Hindi natin kailangan ng misayl ng US
Dapat maalarma ang buong sambayanan sa resulta ng naganap na pulong kahapon sa pagitan ng Department of National Defense at Department of War ng US na tinawag na 12th Philippines-US bilateral strategic dialogue.
Ang naturang pulong ay nagselyo sa kasunduang papayag ang bansa na magpasok ng ultra-modernong missile system ang US, na wala namang malinaw na layunin kundi ang blanket statement na “enhance our defense capability, interoperability and readiness” o pagpapalakas umano ng kapasidad magdepensa; kakayahang maglunsad ng operasyon sa iba’t ibang larangan at kasama ang mga dayuhang pwersa; at kahandaan.
Ang bansang Pilipinas ba talaga ang naghahandang magtanggol sa pag-atake ng ibang bansa, o ang US na nangangambang mawala ang kontrol nito sa atin bilang pinakamahalaga sa first island chain sa Asia-Pacific?
Matatandaang sa inilabas ng US na National Security Strategy plano nitong konsolidahin ang sariling lakas sa kontinente ng America at palakasin ang impluwensya sa buong daigdig. Bahagi ng plano nito ang pagpapalakas ng sistemang militar at pamumwersa sa mga kaalyadong bansa na palakasin ang depensa laban sa mga karibal na imperyalistang Russia at China. Partikular sa Asia Pacific, nakatutok ang pwersang militar ng US para pigilan ang paglakas ng impluwensya at kapangyarihan ng China. Layon ng pagpapalakas ng US ang muling pagbabalik nito sa tuktok ng imperyalistang kapangyarihan at ang dominasyon sa lahat ng rekursong mineral at langis sa daigdig.
Kung kaya’t sadyang may tutok ito sa Pilipinas bilang pinakamatagal na sakop nito sa Asia. Nauna pa, nangako rin ang US ng $2.5 bilyon halaga ng “security assistance” sa loob ng limang taon para suportahan ang modernisasyon sa depensa ng bansa. Kabilang sa gastos ng mga missile system sa Pilipinas ang paraan ng procurement, maintenance at pagpapaunlad ng mga imprastruktura.
Nauna nang isinagawa ng US ang pagpapasok ng mga bala at langis bilang bahagi ng pag-iistasyon ng mga kagamitang militar sa Pilipinas. Hindi na kataka-taka kung bakit iniratsada at ginawang mas madulas pa ang pagpasok ng panibagong missile system gamit ang mga lokal na ahente at tuta nito sa Pilipinas sa katauhan ni Marcos Jr. at ng AFP.
Nagkakailang missile system na ang dineploy ng US sa Pilipinas kabilang ang Typhon na may 1,600 km range na nasa bansa na mula pa 2024, Navy Marine Expeditionary Ship Interdiction System o NMESIS na isang anti-ship missile launcher at High Mobility Artillery Rocket System (HIMARS) na isang rocket artillery system na may 500-1,000 km range na parehong dinala sa bansa noong 2025.
Marapat na ilantad, tutulan at labanan ng mamamayang Pilipinong nagmamahal sa soberanya ang pinakahuling pagpapakatuta ni Sec. Gibo Teodoro sa amo nitong Panginoon ng mga Digmang si Donald Trump.
Ang tindig ni Teodoro ay komitment sa gera ng US, hindi sa pagtatangol ng kasarinlan ng Pilipinas.
Kailangang mamulat ang sambayanang Pilipino sa peligrong hatid ng pagpasok ng rehimeng US-Marcos Jr. sa ganitong kasunduan. Paraan ito ni Marcos Jr. at ng kanyang buong gubyerno na makapanatili sa kapangyarihan at makaamot sa malaking tipak ng budget militar ng US.
Ang NPA ay laging nakahanda sa anumang banta ng pananakop, naniniwala ang rebolusyunaryong kilusan na tao ang mahalaga sa digmaan. Ang anumang hi-tech na kagamitang militar ay napapawalang-saysay kapag hindi ito naglilingkod sa interes ng mamamayan.