga kababaihan at bata: Lubhang bulnerable ang mga babae at bata sa mga pang-aabuso ng AFP-PNP-CAFGU laluna sa mga baryong sinasaklaw ng mga focused military operations (FMO), pagkakampo sa tabing ng Mobile Community Support Program Operations (MCSPO na dating RCSP) at security patrol bases ng mga sundalo. Sa anim na militarisadong sityo naiuulat ang paulit-ulit na mga insidente nito. Tampok dito kung paano ginagawang parausan at sistematikong pinagsasamantalahan ng mga sundalo ng 68th IB na nakakampo sa Sityo Mantay, Barangay Monteclaro, San Jose ang mga kababaihang Buhid sa baryo. Sa loob ng limang taon, ginawang kalakaran ng sundalo ang prostitusyon sa Mantay. May asawa man o wala, sinisilaw ng mga sundalo ang mga kababaihang katutubo ng iilan daang piso kapalit ng pakikipagtalik. Naiulat nitong unang hati ng taon ang insidente ng pagwawala ng isang upisyal-militar ng naturang kampo at pambubulyaw sa dalawang kababaihang binayaran niya upang makipagtalik sa kanya.

Tulad ng karanasan ng kababaihang Buhid ng Mantay ganito rin ang sinasapit sa kamay ng mga sundalo at CAFGU ng mga kababaihan sa Sityo Hubkob at Dolis sa Barangay Monteclaro at mga sityo ng Salidang at Yabat sa Barangay Naibuan. Ang mga kababaihang katutubo—mga ina, dalaga at maging mga menor de edad pa—ay paulit-ulit na nakakaranas ng mga pambabastos at panghaharas. Nais ng mga sundalo na matulad ang mga sityong ito sa Mantay at nagagalit pa sa mga kababaihan kapag tinatanggihan ang inaalok nilang pera kapalit ng pakikipagtalik.

Ganito rin ang naiulat na karanasan ng mga kababaihang Buhid sa Sityo Sigaw, Barangay Lisap, Bongabong kung saan mahigit limang taon na ring nakakampo ang isang yunit ng 4th IB.

Paninira at pagnanakaw ng tanim at ari-arian: Madalas ireklamo ng mga sibilyan ang pamiminsala ng mga nag-ooperasyong sundalo sa kanilang mga tanim, alagang hayop at iba pang ari-arian. Naiulat ang di bababa sa anim na kasong may tinatayang 50 biktima sa mga barangay ng Panaytayan at Teresita sa Mansalay at ang iba pa sa Roxas sa Oriental at Barangay Lumangbayan, Abra de Ilog at San Jose sa Occidental.

Tampok na kaso ang panloloob ng mga sundalo sa isang bahay na malapit sa pinaglabanan sa Sityo Tignuan, Barangay Teresita noong Pebrero 11. Ninakaw ang ₱3, 000 na laman ng alkansya ng maybahay gayundin ang lahat ng alagang manok pati ang mga itlog sa limliman. Garapalang ibinibintang ng sundalo ang insidente sa mga NPA gayong kitang-kita naman ng mga residente ang pangyayari.

Sa Sityo Kalinisan, Barangay Bayotbot, San Jose kung saan naganap din ang isang labanan noong Pebrero 11, binungkal at sinira ng mga tropa ng 68th IB ang tanim na balinghoy malapit sa pinaglabanan dahil sa tindi ng galit matapos matalo sa labanan.

Pambobomba at istraping: Walang habas na naglunsad ng mga aerial strafing at artillery shelling ang pasistang 203rd IBde sa mga baryo kung saan naganap ang mga engkwentro nito laban sa mga yunit NPA Mindoro. Gaya na lamang ng ginawa nito sa Barangay Tagumpay, Pola noong Pebrero 19 at sa Barangay San Vicente, Roxas noong Setyembre 9 hanggang Setyembre 10.

