Command Conference sa Masbate na pinangunahan ng AFP Chief na si Browner, pagpapatindi ng pasistang teror laban sa masang Masbatenyo
Dumating nitong Enero 29, sa Masbate ang AFP Chief na si Romeo Browner at pinulong ang mga kumander at matataas na upisyal ng 2nd Infantry Battalion Philippine Army at 96th IBPA sa Battalion Headquarters ng 2nd IBPA sa Barangay Panicijan, Uson. Inunat ng husto ng militar ang kanilang pwersa kung saan mula sa mga barangay sa bayan ng Mobo, Milagros at Uson ay umabot hanggang sa mga barangay ng Palanas at Dimasalang ang pakat ng kanilang depensa habang ilinulunsad ang Command Conference.
Taliwas ang ipinapakita ng militar sa kanilang paulit-ulit na ipinagmamayabang na iisang mahinang larangang gerilya na lamang ang natitira sa bansa. Malinaw na ipinapakita sa kanilang depensa ang labis na takot at kawalan ng kumpiyansa kahit na sinasabi nilang mahina o paubos na ang NPA lalo partikular sa Masbate.
Ang Command Conference na ito ay tiyak na pagbaba ng atas mula sa rehimeng US-Marcos Jr para sa paparating na midterm election. Tulad ng mga nakaraang halalan, higit na papatindihin ng reaksyunaryong gubyerno ang pasistang teror, bago o sa panahon mismo ng eleksyon. Gagawin nitong panabing ang mga kontra-insurhensyang mga programa at patakaran upang direktang ipatupad ang batas ng militar laban sa masang Masbatenyo. Supilin ang kanilang mga karapatan sa paghahasik ng mga karahasan at paglunsad ng mga pakanang mga labanan na bibiktima sa mga ordinaryong sibilyan.
Maaaring tulad nang sa panahon ng pananalasa ng Retooled Community Support Program (RCSP) ang gagawing pag-okupa at pagpakat ng militar sa mga baryo sa tabing na “bantay para sa mapayapang halalan”. Imomonitor ng mga ito ang kilos at galaw ng mga tao habang magpapakalat ng mga kontra-rebolusyonaryong mga propaganda. Malawakang magpapakalat ng mga psywar at dis-integrasyon laban sa masa at Hukbo sa layuning pahibasin at lasunin ang dagat upang mapatay ang isda.
Mamanmanan din nito ang mga pulitiko na pinaghihinlaan nilang makikipag-ugnayan sa Hukbo sa panahon ng kanilang pangangampanya. At magpapakalat ng mga paninira laban sa mga progresibong mga kandidato at partylist.
Dapat maging mapagbantay at alerto ang masang Masbatenyo sa mga gagawing mga pakanang kaguluhan ng militar habang papalapit ang midterm election. Higit sa lahat, sa mga ilulunsad nitong mga pakanang labanan na ang buhay ng mga sibilyan ang isinasangkalan upang palabasing may mga accomplishment silang naggawa laban sa BHB at buong rebolusyonaryong kilusan sa prubinsya.
Dapat itulak o obligahin ng masa ang kanilang mga barangay upisyal na magpasa ng resolusyon na magbabawal sa mga militar na gamitin ang mga pampublikong pasilidad bilang kanilang himpilin tulad ng plasa, basketball court, paaralan, birthing center at iba pa. Ganun din ang paghimpil malapit sa mga kabahayan o sentro ng baryo. Tuligsain ang militar sa paggamit sa mga sibilyan bilang pananggalang o shield na malinaw na paglabag sa batas ng digma.