Dakilain ang rebolusyonaryong buhay at pakikibaka ni Ka Binhi, rebolusyonaryong kabataan, artista at kadre ng Partido
Pinakamataas na pagpupugay at parangal ang iginagawad ng Partido Komunista ng Pilipinas-Timog Katagalugan kay Baby Jane “Ka Binhi/Amlay” Orbe, artista ng bayan at huwarang kababaihan, batang Kadre ng PKP at pinuno ng Hukbong bayan sa Kanlurang Batangas. Namartir siya habang magiting na lumalaban sa pasistang militar noong Disyembre 17, 2023 sa Barangay Malalay, Balayan, Batangas. Hindi kaagad nakuha ang kanyang bangkay sa kabila ng pagsisikap ng mga kapamilya, mga grupo sa karapatang pantao, at mga lokal ng Balayan. Narekober ang kanyang bangkay noong Pebrero 14, 2024, sa isang tubuhang ilang distansya ang layo sa pinangyarihan ng madugong labanan noong Disyembre.
Tubong Taguig City, nagmula si Ka Binhi sa uring petiburgesya. Ang kanyang mga magulang ay Waray pero sa Maynila na lumaki sa piling ng kanyang lola. Panganay at nag-iisa siyang babae sa kanilang magkakapatid. Nakapagtapos siya ng kursong BA Theater Arts sa Polytechnic University of the Philippines (PUP-Sta.Mesa). Naorganisa siya sa isang grupong pangkultura sa eskwelahan noong 2015. Mula noon, naging aktibo siya sa mga pangkulturang aktibidad at nakalahok sa mga dulang produksyon kabilang ang Daluyong—isang pahinumdom tungkol sa Bagyong Yolanda. Dito siya tuluy-tuloy na namulat at kalaunan ay sumama sa mga kilos-protesta sa lansangan hanggang sa marekluta sa Artista at Manunulat ng Sambayanan (ARMAS), isang lihim na organisasyong pambansa-demokratiko ng mga artista ng bayan.
Taong 2017 ay naging kasapi siya ng Partido. Gumampan siya ng mga susing tungkulin sa kinabibilangang Grupo ng Partido sa kalunsuran hanggang sa maging kalihim nito mula Abril 2018-Marso 2019. Matapos nito’y nagpasya siyang makipamuhay nang matagal-tagal sa isang yunit ng BHB sa Quezon. Napukaw siya nang dumalo sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng PKP sa isang larangan sa Timog Katagalugan at nangakong muling babalik sa sona para mag-TOD.
Sa pagbalik bilang TOD noong Marso 2019, tuluy-tuloy na kumilos sa kanayunan si Ka Binhi hanggang sa opisyal nang umanib sa BHB noong Setyembre 2019. Buong puso niyang ginampanan ang iniatang sa kanyang mga tungkulin sa Hukbo kabilang ang pagiging giyang pampulitika ng yunit sa gawaing masa at opisyal sa lohistika (P4 ng platun).
Huling bahagi ng 2020 nang italaga siya bilang Instruktor Pampulitika (PI) at kalihim ng yunit ng Hukbo sa Kanlurang Batangas. Sa kabila ng kanyang mga agam-agam sa panibagong adjustment sa bagong erya at mga kasama, walang pag-aatubiling tinanggap ni Ka Binhi ang atas at hamon ng Partido taglay ang rebolusyonaryong optimismo. Mahusay niyang pinamunuan ang yunit katuwang ang mga Pulang kumander at mandirigma upang epektibong mabalikan at muling makaugat sa baseng masa sa Kanlurang Batangas.
Sa Hukbo, mahusay na ipinamalas ni Ka Binhi ang angking galing bilang artista ng bayan at itinanghal ang rebolusyonaryo at makamasang sining para sa laksa-laksang mamamayan ng kanayunan. Ginamit niya ang kanyang talino’t kakayahan upang pamunuan at patatagin ang yunit na kinabibilangan at baseng kinokonsolida at pinagpapalawakan. Larawan siya ng katatagan na kahit sa panahon ng krisis, hindi siya makikitaan ng panghihina ng loob bagkus ay siya mismo ang nag-aangat sa diwa ng mga kasama at masa. Masayahin siya at punumpuno ng rebolusyonaryong optimismo na nakakahawa sa mga kasama at masang nakakasalamuha niya.
Bilang batang pinuno, masusi at matiyaga niyang pinag-aralan at inalam ang kalagayan ng mga magsasaka at manggagawang-bukid sa tubuhan, mga magsasakang inaagawan ng lupa at maging ang kulturang Batangueño upang epektibong mailapat ang mga plano at programa ng Partido sa probinsya. Naturol niya ang kalagayan at interes ng masang kanyang pinaglilingkuran kaya naman mabilis niyang makapalagayang-loob ang mga ito. Mapagpakumbaba rin siyang humihingi ng tulong sa mga nakatataas na kadre at komite ng Partido sa tuwing may kinakaharap na mga suliranin at balakid sa proseso ng pagpapatupad ng mga rebolusyonaryong gawain. Ganito rin siya sa opinyon at puna ng masa at mga kasama—kadre man o karaniwang mandirigma. Ang kanyang pagiging bukas sa mga kapunahan at obserbasyon ang higit na nagpanday sa kanya bilang isang mahusay na batang pinuno ng Partido.
Sa kanyang kahusayan at katatagan itinalaga siya bilang kadreng pamprobinsya at naging mahalagang bahagi ng komite ng Partido sa Probinsya ng Batangas noong 2021. Sa harap ng krisis na ibinunsod ng pagsasara ng Central Azucarera de Don Pedro (CADPI) na pinakamalaking iluhan ng tubo sa Timog Katagalugan noong huling bahagi ng 2022, dinamayan niya at ng kanyang yunit ang masang Batangueño at ginabayan sa kanilang pagkilos at pakikibaka para singilin ang estado at pamilyang Roxas sa ginawa nilang pagmasaker sa kabuhayan ng libu-libong masang nakaasa ang kabuhayan sa tubo.
Taong 2023 naging kasintahan niya ang kapwa kadre’t opisyal ng Partido at BHB sa yunit na si Joy “Ka Kyrie/Terrence” Mercado at tumanaw sa pagbubuo ng isang matatag na rebolusyonaryong pamilya sa hinaharap. Kasama niya itong nabuwal sa magiting na pakikipaglaban sa mga pasistang militar noong Disyembre 17.
Nararapat na itanghal si Ka Binhi bilang isang huwaran at dakilang Pulang mandirigma at kadre ng Partido na malalim na nakaugat sa mamamayan ng Quezon at Batangas. Hinding-hindi siya malilimutan ng masang kanyang minahal at pinaglingkuran. Ang dugong idinilig niya at ng mga kasama at masang nabuwal sa labanan sa Malalay, sampu ng iba pang martir sa Batangas ang higit na nagpapayabong sa mga punla ng rebolusyonaryong paglaban sa lahat ng dako ng probinsya.
Dakilain ang buhay at alaala ni Ka Binhi!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang BHB!
Kabataan at artista ng bayan, paglingkuran ang sambayanan!