Pahayag

Desisyon ng COMELEC na ibasura ang kasong diskwalipikasyon ni BBM, buktot at kasuklam-suklam

Mariing kinokondena ng NDFP-ST ang pagbabasura ng Commission on Elections (Comelec) sa mga makatuwirang petisyon para idiskwalipika si Bongbong Marcos (BBM) sa pagtakbo bilang presidente. Hindi kinilala ng Comelec ang malinaw na ebidensya at rekord sa korte kaugnay sa hindi pagsusumite ni BBM ng income tax returns (ITR) mula 1982-1985 para bigyang daan ang pagbabalik ng mga Marcos sa Malakanyang. Walang kredibilidad ang bayarang Comelec na mismong nambabababoy sa kanilang reaksyunaryong patakaran.

Sadyang pinatagal at inantala ang paglalabas ng desisyon upang mapaboran ang pamilyang Marcos. Inilabas ang desisyon matapos ang pagreretiro ni dating Comelec Comm. Rowena Guanzon na nagsapubliko ng kanyang boto ng pagsang-ayon sa diskwalipikasyon kay BBM at paglalantad ng ginagawang pagmamaniobra ng dalawa pang Comelec Commisioners at pagmamanipula ng isang senador para maipawalambisa ang boto ni Guanzon at tuluyang ibasura ang kaso ng diskwalipikasyon kay BBM.

Kinasusuklaman ng mamamayang Pilipino ang Comelec na garapalang kumikiling sa mga Marcos at alyado nitong Duterte at Arroyo. Hindi kapani-paniwala ang husga ng komisyon na “kulang sa merito” (lack of merit) ang mga kaso laban kay BBM gayong beripikado ang mga dokumentong nagpapatunay sa kanyang di pagbabayad ng buwis. Bukod dito, napakaluwag din nito kay BBM na hindi pinatawan ng parusa kahit na hindi siya dumadalo sa mga pagdinig sa kaso ng diskwalipikasyon laban sa kanya.

Hindi naging katanggap-tanggap sa malawak na masang Pilipino ang desisyong ito ng COMELEC. Malaki ang pagdududa ng taumbayan na tumanggap ng malaking pera ang mga komisyuner lalo si Aimee Ferolino mula sa pamilyang Marcos para ibasura nito ang mga nakahaing petisyon ng diskwalipikasyon at kanselasyon ng certificate of candidacy (COC) laban kay BBM. Malaking sampal ito sa mukha ng mamamayan dahil tiyak na ang ginamit na pansuhol ay nagmula rin sa mga ninakaw na yaman ng pamilya ng diktator.

Trinaydor ng Comelec ang mamamayan sa pagpapahintulot nito sa kandidatura ni BBM. Walang karapatan si BBM at kahit sino pa mang Marcos na mag-asam ng posisyon sa gubyerno dahil sa dami ng krimen nila sa bayan. Hindi pa nga sila lubusang napananagot sa kanilang mga krimen, nanatiling nakalalaya si Imelda Marcos sa kabila na siya’y nahatulan ng Sandigan Bayan na makulong ng 77 taon sa kinaharap nitong 7 kaso ng graft and corruption (11 taong hatol sa kada 1 kaso).

Pinatunayan na ng kasaysayan at ng reaksyunaryong korte ang mga krimen ng mga Marcos na pandarambong, extrajudicial killings, pagdukot at tortyur sa mga aktibista, at napakarami pang iba. Sobra pa sa sapat ang mga batayang ito para hindi payagan ang kandidatura ni BBM sa pagka-presidente. Nakapanlulumo at isang malaking dagok sa ulo ng taumbayan, lalong higit sa mga pamilya at biktima ng Martial Law ng yumaong diktador na si Ferdinand E. Marcos Sr., ang ginawang ito ng COMELEC. Binalewala ng COMELEC ang mga nabawing P174 Bilyon ng PCGG mula sa tinatayang $10B na dinambong na yaman ng pamilyang Marcos (nasa P125B pa ang hinahabol). Itinatwa ng COMELEC ang napanalunan na milyong dolyares bilang kompensasyon sa 11,103 na biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa panahon ng ML.

Higit sa lahat, lalong pinagkaitan ng hustisya ng COMELEC ang libu-libong bilang ng mamamayang Pilipino na biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao sa panahon ng Martial Law, sa mahigit sa 70,000 na ipinakulong ng diktador kung saan nasa 34,000 ang dumanas ng pagpapahirap at tortyur. Nasa 3,240 naman ang pinaslang o biktima ng extra judicial killings (EJKs) at 783 ang mga nawawala (forced disappearance).

Hindi humuhupa ang determinasyon ng bayan na wasakin ang ambisyon ng mga Marcos na makapanumbalik sa kapangyarihan sa katauhan ni BBM. Higit nitong pinaypayan ang galit ng mamamayan na tiyak na mag-aanak ng mas malalaking pagkilos upang tutulan at harangan ang pagluklok kay BBM sa Malakanyang. Tuloy ang iba’t ibang grupo ng mga progresibo sa paghahabol sa desisyon ng Comelec. Malawak ang suportang inaani nila sa pagdadala ng kaso ng diskwalipikasyon hanggang sa Korte Suprema.

Nananawagan ang NDFP-ST sa mamamayang Pilipino na magkaisa at biguin ang mga maniobra ng alyansang Marcos-Arroyo-Duterte (MAD). Ituon natin ang lahat ng pagsisikap para palakasin ang nagkakaisang prente laban sa mga Marcos, Duterte at mga alipores nito. Gawin ang lahat ng makakaya upang ihiwalay ang alyansang MAD at tangkilikin ang tunay na oposisyong anti-Duterte at anti-Marcos. Higit sa lahat, pag-ibayuhin ang pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon na magluluwal ng tunay na hustisyang panlipunan at magpapapanagot sa mga Marcos. ###

Desisyon ng COMELEC na ibasura ang kasong diskwalipikasyon ni BBM, buktot at kasuklam-suklam