Matapos naman magtamo ng malaking pinsala ang kasundaluhan sa sunud-sunod na engkwentro sa bayan ng Baco noong Agosto 9 at 12, nagsagawa ng dalawang beses na aerial strafing sa hangganan ng Baco-San Teodoro ng Oriental at Sta. Cruz-Abra de Ilog ng Occidental noong Agosto 21 bilang bahagi ng kanilang pursuit operations sa yunit ng NPA.

Karaniwang bahagi ang walang habas na pagpapaputok at pambobomba ng ganting-reaksyon ng 203rd IBde sa mga sibilyang populasyon matapos ang mga mabigo ang mga batalyon nito sa mga tangkang paglilipol sa mga yunit ng NPA. Sa Timog Oriental Mindoro, ginawa nang pangkaraniwan ng 203rd IBde ang aerial strafing at panganganyon sa mga komunidad ng katutubo para maghasik ng teror sa mga katutubong Hanunuo at Buhid. Ginagawa rin nila ito kasabay ng pagpapakalat ng balita ng mga pekeng engkwentro tulad na lamang ng nangyari sa Sityo Lomboy, Barangay Panaytayan.

Bago at matapos isagawa ang pambobomba at istraping, sapilitang pinalilikas ng mga sundalo ang mga residente sa sentro ng mga bayan. Libo-libong Mindoreño—kalakhan mga magsasaka at katutubong Mangyan—ang naging biktima ng sapilitang pagpapalikas. Dahilan ito upang maantala ang kanilang kabuhayan at normal na takbo ng buhay. Trauma rin ang inaabot ng mga biktima laluna ng mga bata. Sa Baco, naiulat na nanginginig sa takot ang mga bata kapag nakakakita ng mga sundalo at pulis.

Pinakamalala ang sinapit ng mga katutubong Iraya sa Baco na ninirahan sa baryo ng Lantuyang, Bayanan, Mangangan II at San Ignacio na dumanas ng ilang araw na kagutuman at hindi nakapaghanapbuhay matapos ang sapilitang pagpapalikas sa kanilang pamayanan.

Paghahamlet, pagkakampo, blokeyo sa ekonomya at iba pang paghihigpit: Militarisado nang sintagal ng linggo o buwan ang di bababa sa pitong barangay sa Pola at mga karatig-baryo nito sa bayan ng Socorro matapos ang labanan noong Pebrero 19. Sa ilang mga barangay sa Pola, nag-deklara ng red alert status ang 76th IB at maski pasok sa eskwelahan ay pinahinto noong Pebrero. Ganito rin ang sinapit ng mga residente ng Sityo Barayong, Barangay Manaul, Mansalay kung saan pinagbawalaan ang mga residente na lumabas ng baryo matapos ang labanan noong Setyembre 25. Hinarang at hinaras din ng AFP-PNP ang humanitarian team na magdadala sana ng pagkain at tulong sa Barayong.

Kaakibat ng militarisasyon sa mga pamayanan ang paghihigpit o tahasang pagbabawal sa paglabas ng baryo at pagpunta sa bukid, kaingin at palaisdaan, pagtatakda ng curfew, paglilimita sa maaring bilhin na pagkain ng mga residente at iba pa. Naiulat din ang insidente ng paghihigpit ng sundalo sa mga binibiling gamot ng mga residente ng Barangay Nasucob, Bulalacao.

Noong Pebrero, pinakatan ng dalawang platun pang-MCSPO ang Barangay Guinobatan, Calapan City, Oriental. Paninindak ito sa mga magsasaka na matapang na ipinagtatanggol ang kanilang lupa mula sa pangangamkam ng lokal na burgesya kumprador na si Jolly Ting.

Noong unang kwarto ng taon naiulat din ang pagkampo sa tabing ng MCSP sa mga barangay ng Paclolo at Purnaga sa Magsaysay at sa Monteclaro at Naibuan sa San Jose. Buong unang kwarto ay pinerwisyo ng blokeyo sa ekonomya at pagkain ang mga interyor na barangay ng parehong bayan.

