Pahayag

Hukbo at masa, magkasamang labanan ang imperyalista at pasistang digmaan! Isulong ang digmang bayan para sa pambansang kalayaan at demokrasya!

Ipinapaabot ng Panrehiyong Kumand sa Operasyon ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Eastern Visayas ang pinakamatikas na mapulang pagbati sa lahat ng Pulang kumander, mandirigma, rebolusyonaryong pwersa at masang Pilipino ngayong ika-57 na anibersaryo ng minamahal nating BHB.

Gamitin natin ang araw na ito upang bigyang-pugay ang mga dakilang martir ng rebolusyon. Pasalamatan natin silang minamahal nating mga kasama sa pag-aalay nila ng kanilang buhay para sa pagpapalaya ng sambayanan. Bigyan natin ng natatanging pagkilala sina Propesor Jose Maria Sison, Benito Tiamzon (Ka Laan), Wilma Austria (Ka Bagong-tao), Jorge Madlos (Ka Oris), Antonio Cabanatan (Ka Manlimbasog), Prudencio Calubid (Ka Dindo), Jaime Soledad (Ka Jordan), Abdias Guadiana (Ka Omar), Mariano Adlao (Ka Paner), Helenita Pardalis (Ka Elay), Gil Giray (Ka Biboy), Victoria Paclita (Ka Sayne), “Ka Kara” at “Ka Ali.” Alalahanin natin ang maningning nilang halimbawa, at nawa’y mapuyos tayo ng kanilang di-nauupos na rebolusyonaryong optimismo sa pagharap natin sa mga natatanging hamon ng kasalukuyang yugto ng pakikibaka.

Sinasaluduhan ng Efren Martires Command ang buong kasapian ng hukbong bayan sa Eastern Visayas sa patuloy nilang pagpupunyagi sa landas ng digmang bayan. Sa napakamaligayang okasyon ng ating anibersaryo, lalo silang nabubuhayan ng sigla sa harap ng mas nagiging paborableng kundisyon sa loob at labas ng bansa para sa pagsusulong ng digmang bayan. Nakatanim sa puso’t isipan nila ang malalim na kagustuhan ng mamamayang Pilipino, laluna ng masang anakpawis, na isulong ang kanilang karapatan at rebolusyonaryong adhikain hanggang sa mawasak ang estado at mawakasan ang itinataguyod nitong pahirap at nabubulok na sistemang malakolonyal at malapyudal.

Hinahambalos ang mamamayan ng Eastern Visayas ng walang-kasing tinding atake ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Patuloy na kinukubabawan ang bansa ng imperyalismong US na kinakasangkapan ang mga kumprador burgesya, panginoong maylupa at burukrata kapitalista para panatilihing atrasado, agrikultural at bansot ang ekonomya. Sa Eastern Visayas, pinakamaaasahan nila ang mga dinastiyang Romualdez, mga kamag-anak ng punong papet na si Ferdinand Marcos Jr, gayundin ang mga Tan ng Samar, Evardone ng Eastern Samar, Ongchuan ng Northern Samar, Mercado ng Southern Leyte, at Espina ng Biliran. Sinusuhayan nila ang pagpasok ng mga lokal at dayuhang kapital na tanging interes ay dambungin ang likas-yaman at lakas-paggawa ng bansa para sa sariling kapakinabangan. Kaalinsabay, nakapagpapayaman at nakapananatili sa poder ang mga dinastiyang ito sa pamamagitan ng pagdambong sa kaban ng bayan at pagsamantala sa kanilang pusisyon.

Patuloy na nalulugmok ang malawak na mamamayan ng Eastern Visayas sa kadusta-dustang kalagayan. Mga magsasaka ang bumubuo sa 85% ng populasyon, ngunit walo sa bawat 10 sa kanila ay walang sariling lupa. Ang malawak na kalupaang agrikultural ng rehiyon ay nakalaan hindi sa pagkain kundi sa mga produktong pang-eksport tulad ng niyog at abaka—mga cash crop na bulnerable sa pagbabago ng panahon (climate change) at sa mga pagbabago ng suplay at demand sa pandaigdigang merkado. Dahil sa kawalan ng lupa, natatali ang mga magsasaka sa labis na mapagsamantalang mga kaayusan tulad ng kaayusang “75-25” pabor sa panginoong maylupa, mapang-usurang pagpapautang, at mababang sahod. Ibinubuyangyang ang mga bundok, ilog at lupang sakahan sa pagmimina at pagpapalit-gamit para mapagtayuan ng mga mapanirang proyektong “renewable energy” at ekoturismo para sa kapitalistang tubo.

