Pahayag

Duterte at iba pang tulak ng gera kontra-droga, litisin at isakdal sa mga krimen sa bayan

,

Nakikiisa ang National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog sa panawagan ng mga kaanak ng mga biktima at ng bayan na panagutin ang dating pangulo ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas na si Rodrigo Duterte sa mga krimen kaugnay ng gera kontra-droga ng kanyang rehimen na nagresulta sa higit 30,000 pinatay na inosenteng biktima. Nagbubunyi ang mamamayan at NDFP sa desisyong idagdag sa paglilitis ng International Criminal Court (ICC) ang 500 pang kaso ng mga biktima ng gera kontra-droga kung saan sangkot bilang co-perpetrators sa mga pamamaslang sina Bato Dela Rosa at Bong Go, bukod pa ang dating mga hepe ng Philippine National Police na si Oscar Albayalde, Vicente Danao at Camilo Cascolan. Pinangalanan din bilang mga kasabwat sa makahayop na kampanya ang dating direktor ng National Bureau of Investigation na si Dante Gierran, dating hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency na si Isidro Lapeña at dating kalihim ng Department of Justice na si Vitaliano Aguirre II at iba pang myembro ng PNP at matataas-na-ranggong upisyal ng gubyerno.

Kung tutuusi’y napakalaking dagok at saksak sa dibdib sa mga pamilya ng mga biktima ng “tokhang” na makitang malayang nakapamamayagpag ang mga abusadong kriminal at tulak ng gera kontra-droga sa kabila ng kanilang karumaldumal na kasalanan, bukod pa ang katotohanang ang mga ito’y umiiral at sumusweldo mula sa dugo at pawis ng sambayanang Pilipino.

Kasuka-sukang katwiran ng PDP-Laban na kampo ng mga Duterte ang pagsasabing “labag sa soberanya” ng Pilipinas ang paghawak ng ICC sa mga kasong kakabit ng gera kontra-droga samantalang malinaw pa sa sikat ng araw na hindi dinidinig o inaasikaso ng reaksyunaryong korte ng bansa ang mga kaso kaugnay nito at iba pang krimen ng pasistang estado sa bayan. Paano aasahang magbigay ng hustisya ang isang korte na pinatatakbo’t nabibili ng mismong mga numero unong kriminal sa bayan?

Isang malaking kalokohan ang sistema ng hustisya ng GRP na mabilis ang kamay na bakal sa pagbusal at pagpiit sa mga sibilyan, lumalaban para sa lehitimong mga karaingan at tunay na tagapagtanggol ng karapatang tao. Sa kabilang banda, pinoprotektahan at binibigyang parangal nito ang mga mandarambong, tunay na mamamatay tao, sindikato at halang ang kaluluwang kapural ng mga gera kontra-droga, kontra-mamamayan at kontra-rebolusyonaryo.

Dinadaan sa mga legal jargon o malalalim na salitang hindi unawa ng karaniwang mamamayan, teknikalidad, at maraming liko’t sikot sa proseso ng korte sa bansa ang mga kaso para i-antala at mapagtakpan ang mga maysala sa matagal nang umaalingasaw na krimen. Rekisito rin ang bayad para sa pag-usad ng mga kaso kaya’t karaniwang hindi na nakakapagsampa ng kaso ang mga mahihirap kahit sila ang nasa katwiran at nanghihingi ng hustisya.

Sa mata ng bayan, sapat-sapat ang mga ebidensya’t saksi upang panagutin si Duterte at mga kasapakat nito sa kanilang krimen laban sa sangkatauhan dulot ng karumal-dumal at di makatarungang gera kontra-droga ng estado. Sa nalalapit na hearing ng kaso ni Duterte sa ICC sa Pebrero 23, 25 at 27, dapat arestuhin at litisin din sa kagyat ang iba pang mga sangkot na binanggit. Asin sa sugat ng mga biktima ang pananatili nilang malaya habang nagbibigay din ito ng puwang sa kanilang takutin, intimidahin at busalan ang iba pang mga nais magdiin sa kanila sa nasabing kaso. Kapuri-puri ang ipinamalas na tapang ng mga kaanak ng mga biktima sa pagpupursigeng makamit ang hustisya sa harap ng pagpapabaya ng reaksyunaryong gubyerno at lantarang pang-aatake gamit ang mga trolls, militar at pulisya.

Nananawagan ang NDFP-ST sa mga taong mapagmahal sa kapayapaan at hustisya, mga mapagkawanggawang grupo, tagapagtanggol ng karapatan, at lahat ng mamamayang api na magkapitbisig at ipamalas ang malakas na sigaw ng bayan para sa hustisya sa mga biktima ng gera kontra-droga ni Duterte. Singilin at papanagutin ang lahat ng kriminal na namumugad sa GRP, maging ang pangkat ni Marcos Jr. na pangunahing nagpapatuloy at nagbebenepisyo sa ipinatupad na de facto Martial Law ni Duterte sa pamamagitan ng mga binuong ahensya tulad ng NTF-Elcac at mga batas kabilang ang Anti-Terrorism Law.

Ang pagsalig ng taumbayan sa kapangyarihan ng isang korte na dinidinig ang boses ng maliliit na mamamayan tulad ng ICC ay tanda ng kawalang kredibilidad ng lokal na korte sa Pilipinas. Panahon na para tumindig ang mamamayang Pilipino para sa hustisyang matagal nang ipinagkakait ng reaksyunaryong sistema. Sa hukumang bayan na itinatayo ng Demokratikong Gubyernong Bayan ng rebolusyonaryong kilusan, titiyakin ang pagpapanagot sa mga mandarambong, kriminal at uhaw-sa-dugong mga naging upisyal ng GRP tulad ni Duterte at kanyang mga kauri. Habang isinusulong ang demokratikong rebolusyong bayan, sinisikap itong ipatupad ng mga binhi ng demokratikong gubyernong bayan. At sa ganap na tagumpay ng DRB, asahan ng mamamayang Pilipino na hindi magdadalawang isip ang rebolusyonaryong kilusan na igawad ang rebolusyonaryong hustisyang hindi kailanman matutumbasan ng kapangyarihang likha ng salapi at makasariling interes ng mga mapang-aping uri.

Duterte at iba pang tulak ng gera kontra-droga, litisin at isakdal sa mga krimen sa bayan