Sa Barangay Malisbong, Sablayan, Occidental naman, naiulat noong Marso ang matagumpay na pagbigo ng mga residente sa tangkang pagtatayo ng kampo malapit sa isang eskwelahan.

Redtagging: Mula Hulyo hanggang Setyembre, nag-ikot ang mga ahente ng AFP at NTF-ELCAC sa pitong kolehiyo at unibersidad sa Oriental Mindoro upang magsagawa ng mga redtagging forum, magkalat ng disimpormasyon at takutin ang mga estudyante at ilayo sila sa aktibismo. Sinasagkaan nito ang kalayaan ng mga kabataang estudyante na maging kritikal at mapanuri sa kalagayan ng kanilang sektor at kabuuang lipunang Pilipino.

Sa kabuuan, mula Enero hanggang Nobyembre naitala ang 126 na kaso at humigit kumulang 16, 377 na biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa isla ng Mindoro. Katumbas ito ng 49 na biktima ng paglabag ng karapatang pantao kada araw. Pinakalaganap ang pambabanta, pananakot at panggigipit (48 na kasong may 2, 274 biktima). Salaminan ito ng aktibong paghahasik ng takot ng 203rd IBde at PNP MIMAROPA sa mga mamamayan. Sumunod ang sapilitang dislokasyon (4 na kasong may 7, 630 biktima) at paghahamlet, pagkakampo at mga blokeyo (16 na kasong may 4, 610 biktima). Ilang beses din nagsagawa ang 203rd IBde ng walang habas na pambobomba at pagpapaputok (4 na kasong may 1, 080 biktima). Patunay rin sa batas militar sa isla ang mga kaso ng mga pag-aresto, pagbibinbin at panghahalughog nang walang warrant (12 kaso na may 175 na biktima) at samu’t saring kaso ng pamimilit (7 kaso na may 421 biktima). Ito ang mukha ng terorismo ng estado sa Mindoro. Sa tindi ng di deklaradong batas militar sa isla, malamang na mas marami pang kaso ang hindi naitatala.

Ang kasalukuyang batas militar sa buong isla ay bahagi ng National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD)—ang kontra-rebolusyonaryong programa ni Ferdinand Marcos Jr. na nakabalangkas sa counter-insurgency (COIN) guide ng imperyalismong US. Hibang na pinapangako ng NAP-UPD na ganap na madurog ang CPP-NPA-NDFP pagdating ng 2028.

Sa ubod ng mabangis na panunupil ng 203rd Brigade, PNP MIMAROPA at buong rehimeng US-Marcos II sa mga Mindoreño ang maitim na layuning itanim ang labis-labis na takot sa isip at puso ng mga Mindoreño upang gawin silang kimi at palasuko sa harap ng lumalalang pagsasamantala, kahiraparan at kagutuman na hatid ng naghaharing sistema. Sa ngalan ng “kontra-insurhensya,” sinasagasaan ng rehimen ang karapatan ng mga Mindoreño na ipaglaban ang kanilang buhay at kabuhayan na winawasak ng mga dambuhalang negosyo, mga programa at patakaran ng gubyerno at mga operasyon ng mina, kwari, dredging, renewable energy at ekoturismo na nanghihimasok sa Isla.

Ang pinakamasahol na terorismo at pasismo ang tanging sandalan ng naghihingalong gubyerno ni Marcos Jr. at kanyang among imperyalistang US. Parehas na tadtad ng krisis ang dalawang ito. Si Marcos Jr. ay nahaharap ngayon sa banta ng pagpapatalsik ng isang kilusang masang nagbangon laban sa buong burukrata kapitalistang gubyerno na batbat ng korapsyon at kabulukan. Ang US naman ay nililigalig ng panloob na krisis at minumulto ng takot na mapalitan ng China bilang solong superpower sa mundo. Upang hadlangan ang kanilang pagdausdos at tuluyang pagbagsak dahil sa di mapigilang paglaban ng masang api at pag-igting ng krisis panlipunan, pinakakawalan ng rehimeng US-Marcos II laban sa mamamayan ang makahayop na panunupil.

