Pahayag

Hinggil sa banggaan ng mga barkong coast guard ng Pilipinas at China sa Escoda shoal

,

Nitong nagdaang mga araw, naglabas ng magkakasalungat na pahayag ang mga upisyal ng Pilipinas at China kaugnay ng banggaan noong Lunes ng umaga ng kani-kanilang barkong coast guard sa paligid ng Escoda shoal, isang lugar sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas. Iginiit ng mga upisyal ng Philippine Coast Guard na ang barko nito ay binangga ng barko ng Chinese Coast Guard na nagresulta sa mga pinsala. Iginiit naman ng China na ang PCG vessel ang sadyang bumangga sa barko nito, sa kabila ng mga tawag na magbago ng direksyon.

Dapat gawin ang lahat upang iwasan ang ganitong mga banggaan sa dagat, dahil ang mga ito ay lalong nagpapasidhi ng armadong tensyon sa West Philippine Sea. Dapat agad na bumuo ang mga gubyerno ng Pilipinas at China ng mga protokol upang maiwasan ang gayong banggaan sa dagat ng mga sasakyang coast guard nito. Maaaring magsilbing pansamantalang mga kasunduan ang gayong mga protokol nang hindi binibitawan ang magkakasalungat na pusisyon, hanggang hindi pa napaplantsa ang mga alitan sa karagatan sa pamamagitan ng dayalogo o arbitrasyon. Hindi dapat hayaan ng sambayanang Pilipino na lumala ang sigalot. Hindi nila dapat payagan ang mga nanunulsol ng gera na samantalahin ang mga tensyon na ito upang bigyang-katwiran ang pagpapataas ng panghihimasok at presensyang militar ng US sa loob at paligid ng bansa, na yumuyurak sa pambansang soberanya ng Pilipinas.

Naninindigan ang Partido at mga rebolusyonaryong pwersang Pilipino na ang 9-dash line map ng China ay labis na pag-angkin ng teritoryo sa South China Sea. Direktang labag ito sa desisyon ng International Arbitral Tribunal noong Hulyo 2016. Malinaw na isinaad nito na sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Seas (UNCLOS), may soberanong karapatan ang Pilipinas sa exclusive economic zone (EEZ) nito. Bilang isa sa pumirma sa UNCLOS, dapat kilalanin at sundin ng China ang desisyon ng IAT. Dapat nitong kilalanin ang pusisyon ng Pilipinas at itigil ang pagsasagawa ng labis na agresibong mga aksyon, upang bigyang daan ang mapayapang pag-aayos ng mga alitan.

Binibigyan ng UNCLOS ang Pilipinas ng mga karapatan sa yaman sa tubig, seabed at mineral sa saklaw ng EEZ nito, ngunit binibigyan din ang ibang mga bansa ng karapatang maglayag ng mga sasakyan nito, kabilang ang mga sasakyang militar, sa mga karagatang ito. Ang paulit-ulit na pahayag ng PCG, na sinusuportahan ng mga upisyal militar at sa depensa, na ito ay “nagtatanggol sa teritoryo ng Pilipinas” laban sa presensya ng Chinese coast guard ships sa Philippine EEZ ay isa ring sobrang pag-aangkin o overclaim. Ang embahada ng US naman, kahit wala pa namang imparsyal na imbestigasyong internasyunal, ay kaagad tumuligsa sa China. Kulang din sa hinahon ang mga pangunahing media outlet sa Pilipinas sa pagdadala ng mga pahayag na ito.

Dapat maging maingat ang sambayanang Pilipino at itakwil ang labis-labis na pag-aangkin na ginagawa ng rehimeng Marcos at ng mga humaling-sa-gerang upisyal militar nito. Dapat nilang punahin at tuligsain ang gubyernong Marcos sa pagsasagawa ng mga aksyong kasing probokatibo sa West Philippine Sea, na kalakha’y tulak ng US, na naglalayong mang-udyok ng galit na reaksyon ng China.

Hinggil sa banggaan ng mga barkong coast guard ng Pilipinas at China sa Escoda shoal