Lalo pang bumabagsak ang kalidad ng pamumuhay ng mamamayan. Kalahati ng mga manggagawa sa rehiyon ay hindi matawag na tunay na manggagawang sahuran sapagkat sila’y mga “self-employed” na hindi regular na nakatatanggap ng sahod (tulad ng mga drayber ng dyip, manininda, at gig workers), o nagtatrabaho sa sakahan o negosyo ng pamilya kung saan 10% sa kanila ay nagtatrabaho nang walang sahod. Hindi makatao ang ₱450 na minimum na arawang sahod na hindi makasabay sa tuluy-tuloy na pagtaas ng implasyon at kadalasan pa’y hindi naman nasusunod. Pamalagiang kabilang ang Eastern Visayas sa mga rehiyong may pinakamaraming bilang ng pamilya at populasyon na mahihirap.

Winawasiwas ng pasistang rehimeng Marcos ang terorismo ng estado upang supilin ang rebolusyon at ipagpatuloy ang pagsasamantala ng naghaharing uri sa mamamayan. Mula 2017, pinangunahan ng 8th Infantry Division ang mga gradual constrition-sustained focused military operations (GC-SFMO) sa rehiyon na naglayong ihiwalay ang BHB sa kanyang baseng masa at maitulak sa mga lantay-militar na sitwasyon para sa mapagpasyang pagkakalipol. Ang base-denial ay kinatangian ng ilang buwan o taong pagsakop ng mga pasistang tropa sa magkakanugnog na mga baryo upang magsagawa ng saywar at targeted na pamamaslang sa masa, isailalim ang mga komunidad sa hamlet (“lockdown”) na pumipinsala sa hanapbuhay ng mga residente, magtalaga ng mga aset-paniktik, buwagin ang mga samahan ng mga magsasaka, at kumubabaw ang militar na paghahari sa sibilyang gubyerno. Ang mga sustenidong nakapokus na operasyong militar naman ay isinagawa ng mga pormasyong multi-kolum at nagsasalit-salitan, nang may direksyon ng brigada o dibisyon at mobilisasyon ng mga air asset tulad ng mga drone at jet fighter, sa buong mga klaster sa mga hangganan ng mga bayan upang masukol ang mga yunit ng BHB. Sa gitna o kasabay ng mga operasyon isinasagawa ang walang habas na pangingistraping, panganganyon o pambobomba ng mga kagubatan at sakahan na lugar ng hanapbuhay ng masang magsasaka.

Sa pinakaubod, hindi na bago ang ganitong kalagayan ng Eastern Visayas. Bago pa man itayo ang BHB noong 1969, o nailunsad ang pinakaunang taktikal na opensiba sa Calbiga, Samar noong 1974, sa pinakaesensya’y ganito na rin ang kalagayan ng mamamayan ng rehiyon: konsentrado ang yaman sa iilang naghaharing uri habang ang malawak na mamamayan ay nagugutom at naghihirap. Nagsimula ito mula nang ipataw ng imperyalismong US ang sistemang malakolonyal at malapyudal sa bansa. At sa ilalim ng kasalukuyang rehimeng Marcos Jr, lalo pang tumatalim ang batayang kontradiksyon na ito.

Kaya isang malaking kabalintunaan ang ipinakakalat ng reaksyunaryong gubyerno na ang BHB ang nakakahadlang sa kaunlaran ng bayan. Sa halip, ang BHB ay inianak ng nagnanaknak na pahirap na sistema. Ibinunga ito ng nag-aalab na kagustuhan ng bayan na tanganan ang armas para baguhin ang kanilang kalagayan. At sa pagtindi ng kahirapan at pasismo, lalo lang itong nabibigyan ng pagkakataon na yumabong at kumalat sa buong kapuluan.