Sa paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, dapat buong lakas na ilantad at kundenahin ang imperyalistang US bilang numero unong terorista at tagalabag ng karapatang tao sa mundo. Ito ang utak ng kontra-rebolusyonaryong digma sa Pilipinas at iba pang mga bansa. Ang kontra-rebolusyon sa bansa ay bahagi ng walang katapusang digma ng US laban sa masang api sa buong mundo na inilulunsad upang malaya itong makapandambong at makapagkamal ng yaman. Ngayong iniinda ng US ang lumalalim at di malutas-lutas na krisis sa sariling bansa, pinaiigting nito ang kontra-rebolusyon sa buong mundo—laluna sa mga atrasado at malakolonyal na bayan katulad ng Pilipinas. Sinasaklot nito sa pinakamasahol na terorismo ang milyun-milyong masang api para makapanatili sa kapangyarihan.

Dahil sa mapagsamantalang interes ng mga naghaharing sistema naglilingkod ang terorismo at kontra-rebolusyonaryong digma ng rehimeng US-Marcos II, di ito kailanman magluluwal ng tunay na kapayapaan. Sa Mindoro, walang kapayapaan hanggat umiiral ang di deklaradong batas militar na yumuyurak sa karapatang tao ng mamamayan ng isla.

Hindi makakamit ang kapayapaan hanggat di rin nabibigyan hustisya ang mga paglabag sa karapatang tao ng mga Mindoreño. Dapat ilantad at singilin ang 203rd Brigade at PNP MIMAROPA bilang mga terorista. Dapat imulat ang masa sa kanilang mga karapatan at paano ito ipaglalaban. Lubos na hinihikayat at sinusuportahan din namin ang pagkakaso ng mga biktima laban sa AFP-PNP.

Bahagi ng pagbigo sa batas militar ay ang pagtindig ng mga masa para palayasin ang mga militar sa kanilang mga pamayanan. Dapat ding ipanawagan ang pagtanggal sa pinalobong budget ng AFP-PNP at NTF-ELCAC. Ang bilyun-bilyong pondo nito para sa terorismo laban sa masang api ay dapat mailipat sa mga serbisyo at proyektong kinakailangan at mapapakinabangan ng mamamayan. Sa maksimum, dapat ipanawagan ang pagbuwag sa NTF-ELCAC na kinamumuhian ng mamamayan dahil sa maruming digma nito.

Panghuli, dapat isulong ang demokratikong rebolusyong bayan upang ibagsak ang malakolonyal at malapyudal na sistemang nagpapahirap sa mamamayang Pilipino. Ito ang tanging paraan upang makamit ang tunay na kapayapaan. Sa pagtatagumpay ng rebolusyon, malulutas ang pagsasamantala at pang-aapi—ang atrasadong ekonomya, pagkakatali ng bansa sa dikta ng dayuhan at kawalan ng demokrasya—na dahilan bakit may digmaan sa Pilipinas. Ang demokratikong rebolusyong bayan at pagpapabagsak sa imperyalistang US sa ating bayan ay ambag natin sa paglaban ng lahat ng masang api sa buong mundo para sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.

Mamamayang Mindoreño, mag-aklas! Lansagin ang di deklaradong batas militar at terorismo ng estado sa isla!

Singilin ang 203rd Brigade, PNP MIMAROPA, NTF-ELCAC at rehimeng US-Marcos II sa inutang na dugo sa mga Mindoreño!

Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan para sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan!

Buong tapang na magtanggol laban sa terorismo ng 203rd Brigade at PNP MIMAROPA sa isla ng Mindoro!