Dalawang sibilyan, pinaslang ng AFP-PNP-CAFGU sa Catanduanes

Mariing kinundena ng Nerissa San Juan Command (NSJC-BHB Catanduanes) ang pagpaslang sa dalawang binatang kinilala sa alyas na Greg at Uno, magkapatid at kapwa residente ng Brgy. Progreso, San Miguel noong Marso 31. Nakasakay sila ng motor nang pagbabarilin ng dalawang armadong kalalakihan.

“Walang habag ang rehimeng US-Duterte sa mga magsasaka! Anumang operasyon, anumang tabing ang gamitin nito, walang ibang target ang pasistang rehimen kung hindi ang mga sibilyan. Simpleng mga abaca stripper sina Greg at Uno, naghahanapbuhay para sa kanilang pamilya,” ani Ka Teresa Magtanggol, tagapagsalita ng NSJC-BHB Catanduanes sa isang pahayag.

Panawagan niya, “Hindi dapat palampasin ng masang Catandunganon ang insidenteng ito nang walang napapanagot. Hindi sina Greg at Uno ang huling biktima ng terorismo ng estado sa prubinsya. Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang papatinding pandarahas, pagtugis at panghuhuli ng mga elemento ng AFP-PNP-CAFGU sa mga kasapi ng progresibong organisasyon at mga sibilyan sa Catanduanes.”

Hinalintulad naman ni Ka Ma. Roja Banua, tagapagsalita ng NDF-Bikol, ang naturang pamamaslang sa paggamit ng mersenaryong hukbo sa mga sibilyan para sa target shooting.

“Saanmang bahagi ng rehiyon, saksi ang masang Bikolano kung gaano sila karahas. Wala silang respeto sa karapatang tao. Wala silang konsepto ng katarungan,” ani Banua.

“Makaaasa ang mga pamilya nina Greg, Uno at ng libu-libo pang biktima ng terorismo ng estadong higit pang palalakasin ng NDF-Bikol at ng buong rebolusyonaryong kilusan ang paglaban upang mapapanagot ang rehimeng US-Duterte at makamit ang katarungan,” pagtatapos ni Banua.

Dalawang sibilyan, pinaslang ng AFP-PNP-CAFGU sa Catanduanes