Byahe patungong kaunlaran sa Divilacan, sasagasaan ang mamamayan

, ,

Isa sa mga bayan na nasa baybaying bahagi ng Isabela ang Divilacan. Nakasandal ito sa mga bundok ng Sierra Madre at nakatanaw sa Dagat Pasipiko. Mayaman ito hindi lamang sa mga hilaw na materyales at lamang dagat bagkus ay nabiyayaan din ito ng magagandang tanawin. “World class” ang ganda ng puting buhangin na gumuguhit sa dalampasigan at sa dalawang maliliit na isla nito. Ang paraisong ito ay ipinundar ng matagal na pagbubuhos ng lakas-paggawa ng mga unang Divilaqueño na kalakhan ay katutubong Agta, bago pa man ito naging munisipyo noong 1969. Pero sa likod ng kasaganahang ito, nananatiling atrasado ang kabuhayan ng mga mamamayan. Walang titulo o anumang katibayan sa pagmamay-ari ng lupa ang karamihan sa mga Divilaqueño. Ang kalunus-lunos na kalagayang ito ang ginawang tuntungan ng nga naghaharing-uri at ng estado.

Ilagan-Divilacan Road

Sa tabing ng kaunlaran, binuksan ang proyektong Ilagan-Divilacan Road — ang kalsadang magdudugtong sa dating liblib na bayan patungo sa kabisera ng lalawigan, ang City of Ilagan. Sa halip na pag-asenso, delubyo ang bumungad sa mamamayan nang matabunan ng landslide ang halos buong baryo at sakahan ng barangay Sapinit noong 2019. Resulta ang landslide ng ginagawang konstruksyon na umuuka sa gilid ng kabundukan at pumutol sa mga punong tatagusin ng kalsada.

Ang C.M.Pancho Construction Incorporated ang nakakuha ng limang taong kontrata sa halagang ₱1.3 bilyon na babayaran ng mga mamamayan ng Isabela sa Landbank. Nagkaroon sila ng Memorandum of Agreement (MOA) sa Agta Sapinit Tribal Council upang mapahintulutan ang proyekto sa pangakong magkakaroon din ng mga irigasyon, eskwelahan, health center at iba pang serbisyo para sa mga taga Sapinit. Sa kasawiang-palad, wala ni isa ang natupad sa mga pangakong ito. Bulnerableng mapalayas ang mga taga-Ditarum sa paglipana ng mga pulitiko at negosyante na garapalang nang-aagaw sa posisyon ng mga magsasaka. Kasangkapan din nila sa pang-aagaw ng lupa ang 95th IDPA. Sa katunayan, mas naging daan pa ang proyektong ito upang mas madulas na makapasok ang mga dayuhang interesadong bumili ng lupa kaysa sa mga magsasakang umaasang makakatulong ito sa pagluluwas ng kanilang mga produktong agrikultiral.

Divilacan Airport

Taong 2014 nang marahas na dinemolis ng mga pulis at kampon ng noon ay gobernador Faustino Dy Jr. ang komunidad ng barangay Dipudo upang bigyang-daan ang itatayong international airport. Sinakop niya ang 112-ektarya sa tabing-dagat at ang walong ektaryang niyugan na gagawing runway, na nakuha niya mula sa isang pamilya sa halagang ₱250,000 lamang. Sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang pampulitika, brinaso at tinakot ni Dy ang mga magsasaka na ibenta ang kanilang lupa sa napakababang halaga at pumayag sa relokasyon. Inilipat ng Department of Environment and Natural Resources ang mga kawawang mga magsasaka sa sulok ng gubat na sakop ng Northern Sierra Madre Natural Park (NSMNP) kung saan 14 kilometro ang layo nito mula sa dagat na siyang pinagmumulan ng kanilang pagkain at kabuhayan. Sadyang gusto rin siguro ng gubyerno na patayin sila sa gutom dahil ipinagbabawal sa NSMNP ang pagkakaingin at pag-uuling na siya namang kabuhayan ng mga na-relocate doon. Kalunan ay naging animo’y ghost town ang lugar dahil ilan lang din ang nanatili. Dagdag pa rito, walang indikasyon upang sabihin na ito ay barangay. Mag-iisang dekada na ngunit ang Day Care Center na hindi pa rin tapos ang tumatayong temporaryong barangay hall, walang maayos na water system at iba pang pampublikong pasilidad sa kabila ng nakalaang pondo nitong ₱3 milyon.

Honeymoon at Gay Island

Ang dalawang islang ito ang “perfect” na pasyalan kung pagliliwaliw ang hinahanap. Subalit sa likod nito ay ang mapait na kinahinatnan ng mga magsasakang napalayas sa kanilang mga lupain at fishing grounds. Kinamkam din kasi ni Faustino Dy Jr. mula sa mga katutubong Agta ang 24-ektaryang Honeymoon Island na saklaw ng kanilang ancestral domain. Nilinlang niya ang mamamayan sa pangakong napako na babayaran ng ₱30,000 ang bawat pamilya. Naging tourist destination na ang dating sagradong libingan ng mga ninuno ng mga katutubong Agta. Sa halip na payak na mga puntod, resort na may mamahaling villas o cottage, restaurant, swimming pool, speed boat, at iba pang amenities na ang nakatirik doon. Idini-devolop na rin ang kabilang isla, ang Gay Island, na “iniregalo” naman ni Dy kay Jose Mari Antonez na tauhan ng Smartmatic. Tulad ng Honeymoon Island, nagtayo na rin ng mga villa, swimming pool, dock at helipad sa isla para makapag-relax ang ang naghaharing-uri habang ginugutom ang mga nagpundar sa paraiso.

