"Condemnation Rally" na ilinunsad sa lungsod ng Placer, hungkag at panlilinlang
Hungkag at hindi makatarungan ang ilinunsad na “condemnation rally” ng 65th Infantry Battalion sa barangay Manlut-od, Placer, Masbate noong Abril 5, 2026. Pinatawag, tinipon at pinagsaggawa ng programa ng pagkukundena sa New People’s Army (NPA) ang mga residente ng barangay Manlut-od. Katulad din ito sa isinagawang “peace rally” sa Rizal Park, Masbate City noong Marso 29, kung saan itinaon sa ika-57 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Layunin ng militar na magpakalat ng kasinungalingan at linlangin ang mamamayang Masbatenyo. Gusto nilang paniwalain ang mamamayan na sa pagsurender sa pasista, magnanakaw, tuta at kontra-mamamayang gubyerno makakamit ang kapayapaan.
Tulad sa panahon ng pagpapatupad ng balik-loob program ng reaksyonaryong gubyerno, napipilitang sumunod ang mamamayan dahil sa pananakot at pambabanta na ginagawa ng militar sa kanila. Sinumang hindi sumunod, binabantaang sasampahan ng kaso, inaakusahang tagasuporta o kasapi ng NPA. Ang mga mapanlinlang na programa at aktibidad na isinasagawa o naisasagawa ay pawang nakaayon sa kagustuhan ng militar at hindi sa mamamayan.
Hindi bukal at labag sa kalooban ng mamamayang Masbatenyo ang ipinagagawa sa kanila na kundenahin ang kanilang pulang Hukbo. Subalit, napipilitan silang sumunod sa ipinag-uutos o ipinagagawa sa kanila dahil sa takot at pangamba sa kanilang kaligtasan kung sila ay susuway. Nakatatak ang pagiging berdugo at pasista ng pwersa ng estado na nagiging bangungot sa pang-araw-araw na buhay ng mamamayan. Sa tuwing naririnig ng mga tao ang katagang army o militar ay natataranta at bumabalik ang truma na kanilang iniinda bunsod ng kanilang naranasang karahasan sa duguang kamay ng mga sugong asong nauulol ng gubyerno.
Taliwas sa kanilang ibinabanderang pagtataguyod ng kapayapaan sa Masbate ang tunay na dinaranas ng mamamayang Masbatenyo. Hangga’t nananatili ang pasismong paghahari ng militar sa isla ng Masbate at sa buong bansa, walang makakamit na tunay na katarungan, katiyakan sa seguridad at kapayapaan ang mamamayan. Ang mga pangamba, takot at kawalan ng katarungan at inhustisya ay tuluyan lang na matutuldukan kung maipagtatagumpay ang pambansa-demokratikong rebolusyon na isinusulong ng mamamayan.
Nabahala naman ang mga residente sa dalawang beses na paglapag ng helikopter sa isang pastuhan ng barangay Casabangan, Pio V Corpuz nito lang Abril 10. Habang tambak ang tropa ng mga militar sa naturang barangay na nagsasagawa ng mga Focused and Sustained Military Operation at Modified Community Support Sustainment Program.
Tiyak rin na dadami pa ang maitatala na mga paglabag at krimen kung matutuloy ang planong pagtatayo ng bagong kampo sa barangay Guadalupe sa bayan ng Esperanza at command post sa barangay San Carlos, Palanas.
Para sa mamamayang Masbatenyo, ang pagkakaroon ng presensya ng militar sa kanilang lugar ay katumbas ng kawalan ng kapayapaan, sa halip palagiang nakaamba ang karahasan at krimen na anumang oras ay bibiktima sa kanila.
Ganun pa man, naniniwala ang Jose Rapsing Command-NPA Masbate na mayroon pa ring natitirang mga mabubuti at tapat sa tungkulin na mga kasapi ng kasundaluhan. Kaya, nananawagan ang pamprubinsyang kumand sa kanila na ipagtanggol ang mamamayan sa mga mapang-api at mapagsamantala nilang mga kasamahan at huwag magbubulag-bulagan. Karamihan sa inyo ay nagmula rin sa mga magsasaka, mangingisda at inaapi at pinagsasamantalang sektor sa lipunan. Kung saan ang mga sektor na ito ang lumilikha at nagpoprodyus ng pagkain para sa mamamayan at bumubuhay sa ating bayan. Sinumpaan niyong paglingkuran at pangalagaan ang kaligtasan ng mamamayan kapalit ng buwis na isinasahod sa inyo mula sa kanilang dugo at pawis na pagtatrabaho at paghahanap-buhay araw-araw.
Nananawagan naman sa mamamayang Masbatenyo ang pamprubinsyang kumand ng NPA Masbate, na maging matatag at manindigan laban sa isinasagawang panlilinlang ng militar. Huwag hayaang patuloy kayong gamitin upang lumikha ng ilusyon at magsaboy ng kasinungalingan laban sa rebolusyonaryong kilusan at NPA sa isla. Anumang pakana ng militar, gawin ang lahat ng nararapat na paraan upang ilantad at labanan ang mga ito. Ang inyong nagkakaisang lakas at sama-samang paglaban ay magiging malakas ninyong sandata laban sa pananakot, pambabanta ng kaaway at paglabag sa inyong karapatan at paglapastangan sa kapayapaan sa ating minamahal na isla ng Masbate.