Pahayag

Disimpormasyon ng 5th ID, bigo sa di-palilipol na armadong paglaban sa Lambak Cagayan

Mariing pinabubulaanan ng Bagong Hukbong Bayan-Cagayan Valley (Fortunato Camus Command) ang isa na namang tipo ng disimpormasyon at kasinungalingang nilulubid ng 5th Infantry Division, Philippine National Police (PNP-R2) at RTF-Elcac sa pagpaparada ng mga pekeng surenderi na pawang mga magsasaka at sibilyan. Kung sabagay, hindi na bago ang ganitong modus ng AFP-PNP. Ginagawang gatasan ng mga upisyal at heneral ang surrender program na E-CLIP na tumatabo ng milyun-milyon. Para sa publisidad, itinataon ang ganitong mga balita sa panahong magdiriwang ang BHB ng anibersaryo upang pagtakpan ang katotohanang bigo pa rin itong lipulin ang “natitirang mahinang NPA.” Nagkukumahog na ang AFP at ang imperyalismong US na ideklara ang “strategic victory” laban sa rebolusyonaryong kilusan upang ipihit ang pokus ng militar sa pagharap sa “eksternal na banta” o pang-uupat ng gera laban sa China.

Gawa-gawang surenderi

Sa lalawigan lamang ng Cagayan, 18 magsasaka (dalawang babae, 16 lalaki) ang binihisan bilang mga “surenderi” at “nagsuko ng mga armas” mula Enero hanggang Marso 2025. Ayon sa PNP, kalakhan sa 18 na naging “miyembro” o “supporter” diumano ng BHB ay aktibong kumilos noong dekada 1990. Katulad sa mga “nanlaban” sa ilalim ng huwad na gera kontra-droga, kapansin-pansin ang script na iisang klase lang ng armas ang kanilang “isinuko”—home-made o improvised shotgun (one pong).

Inililinaw ng BHB-CV na ang 18 sibilyan ay hindi kombatant o aktibong kasapi ng ano mang yunit ng BHB sa rehiyon. Katulad ng mga nakaraang presentasyon ng AFP-PNP sa mga pekeng surenderi, ang huli ay mga magsasaka at sibilyan. Ngunit hindi rin malayong gawa-gawa lang ang pagkakakilanlan ng mga “surenderi” na itinatago sa likod ng mga alyas (na Totoy, Boboy, Loloy, Popoy, Dodong, Dading atbp) katulad ng gawa-gawang mga engkwentro kung saan “makakasamsam” sila ng mga armas at iba pang kagamitan. At kung sakali ngang “dating miyembro” ang mga ito, misleading na tawagin silang “surenderi” dahil hindi sila aktibo at wala silang “laban” na isinuko.

Sa halip na nagsilbing karangalan, mismong AFP-PNP ang gumagawa ng sarili nilang kahihiyan dahil sa hindi konsistente at nagbabanggaang mga deklarasyon, idagdag pa ang kabiguang kamtin ang dedlayn na “tapusin ang insurhensiya” noong Disyembre 2024. Nitong nakaraang linggo lamang, inamin mismo ng direktor ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA-Region 2) na hindi sila nagkakampante dahil “kaya pa ring makapagrekrut ng BHB sa rehiyon sapagkat buhay pa rin ang ideolohiya ng kilusan” sa kabila ng insurgency-free declaration sa tatlong lalawigan. Sinusuhayan ang pahayag na ito sa patuloy pa ring pagdadagdag ng mga bagong sundalo sa mga baryo at walang puknat na lakas-batalyong nakapukos na operasyong militar upang tugisin at durugin ang “iilan na lang na BHB.”

Patuloy ang pakikibaka

Matabang lupa para sa rebolusyon ang lambak ng Cagayan. Sa kabila ng masaganang likas na yaman—mula sa kabundukan ng Sierra Madre hanggang sa mga kapatagan, sa ilog Cagayan at malawak na dagat Pasipiko at Babuyan Channel—laganap ang kawalan ng lupa kung saan siyam sa 10 magsasaka ang walang sariling sinasaka habang hindi malayang nakakapangisda ang mga mamalakaya sa mismong municipal waters dahil sa pagmimina. Wala na ngang lupa, lubog pa sa utang ang mga magsasaka dahil napakamahal ng farm inputs at obligadong bayaran, may ani man o wala, ang mataas na interes sa pautang ng traders; hindi nakabubuhay ang sahod ng mga manggagawang-bukid; binabarat ang presyo ng mga produkto ng magsasaka habang binabaha ang merkado ng mga imported na produkto; mga dayuhang kumpanya ng pagmimina ang nakikinabang sa mga bundok, ilog at karagatan; pinapalayas ang mga katutubo sa kanilang lupang ninuno upang bigyang-daan ang mga proyektong ekoturismo at pagpapalit-gamit ng lupa; binobomba ang mga sibilyang komunidad; at, binubusalan at pinapatay ang mamamayang nagsusulong ng kanilang mga demokratikong karapatan.

Ang mga batayang suliranin na ito, mga problemang bigong tugunan ng E-CLIP at SBDP, ang dahilan kung bakit uusbong at iiral pa rin ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa rehiyon. Hindi kayang daigin ng pananakot ng mga militar ang kumakalam na sikmura ng karaniwang mamamayan. Hahanap at hahanap ito solusyon, na tanging pambansa demokratikong rebolusyon lamang ang makapagbibigay—tunay na reporma sa lupa sa pamamagitan ng rebolusyong agraryo.

Ang pamalagiang krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino, at ang tumitinding pasismo ng estado ang numerong unong nagtutulak sa magsasaka, manggawa, kabataan at propesyunal na tumangan ng armas at lumahok sa hukbong bayan. Ito ang diklap o mitsa na magkakalat sa naglalagablab na apoy ng matagalang digmang bayan sa Lambak Cagayan.

Sumampa sa Bagong Hukbong Bayan!
Lumahok sa digmang bayan!
Ipagtagumpay ang pambansa demokratikong rebolusyon!

Disimpormasyon ng 5th ID, bigo sa di-palilipol na armadong paglaban sa Lambak Cagayan