Sa kabila ng pinaigting at walang puknat na pasistang terorismo ng estado sa nakaraang siyam na taon, patuloy na nakapagpupunyagi ang mga yunit ng BHB sa Eastern Visayas. Hindi magwawakas ang BHB dahil lang may iilang elementong iniladlad ang maiitim nilang budhi at kawalang pagpapanibang-hubog, tumalilis, ipinagkanulo ang rebolusyon at masa at ngayo’y bayarang ahente na ng mga pasista. Ang mga natamong pinsala ng BHB sa nakaraang mga taon—na hindi maiiwasan sa paglulunsad ng matagalang digma ng isang mahinang pwersa laban sa mas malakas na pwersa—ay prinsipal pang ibinunsod ng mga internal na kahinaan, at hindi ng maling prinsiyo o kamalian ng armadong pakikibaka.

Mula nang bumwelo ang ikatlong kilusang pagwawasto noong 2023, mahusay nang natukoy ng BHB sa Eastern Visayas ang mga kamalian ng suhetibistang empirisismo, na nag-anak ng konserbatismo, pagpapakitid-sa-sarili, at kaisipang “kutang bundok.” Higit kailanman, sapol kapwa ng mga beterano at baguhang Pulang kumander at mandirigma ang napakalaking pangangailangan ng mahigpit na pagsapol sa integral na pagkakaugnay ng armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo, at pagtatayo ng baseng masa. Sapol nito ang hindi kailanman mapuputol na ugnayan ng BHB at masa, dahil isinusulong ng BHB ang adhikain ng masa na makalaya sa pang-aapi at pagsasamantala. Dahil dito, nasa napakainam na pusisyon ang Partido, BHB at buong rebolusyonaryong kilusan para muling makapagpalakas at umani ng higit na mga tagumpay.

Napakalaki ng pangangailangan para sa BHB na puspusang isulong ang digmang bayan. Nahaharap ang mamamayan sa loob at labas ng bansa ng matinding pang-ekonomya, pampulitika at panlipunang ligalig. Lantaran nang naghahasik ng digmaan ang numero unong terorista na imperyalismong US sa mga bansang naggigiit ng soberanya, at nagsusulsol ng tunggalian sa mga karibal na imperyalista, sa layuning makopo ang mga mahahalagang pandaigdigang rekurso. Ginagawa nitong lunsaran ng digma ang mga neokolonya nito tulad ng Pilipinas, upang gamitin sa nilulutong proxy na gyera laban sa China. Ang papet nito na si Marcos Jr ay lalo lamang nahihiwalay sa mamamayan dahil sa pagiging pahirap, pasista, korap at inutil nito, at itinuturo sa kanila ang landas ng rebolusyonaryong paglaban.

Digmaan ang hindi maiiwasang kahihinatnan ng imperyalismo. Ang kawalang-kabusugan ng mga monopolyo kapitalista na makipag-agawan sa rekurso at merkado ay tumutungo sa lantarang digmaan sa pagitan ng mga bansa at redibisyon ng daigdig. Imperyalismo rin ang nag-anak sa pasismo, na ginagamit ng mga papet na rehimen sa mga bansang neokolonyal para supilin ang rebolusyonaryong paglaban ng sambayanan. Dapat ugatin ng BHB at ng buong rebolusyonaryong kilusan ang pasismo ng estado at imperyalistang digma sa makauring layunin nito, para masapol kung bakit kailangan ng rebolusyonaryong pakikibaka na pinamumunuan ng Partido, at sa isang bansang malakolonyal at malapyudal ay kailangan ng hukbong magsasaka tulad ng BHB, para biguin ang pasismo, labanan ang imperyalismo at makamit ang tunay na kapayapaan at kaunlaran.

Handa ang BHB sa Eastern Visayas na balikatin ang lahat ng sakripisyo para isulong ang digmang bayan hanggang sa ganap na tagumpay. Mahina at maliit man ngayon, kasama ang masa at sa pamumuno ng Partido ay kaya nitong maging malaki at makapangyarihang pwersa na wawasak sa papet at pasistang estado at itayo ang sosyalistang kinabukasan.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan! Mabuhay ang sambayanang lumalaban!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mamamayang Pilipino, lumahok sa digmang bayan! Wakasan ang papet, pasista, korap at inutil na rehimeng US-Marcos!

Hukbo at masa, magkasamang labanan ang imperyalista at pasistang digmaan! Isulong ang digmang bayan para sa pambansang kalayaan at demokrasya!