Digmaa'y ituloy hangga't may isang ganid
November 30, 2024 | Pagpupugay sa buong kasapian at mga balangay ng KM! Ngayong araw ay ipinagdiriwang natin ang ikaanimnapung anibersaryo ng ating organisasyon. Ating balikan ang mga tagumpay at karanasan sa anim na dekada na pagsusulong ng pambansa demokratikong pakikibaka ng sambayanang Pililipino. Ating iwasto ang mga kahinaan, mga maling tendensiya at kakapusan upang muling mapakilos ang higanteng lakas ng masa na siyang aagaw ng pampulitikang kapangyarihan at magtatayo ng sosyalistang estado sa bayang Pilipinas.
Sa nagdaang mga dekada nagsilbi ang KM-Quezon bilang paaralan ng napakaraming mga Kadre at Aktibistang Masa na kalaunan ay tumungo sa mga larangan ng digmang bayan upang magsilbi sa mas malawak na hanay ng magbubukid. Ang mga dakilang martir tulad nina Melito Glor ng Atimonan, Abet Enriquez ng Lucena City at Dani Lagrama ng Pagbilao ay ipinunla ng kilusang kabataan ng probinsya, sumibol at yumabong ang kanilang lakas at talino sa piling ng uring api.
Masusi, mapagpasiya at makabuluhan ang nagawa ng KM-Quezon sa pagsulong ng kilusang masa sa probinsya, pinangunahan nito ang pakikibaka ng mga kabataan sa kampus para sa dagdag badyet sa edukasyon, kalayaang pang-akademiko, at iba pang usapin ng sektor ng kabataan. Hindi nakulong sa mga kampus ang pakikibaka ng kabataang Quezonin, nanguna din sila sa laban ng manggagawa at magbubukid para sa lupa, sahod, trabaho, at karapatan.
Ang KM ay may mahalagang ambag upang mabilis na masaklaw ng pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas ang Quezon. Ipinadala ng Partido ang mga kadreng kasapi ng Kabataang Makabayan mula sa kalunsuran na produkto ng Sigwa ng Unang Kwarto, at katuwang ang mga naunang kasapi ng KM sa lalawigan ay naitayo ang larangang gerilya sa probinsya. Bilang mga kabataang kadre at lider ng rebolusyon, naging aktibo sila sa gawaing pagsisiyasat, pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa bawat anakpawis ng Quezon, na sa kalaunan ay nagdala sa aping mamamayan sa rebolusyonaryong landas.
Sa loob ng maraming taon, paulit-ulit na nasaksihan ang lumalalang krisis sa sistema ng edukasyon sa probinsya. Ang mga pambansang unibersidad, kolehiyo, at pampublikong paaralan ay dumaranas ng kakulangan sa pasilidad at hindi makataong kalagayan. Sa dami ng mag-aaral, 40-60 estudyante ang siksikan sa iisang silid-aralan na pinangangasiwaan ng isang guro, dahilan ng masamang kundisyon sa kanilang pag-aaral at labis na pasaning akademiko.
Ang Southern Luzon State University, ang pinakamalaking unibersidad sa lalawigan, ay haharap sa ₱2.95 milyong bawas sa 2025 badyet, partikular sa capital outlay, na dapat sanang laan para sa pasilidad at kagamitang pang-edukasyon. Dahil rito, nananatiling luma at di-akma ang kagamitan, kulang ang laboratoryo, computer units, at silid-aralan sa SLSU.
Nararanasan din ng mag-aaral at publikasyong pang-kampus ang lumalalang pasismo. Nakakaranas ang mga estudyante ng pananakot, harassment, at pagmamanman mula sa estado dahil sa kanilang pagpuna sa administrasyon at pamahalaan. Dagdag pa rito, ang mga publikasyong pangkampus ay pinapahirapan ng kawalan ng pondo, censorship, at interbensyon ng administrasyon sa desperado nilang layuning maitago ang tunay na kalagayan ng paaralan.
Matabang lupa ang mga eskwelahan sa Quezon para sa pakilusin ang higanteng laki ng kabataan na dudurog sa komersyalisado, kolonyal, at pasistang tipo ng edukasyon. Ang mga pasistang atake ay nagsisilbi lamang na gasolina upang mas lalong kumalat ang apoy ng rebolusyon sa hanay ng kabataan.
Nakakatiyak ang masang anakpawis sa probinsya na mahaba ang linya ng dugo ng rebolusyonaryong kabataan sa Quezon. Sa gabay ng kasalukuyang kilusang pagwawasto, walang humpay na papalaganapin ng KM-Quezon ang rebolusyonaryong ideya sa mga kampus ng mag-aaral, pabrika ng manggagawa, komunidad ng maralita, at pamayanan ng magbubukid.
Nananatili ang mapanlabang diwa at kapasyahan ng kabataan na ibagsak ang pasistang estado! Walang ibang landas sa pag-unlad at paglaya ng bayan kundi ang pag-aarmas at paglahok sa digmang bayan!
Mabuhay ang ikaanimnapung anibersaryo ng Kabataang Makabayan!
Dakilain ang buhay at pakikibaka ni Kasamang Dani Lagrama!
Kabataan, tumungo sa kanayunan, mag-armas, lumahok sa digmang bayan!