Hindi kayang dungisan ng mga buladas ng AFP ang ningning ng ika-56 anibersaryo ng NPA
Masigabo at militanteng sinasalubong ng mga yunit ng NPA Southern Tagalog kapiling ang mamamayang api’t pinagsasamantalahan ang paparating na ika-56 anibersaryo ng pagkakatatag ng NPA sa Marso 29. Taas-noo at taglay ang diwang palaban, ipinagmamalaki ng NPA ang tagumpay ng rebolusyonaryong kilusan na biguin ang itinakda ng rehimeng US-Marcos II na deadline ng pagkawasak ng CPP-NPA-NDFP na Disyembre 31, 2024. Nananatiling nakatayo ang mga sona’t larangan at mga yunit ng NPA upang pangunahan ang armadong rebolusyonaryong paglaban ng sambayanang Pilipino sa bulok, pasista at papet ng US na estado ng GRP.
Ang realidad ng patuloy na pag-iral ng NPA sa iba’t ibang panig ng bansa ang nagtatakwil sa kahungkagan ng mga kasinungalingan at paninira ng AFP sa NPA na tipikal nang ginagawa ng mersenaryong institusyon upang hamakin ang anibersaryo ng Pulang Hukbo. Noong Marso 25, apat na araw bago ang anibersaryo ng NPA, nagbuga si AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla ng mga buladas na nakaayon sa luma’t kupas na linya ng saywar ng GRP. Aniya, aabot sa 254 ang “nyutralisadong” NPA mula Enero hanggang Marso. Karamihan sa mga ito ay mga sumurender. Bago ito, hambog na nananawagan si Padilla noong Marso 18 sa mga kasapi ng NPA na pumaloob sa amnestiya na iniaalok ng gubyernong Marcos at inulit-ulit mula Disyembre 2024 ang fake news na iisang pinahinang larangang gerilya na lamang ang natitira sa NPA.
Tulad ng commander-in-chief nitong si Marcos II na lutang sa realidad ng bayan, nakahiwalay din sa katotohanan ang AFP at binabaluktot ang sariling lohika upang iakomoda at bigyan ng magandang bihis ang mga kabiguan nito. Kinokontra ng sariling aksyon at patakaran nito ang mga hinog sa pilit nilang deklarasyon ng tagumpay laban sa NPA. Sinasabi ng AFP na paubos na ang NPA, ngunit sa kabilang banda’y patuloy ang deployment ng paparaming tropa nito sa kanayunan na laan para tugisin ang Pulang hukbo. Sa TK, naitala mula huling kwarto ng 2024 ang pagdagdag ng 15th SFC at 16th IB sa mga panagupang tropa sa rehiyon. Patuloy rin ang mga operasyong militar at pang-aatake sa mga komunidad na dati na nilang pinangalanang “insurgency-free” tulad ng mga bayan sa South Quezon Bondoc Peninsula. Sasabihin ng militar na wala nang sumusuporta sa NPA, subalit kung maglulunsad ng operasyon ay panay ang imbestigasyon sa mga taumbaryong sumusuporta sa NPA. Wala na rin sa katinuan ang sagot ng AFP sa pambabatikos dito kaugnay ng walang pakundangang pambobomba at pang-aatake mula sa himpapawid sa mga pamayanan sa kabundukan. Kung totoong napahina na nga, kakaunti na at wala nang lakas ang NPA na magpatupad ng mga ‘mayor na operasyon’, bakit kailangan ng gubyernong magbuhos ng limpak-limpak na pondo sa mamamahaling helicopter, eroplano at mga bomba upang durugin ang maliliit ngunit matitinik na kalaban?
