Hustisya para kay Veronico "Tatay Birong" Anterio, magsasakang pinaslang ng 43rd IB at paramilitar na Dos!
Mariing kinukundena ng National Democratic Front-Eastern Visayas ang kamural-dumal na pagpaslang ng 43rd Infantry Battalion at ng paramilitar na Dos sa magsasaka na si Veronico “Tatay Birong” Anterio noong Setyembre 16 sa Barangay Carolina, Matuguinao, Samar.
Pinaslang si Tatay Birong, 65, ng pinagsanib na pwersa ng mga tropa ng Charlie Company ng 43rd IB na nakakampo sa bayan ng Matuguinao, at ng grupong Dos na nagsisilbing private army ng militaristang meyor ng Matuguinao na si Aran Boller. Si Tatay Birong ang ika-7 magsasakang biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang sa Eastern Visayas ngayong taon, at ika-20 mula nang maupo sa poder si Marcos Jr.
Pinuntirya siya dahil nagsilbi siyang boses ng paglaban sa paghaharing militar ng 43rd IB at ng Dos. Matapang na humarap si Tatay Birong sa mga pasista upang tuligsain ang mapanggipit na hakbanging ipinapataw sa Barangay Carolina na kinakampuhan ng 43rd IB. Nilabanan niya ang pagpapa-logbook sa mga residenteng lalabas ng baryo, paglilimita sa oras ng pagtrabaho sa bukid, kahit ang pagkokontrol ng pagkaing binabaon nila. Hindi niya inilingid ang matindi niyang galit nang tapak-tapakan at sirain ng mga sundalo ang bagong tanim niyang mga palay, na hindi man lang humingi ng tawad o nagbigay ng bayad-danyos sa kanya.
Bukod sa buong-tapang niyang paglaban sa mga karapatang-tao, si Tatay Birong ay kilala hindi lang sa bayan ng Matuguinao kundi hanggang sa mga kalapit na bayan bilang isang tradisyunal na manggagamot. Kahit ang mga pasistang sundalo ay lumalapit sa kanya dahil sa mahusay niyang pagbibigay-lunas gamit ang mga halamang gamot. Ngunit hindi ito nakapigil sa kanila na paslangin siya.
Naulila ni Tatay Birong ang kanyang 11 anak at ang tatlong apo na tinataguyod niya bago siya paslangin. Labis din ang panghihinayang at kalungkutan ng mga maralitang kanyang pinaglaban at pinagsilbihan, na siya ring araw-araw na binibigo ng reaksyunaryong gubyerno na mabigyan ng de kalidad na serbisyong panlipunan.
Taus-pusong nakikidalamhati ang NDF-EV at ang buong rebolusyonaryong kilusan sa Eastern Visayas sa mga naulila ni Tatay Birong. Muli na namang nadagdagan ang inutang na dugo ng pasistang 43rd IB, ng Dos, at ni Boller. Sobra-sobra na ang pang-aapi at pagsasamantala nila sa masa. Sumusumpa kami na kakamtin ang hustisya laban sa kanila, na walang ibang idinulot kundi pang-aabuso at pagpapahirap bilang mga tagapagtanggol ng bulok na sistema.
Ang matinding pasistang terorismo ng estado, kasabay ang lumalalim na kahirapan at krisis ay lalo lang nagtutulak sa masang magsasaka na tahakin ang landas ng armadong pakikibaka. Mga magsasaka, magkaisa! Palakasin ang hanay, lumahok sa digmang bayan at buong-tapang na labanan ang pasistang lagim ng AFP sa kanayunan!
Katarungan para kay Tatay Birong! Katarungan para sa lahat ng biktima ng pasistang terorismo ng estado!