Pahayag

Gunitain at tularan ang dakilang halimbawa ni Ka Joma, komunistang guro, lider-rebolusyonaryo at bayani ng sambayanang Pilipino

Kaisa ng lahat ng aping mamamayan sa Pilipinas at sa buong mundo, taas-kamong nagpupugay ang mga rebolusyonaryong pwersa sa Eastern Visayas kay Ka Jose Maria Sison, tagapangulong tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas, dakilang komunistang guro, at bayani ng sambayanang Pilipino. Tatlong taon makalipas ang kanyang pagpanaw, ang buhay at mga aral na ipinamana niya sa libu-libong komunista, rebolusyonaryo at aktibista ay nananatili sa kabang-yaman na gumagabay sa matagalang pakikibaka para palayain ang sambayanan sa kuko ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo.

Hindi matatawaran ang lawak at lalim ng impluwensya ni Ka Joma sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Inilapat niya ang Marxistang pagsusuri sa kongkretong kalagayan ng lipunang Pilipino para ipaliwanag sa siyentipikong paraan ang paghihirap ang sambayanan, na dulot ng nagpapakasasa at walang-katapusang pagkaganid ng mga imperyalista, panginoong maylupa, at burgesya kumprador.

Inihapag niya ang demokratikong rebolusyong bayan bilang tanging pag-asa ng mamamayan laban sa krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal. Ang pambansa-demokratikong programa na inilatag sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino ang nananatiling pinakamahusay na alternatibo sa kasalukuyang bulok, reaksyunaryo, elisita at anti-mamamayang sistema.

Hanggang ngayon ay nagsisilbing gabay ang kanyang mga akda para sa napakaraming aktibista at rebolusyonaryo para wastong maunawaan at labanan ang nagnanaknak na krisis hindi lamang ng lipunang Pilipino, kundi maging ang papabagsak na direksyon ng monopolyo kapitalismo sa pandaigdigang saklaw. Sa lalong pagkakayanig ng rehimeng US-Marcos, makabuluhan at napapanahon pa rin ang kanyang mga komunistang akda at turo. Mahalaga ang mga turo ni Ka Joma para mulatin ang milyun-milyong Pilipinong nananawagan ng tunay na pagbabago sa ilalim ng pasista, korap at pahirap at papet na rehimen ni Marcos.

Bilang mahusay na guro at mag-aaral ng Marxismo-Leninismo-Maoismo (MLM), buong-buhay na mahigpit na tinanganan at isinapraktika ni Ka Joma ang komunistang paninindigan, pananaw at pamamaraan. MLM ang ginamit niya para sa masaklaw na makauring pagsusuri sa lipunang Pilipino, sa pakikipagtunggali sa mga rebisyunista at anti-komunista, at hanggang sa pagtugon sa araw-araw na mga pratikal na problema ng pagrerebolusyon.

MLM din ang dahilan kung bakit hanggang sa kanyang kamatayan, hindi nagmaliw ang kanyang optimismo at tiwala sa Partido, sa rebolusyon, at sa sambayanan. Ang kanyang ultimong akda, ang “Hindi Magagapi ang Demokratikong Rebolusyon ng Sambayanang Pilipino,” ay tumatak sa puso ng bawat rebolusyonaryong patuloy na nagpupunyagi sa gitna ng pinaigting na todo-gyera ng rehimeng US-Marcos. Ang akdang ito, at ang iba pa niyang akda, ay nararapat nating balik-aralan para malikhaing mailapat sa kongkretong kalagayan ng mga hamong kinakaharap natin ngayon.

Sa pag-alala natin sa dakilang halimbawa ni Ka Joma, magsumikap tayo na maging komunista tulad niya—puno ng rebolusyonaryong optimismo at nag-aalab na determinasyon na isulong ang digmang bayan, anumang sakripisyo ang kaharapin, at mapangahas na tahakin ang mas mapait pang landas ng pakikibaka para palayin ang lahat ng aping mamamayan. Sa ganitong paraan wastong salubungin ang ika-57 na anibersaryo ng minamahal nating Partido.

Mabuhay si Ka Jose Maria Sison! Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!
Mabuhay ang ika-57 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas! Mabuhay ang sambayanang nakikibaka!

Gunitain at tularan ang dakilang halimbawa ni Ka Joma, komunistang guro, lider-rebolusyonaryo at bayani ng sambayanang Pilipino