Dalawang Opisyal ng Barangay Panibagong Biktima ng Arbitraryong Pang-aaresto sa Camarines Norte

,

Inaresto ng PNP Labo ang dalawang opisyal ng Barangay Dumagmang Labo, Camarines Norte nitong Agosto 30, 2021 na sina Angelita F. Talla at Julieta Clores Dela Cruz batay sa gawa-gawang kasong isinampa sa dalawa at apat pang indibidwal ng kaparehong barangay. Malisyosong isinangkot sila sa isinagawang taktikal na opensiba ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa lugar noong Marso 19, 2021. Kasong direct assault at frustrated murder ang ikinaso sa kanila dahil sa pagkasawi at pagkasugat ng mga elemento ng 2nd Platoon Police Provincial Mobile Force Company (PPMFC).

Ang dalawang opisyal ng Brgy. Dumagmang at iba pang kasamahan nila sa konseho ay lantarang nagpapahayag ng pagkwestyon at pagtutol sa dayuhan at malakihang pagmimina sa kanilang lugar. Si Kgwd. Talla ay dati nang pinag-iinitan ng militar na may kaugnayan diumano sa BHB, habang si Kgwd. Dela Cruz ay lantarang nagkukwestyon sa pagpasok ng dayuhang pagmimina sa kanilang lugar at nanindigan na i-award sa kanila ang lupa imbes na minahin ng malaking kumpanya. Isa rin siya sa mga nagpapatunay na mga sibilyan at lehitimong taga-Dumagmang at hindi NPA ang mag-amang Buenavente na pinatay ng PNP matapos ang matagumpay na reyd ng BHB sa kanilang kampo.

Pansamantalang pinalaya ang dalawang opisyal matapos magpyansa kung saan napilitan silang magsanla at magbenta ng kanilang mga ari-arian. Kaya, liban sa panggigipit ay pinagkakaperahan pa ang mga biktima ng arbitraryong pang-aaresto.

Ang pagsampa ng gawa-gawang kaso, pang-aaresto hanggang sa sukdulang pamamaslang sa mga indibidwal sa Dumagmang na tumututol sa dayuhang pagmimina sa lugar ay may layuning patahimikin at supilin ang paglaban ng mamamayan sa lantarang pandarambong ng malaki at dayuhang kumpanya sa ginto at iba pang yamang mineral. Kailan lang ay pinatay ng PNP sa tabing ng SACLEO (Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation) si Brgy. Kgwd. Melandro P. Verso dahil sa isyu ng pagmimina. Ang lahat ng ito ay nagaganap sa ilalim ng pamumuno ng Camarines Norte Police Provincial Director na si Julius Guadamor na duguan ang kamay sa walang patumanggang pagpatay at paglabag sa mga karapatang-tao ng mga inosenteng sibilyan.

Kaugnay nito, nakabase ang isang kumpanya ng 9th IBPA at pwersa ng 2nd Platoon ng PPMFC sa Dumagmang para proteksyunan ang operasyon ng Mt. Labo Exploration and Development Corporation. Kinokontrol ng AFP-PNP ang buhay at kabuhayan ng mga taga-Dumagmang para bigyang laya ang malaking operasyon ng pagmimina.

Dapat ibasura ang gawa-gawang kaso sa mga opisyal ng barangay at iba pang indibidwal. Labanan ang panghahalihaw ng mga militar at pulis sa mga minahang komunidad.

Nananawagan ang Armando Catapia Command (ACC) sa lahat ng mamamayan ng Camarines Norte na suportahan ang laban ng mga taga-Dumagmang. Dapat tayong magkaisa para tutulan at labanan ang lansakang pandarambong sa ating likas na yaman. Dapat nating itakwil ang mga buladas ni Tallado na nag-aastang maka-mamamayan ngunit kasosyo ng malaking kumpanya sa pagmimina na pangunahing nagpapasasa sa yamang mineral ng probinsya. May karapatan tayo bilang mamamayang Pilipino na makinabang sa likas na yaman ng ating bansa at hindi ang iilang lokal na naghaharing-uri at mga dayuhan.

Katarungan para sa mga inaresto at mga pinaslang ng berdugong AFP-PNP sa ilalim ni Duterte!
Likas na yaman para sa mamamayan hindi para sa dayuhan!
Isulong ang digmang bayan, pagbayarin ang mga mapang-api’t mandarambong sa likas na yaman ng bansa!

Dalawang Opisyal ng Barangay Panibagong Biktima ng Arbitraryong Pang-aaresto sa Camarines Norte