Reserbasyong Nabal

Dekada 60s pa nang pumusisyon ang mga magsasaka ng barangay Bicobian sa lupaing inaangkin ng Philippine Navy (PN). Ayon kasi sa militar, ang 50-ektaryang lupaing ito ay reserbang nabal sa batayang nagkaroon ng pansamanlang base nabal dito noong 1972. Sa ngayon, gustong balikan ng militar ang lugar upang tayuan ng kampo, kahit na marami ang mapapaalis na mga mangigisda, magsasaka at mga katutubong Agta na naninirahan doon. Walang ibang makikinabang sa baseng ito kung hindi ang mga tropang Amerikano sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Kaugnay nito, maaari itong maging tabing para sa maritime security ng Benham Rise na 250 kilometro mula sa baybayin ng Isabela o maging base sa mga operasyon ng US kontra-China na sa esensya at pag-uudyok na maging war zone ang bansa laban sa mga kaaway nito.

Ang Lupaing Publiko

Para sa reaksyunaryong gubyerno, ang “lupaing publiko” ay hindi para sa publiko at mamamayan. Bagkus, ito ay para lamang sa mga pribadong negosyante at para interes ng naghaharing uri.

Namimiligrong maagaw sa mga magsasaka ng buong Divilacan ang malawak na lupaing binungkal nila ng mahigit pitong dekada matapos kanselahin ng Provincial Assesors Office ang deklarasyon ng lupa sa bayan. Bunga nito, mas mapapadali ang pangangamkam ng lupa ng mga malalaking negosyante at panginoong maylupa. Tiyak na magkakamal ng limpak-limpak na salapi ang sindikato sa lupa na binuo ng sabwatang DENR-surveyor-assessor-ahente. Ang ahensya ang nagsesertipika ng lupa, ang assesor ang nagkakansela ng dating deklarasyon at naglalabas ng bagong deklarasyon, ang ahente ang naghahanap ng buyer mula sa labas samantalang ang surveyor naman ang maglalabas ng mapa. May kanya-kanya silang porsyento sa bawat transaksyon kada ektarya.

Ang lupaing pampubliko na para sana sa mamamayan ay iilan nalang ang nakikinabang sa ilalim ng estadong nag-aastang panginoong maylupa. Matagal nang nalantad sa mga mamamayan ng Isabela, lalo na sa mga katutubong Agta ang iba’t-ibang iskema ng gobyerno sa pang-aagaw ng lupa sa anyo ng Northern Sierra Madre National Park (NSMNP), National Greening Program at ngayon, ang Coastal Development Plan.

Ang tunay na landas sa kaunlaran para sa mamamayan

Sa pangkalahatan, ang malalaking burukratang kapitalista at mga dayuhang negosyante ay tila ba nakatingin sa blangkong mapa at ituturo na lamang sa estado kung saan nila gustong magtayo ng mga proyektong magkakamal ng malaking tubo, sa kapinsalaan ng mamamayan.

Ang pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan ang tunay na sukatan ng kaunlarang pang-ekonomya na may katarungang panlipunan at malusog na ekolohiya. Magiging behikulo lamang sa pag-unlad ng mamamayan ang mga kalsada kung ito ay nakaugnay sa pagpapaunlad ng agrikultura. Gayundin ang eko-turismo na hindi sumisira sa kalikasan at nagtataboy sa mga magsasaka at katutubo, bagkus ay nagiging bahagi sila sa pagtatamasa ng mga oportunidad na ihahatid nito.

Pinatunayan ng karanasan na walang mapapala sa walang-katapusang pagsusumamong magbibigay ng titulo ang mga ahensya ng gubyernong nagbabalat-kayong para sa kapakanan ng mga magsasaka. Ipinakita ng karanasan na naisusulong at nakakamit lamang ang mga demanda at interes ng mamamayan kapag nagpapamalas ng lakas! Kahit walang hawak na titulo, hindi mababawi ang lupa kung may armadong pampulitikang lakas. Ganito ang nangyayari sa mga lugar na malakas ang hukbong baya, milisyang bayan, Partido Komunista at mga rebolusyonaryong organisasyong masa.

Sa paglakas ng rebolusyon sa mga baryo at bayan, humihina ang mga panginoong maylupa at ang monopolyo nila sa lupa, mangangamkam na lokal na upisyal ng gubyerno, magnanakaw ng kalabaw, at iba pang katulad nila. Naisusulong ang mga interes ng mga magsasaka nang nakaugnay sa pagsulong ng digmang bayan para sa pambansang kalayaan at tunay na demokrasya. Tanging sa pagpapabagsak lamang ng sistemang malapyudalat malakolonyal tunay na matutugunan ang malaon nang kahilingan ng magsasaka na ariin ang lupang binubungkal.

 

Ilantad ang sabwatan ng mga naghaharing uri at estado sa pagkakait ng lupa para sa mga magsasaka!

Ipatupad ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon!

Isulong ang digmang bayan! Isulong ang digmang magsasaka!

Itayo ang demokratikong gubyerno ng mamamayan!

Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Byahe patungong kaunlaran sa Divilacan, sasagasaan ang mamamayan