Kailanman, hindi pinagkatiwalaan ng mamamayan ang mga buladas ng AFP laluna kung tungkol ito sa NPA o sa “tagumpay” ng kanilang huwad na gera kontra-terorismo. Mulat ang taumbayan kung gaano karumi at kasinungaling ang AFP buhat sa sarili nilang mapapait at masasakit na karanasan sa kamay ng mga berdugo. Hindi nalilimutan ng mamamayan ng TK ang mga kawalanghiyaan ng AFP, kabilang ang mga karumaldumal na pagpatay sa mga sibilyan (kaso nina Maximino Digno at batang si Kyllene Casao); pekeng pagpapasuko; panggagahasa sa mga kababaihan; paninira sa ari-arian at kabuhayan; pambabalahura sa labi ng mga napaslang na Pulang mandirigma (kaso ng Malalay 8) at iba’t ibang anyo ng panggigipit sa mga komunidad (kasama ang blokeyo sa pagkain, pamimilit sa mga sibilyan na gumiya, at iba). Sa mga kasong ito, patung-patong na kasinungalingan ang hinabi ng AFP upang pagtakpan ang kanilang krimen at ibaling ang pananagutan sa NPA at mga tagasuporta ng rebolusyonaryong kilusan.
Katambal ng nanalasang pasismo-terorismo sa kanayunan at kalunsuran ang nakalalasong propaganda ng estado. Nagsisilbi ang disimpormasyon upang palubhain ang pasistang paghahari sa bayan. Malaon nang itinatakwil ng bayan ang mga kasinungalingan ng estado, ngunit hindi dapat maglubay sa pagkundena at paglaban dito. Hanggang patuloy na pinagagana ng AFP ang pabrika nito ng pekeng balita at itim na propaganda, kailangang patuloy ding magsikhay sa paglalantad sa katotohanan tungkol sa mga krimen ng AFP. Kaalinsabay, patuloy ding ipahayag sa malawak na masang Pilipino kung ano ang NPA at ang tunay na ugat ng armadong tunggalian sa bansa.
Sa pagsapit ng ika-56 anibersaryo ng NPA, matibay na hawak ng Pulang hukbo ang kawastuhan ng pagsusulong ng armadong pakikibaka at ang katotohanan sa tunay na kalagayan at lakas ng rebolusyong Pilipino. Hindi kailanman nagapi, at hinding-hindi magagapi, ang bagong tipong pambansa-demokratikong rebolusyon ng alinmang kampanyang supresyon ng reaksyunaryong kaaway. Sa malalim na pag-ugat sa masa at pagtangan sa wastong linya sa pulitika, ipinundar ang lakas ng NPA mula sa wala hanggang sa umabot sa libu-libo ang Pulang mandirigma at ang lakas pamutok nito sa kasalukuyan. Nakalatag ang mga pwersa nito sa buong kapuluan at sabay-sabay na nagmamartsa ang mga yunit sa absolutong gabay ng PKP. Hindi nasasaid ang balon ng lakas ng NPA dahil patuloy ang pagsapi rito ng pinakamabubuting anak ng bayan, pinakamarami mula sa masang magsasaka. Sa proseso ng digma, nagkakamit na ng di mapapasubaliang tagumpay ang NPA, kabilang ang pagparusa sa mga pasistang AFP-PNP at pagsamsam sa kanilang armas, paglutas sa mga suliranin ng masa at pagtatayo ng mga organo ng kapangyarihan pampulitika. Sa rehiyong TK, tampok ang daang libong ektaryang lupa na tagumpay na napalaya sa pamamagitan ng rebolusyong agraryong inilunsad ng NPA at masang magsasaka na tinatamasa ng nagpasalin-saling henerasyon. Nagsisilbi itong matibay na angkla ng paglaban ng masang magsasaka, setler at pambansang minorya sa kanayunan.
Gagap ang maningning na kasaysayan ng digmang bayan at ang mga natipong tagumpay nito sa higit limang dekada, masayang ipagdiriwang ng NPA ang anibersaryo kasama ang masang api’t pinagsasamantalahan. Papasok ang Pulang hukbo sa panibagong taon na lipos ng inspirasyong isulong ang digmang bayan hanggang sa tagumpay.