Hindi natatapos ang kalbaryo ng mga magsasaka sa pagtatapos ng El Niño

, ,

Kasabay ng deklarasyon ng upisyal na pagtatapos ng El Niño ay ang pagbaon sa limot sa sinapit at ininda ng mga magsasaka at mangingisda dahil dito, at ang pagbabalewala sa kriminal na kapabayaan ng estado. Hindi pa man nakakabawi at bagkus ay nabalaho pa rin sa paghihikahos, panibagong penomenang pangklima na naman ang haharapin ng masang anakpawis.

Sa kabuuan, umabot sa 1.3 milyong pamilya o 5.2 indibidwal ang naapektuhan ng malawakang tagtuyot na nanalasa sa 6,000 barangay sa 14 rehiyon kung saan nagdeklara ng state of calamity ang 423 syudad at bayan. Samantala umabot naman sa ₱9.6B ang kabuuang tinamong pinsala sa sektor ng agrikultura batay sa pinakahuling datos ng Department of Agriculture.

Sa Cagayan Valley, umabot sa ₱2.05B (20% ng kabuuang pinsala) ang kabuuang halagang nasira sa agrikultura mula Pebrero 22 hanggang Mayo 8 batay sa upisyal na ulat. Pananim na mais ang pangunahing naapektuhan at ang lalawigan ng Isabela ang nakapagtala ng pinakamalaking pinsala na bumubuo sa 63%. Maging ang mga tanim na prutas ay hindi nakaligtas tulad ng 8,000 kilong mangga ng mga taga-San Mateo, Isabela na pinagtatapon na lamang dahil “reject” daw sa bagsakan bunsod ng malaking suplay.

Taliwas ito sa naunang mga pagtanggi ng pamahalaang panlalawigan na “hindi lubhang apektado ang mga magsasaka sa Isabela dahil maagap itong napaghandaan.” Naapektuhan ang 43,942 magsasaka at mangingisda habang 45,746 ektarya naman ang bahagya at lubhang nasira. Hiwalay pa ito sa pinsalang tinamo ng sektor ng pangisdaan na ayon sa BFAR Region 2 ay umabot sa ₱11M, pangunahin dahil sa fish kill at ang probinsya rin ng Isabela ang pinakanatamaan. Bunsod nito, isinailalim ang 40 syudad at bayan sa state of calamity.

Inutil at pasistang hakbang sa El Niño

Sa kabila ng pagpapapogi ni Marcos Jr kaugnay sa mga tulong at ayuda diumano para sa mga apektado, hindi ito ramdam ng karaniwang mamamayan. Sa rehiyon, ang binimbing pondo para sa bagyong Egay noong 2023 ang kalakhang ipinamahagi sa mga magsasaka at mangingisda. Sinamantala din ito ng mga burukrata upang magpabango ng pangalan dahil sa halip na ipamahagi sa mga nangangailangan ang ayuda na galing din naman sa buwis ng taumbayan, ipinasailalim at binihisan ito bilang personal na malasakit ng mga trapo. Palpak din ang mga ipinamahaging binhi dahil hindi ito tumubo sa tigang na lupa. Tulad ng kawalan ng sapat at maayos na sistema sa irigasyon, hindi rin tinugunan ang pangunahing kahilingan ng mga magsasaka na pataasin ang presyo ng kanilang mga produkto at ibaba ang interes ng pautang.

Problemado rin ang ipinagmamayabang na mga cash-for-work program ng DSWD at DOLE. Liban sa kulang na kulang ito at iilan lang ang “benepisaryo”, lubhang huli na rin ang pagbibigay ng kompensasyon sa mga nakapaloob dito. Kapuna-puna rin ang kinahinatnan ng 9,000 magsasakang hindi inaprubahan ng PCIC para sa pagseseguro ng kanilang mga pananim. Katumbas ito ng 76% sa kabuuang aplikasyon sa nasabing ahensya.

Maliban sa kapabayaan sa pagtugon sa problema sa kalamidad, pinakamatingkad at mas kinatangian ito ng gera kontra-insurhensiya at pagsupil sa mamamayan. Sa tabing ng mga “local peace engagement” at “serbisyo caravan” na inorganisa ng 5th ID-PNP at Local Peace Panel ng RTF-Elcac, sasailalim muna sa saywar at disimpormasyon ang mga mamamayan bago nila matanggap ang kakarampot na ayuda mula sa mga ahensyang sibilyan. Operasyong relip ang panghatak nila sa mga residente upang dumalo sa pulong at porum, hindi para magtalakay at magpaliwanag sa ugat ng krisis ng klima kundi upang ipalunok sa masa ang EO70 at Anti-Terror Law. Sinamantala ang kalamidad upang bigyang-katwiran ang paghihimpil at paghalihaw sa kabahayan ng mga pasistang sundalo.

Gubyerno ng mamamayan

Sa mahabang panahon, napatunayan na hindi sa bulok na gubyerno ng naghaharing uri mahahanap ang pagbuti ng kalagayan ng magsasaka at ng iba pang pinagsasamantalahang uri. Hindi ang gubyernong nagkakasya ang responsiblidad sa ipinagdadamot na kakarampot na ayuda ang kailangan ng mamamayan kundi ang sariling gubyernong itinayo ng mamamayan na tunay naglilingkod sa kanila.

Nahaharap na naman ang rehiyon sa La Niña. Napipiho na ng mga magsasaka ang masaklap na kahinatnan nito at nakasisiguro rin tulad ng mga nakaraang taon at dekada na mapapabayaan sila ng bulok na estado. Tulad ng dati, tiyak na sasamantalahin ng mga malalaking burgesya kumprador at panginoong maylupa, kasapakat ang mga burukrata kapitalista, ang kalamidad ng bagyo at landslide upang lalong lunurin sa karukhaan at ibaon sa higit na pagdurusa ang laksa-laksang mamamayan.

Tanging sa pagkakaisa at sama-sama pagkilos lamang ang sasandigan ng uring anakpawis. Matatamasa lamang ng mga magsasaka ang tunay na kaginhawaan at paglaya mula sa mga pyudal at malapyudal na pagsasamantala na pinasasahol ng mga kalamidad sa pamamagitan ng paglulunsad ng rebolusyonaryong agraryo at pagtatayo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika, habang isinusulong at pinalalakas ang armadong pakikibaka sa kanayunan.

Hindi natatapos ang kalbaryo ng mga magsasaka sa pagtatapos ng El Niño