Pahayag

Hustisya para sa lahat ng desaparecidos! Hustisya para sa lahat ng biktima ng diktadurang Marcos!

Halos limang dekada na ang lumipas mula nang ipataw ni Ferdinand Marcos Sr. ang Martial Law sa buong bansa subalit hanggang ngayon, wala pa ring hustisya ang mga biktima ng sapilitang pagkawala sa panahong iyon at sa mga sumunod pang rehimen. Masahol pa, tila pinagdurugo ang sugat ng mga mahal sa buhay ng mga desaparecidos sa pagbabalik sa poder ng mga Marcos sa katauhan ni Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na tahasang nagnakaw sa eleksyong 2022. Ang walang konsensya at kahihiyang pagsisinungaling at pagtanggi ni Marcos Jr. sa mga krimen at kasalanan ng kanyang ama at buong pamilya ay nagdaragdag sa poot na nararamdaman ng taumbayan sa mga Marcos.

Kung kaya’t patuloy na nananawagan ang NDFP-ST ng hustisya para sa lahat ng desaparecidos at pagpapanagot sa mga salarin sa likod ng kanilang pagkawala. Kasabay ng paggunita sa International Day of the Disappeared, paalingawngawin sa buong bayan ang paniningil sa mga Marcos at kanilang kasapakat sa pagyurak sa karapatang tao.

Nasa mahigit 1,900 ang mga desaparecidos sa bansa sa ilalim ng iba’t ibang rehimen. Kahit naibagsak na ang diktadurang Marcos, nagpatuloy ang sapilitang pagkawala ng mga aktibista, progresibo at kritiko sa panahon ng paghahari nina Corazon Aquino, Ramos, Estrada, Macapagal-Arroyo, BS Aquino at Duterte.

Mula sa madugong paghahari ni Marcos Sr. hanggang sa kasalukuyang paghahari ni Marcos Jr., nagpapatuloy ang patakaran ng pagdukot at sapilitang pagkawala ng daan-daang mga aktibista’t kritiko sa pagtatangkang busalan at supilin ang mga pagpuna’t paglaban sa tiwaling gubyerno.

At sa kabila ng pagsasabatas ng Republic Act No. 10353 o ang Anti-Enforced or Involuntary Disappearance noong 2012, nagpatuloy bilang bahagi ng patakaran ng estado ang sapilitang pagkawala ng mga aktibista at masugid na kritiko ng gubyerno. Patuloy ding tinanggihan ng GRP na lagdaan at iratipika ang International Convention for the Protection of All Persons from Enforced Disappearance.

Sa panahon ng diktadurang Marcos, hindi pa kumpleto ang panimulang naitalang 783 desaparecidos batay sa listahan ng William Richardson School of Law Library sa University of Hawaii. Kabilang sa mga ito ang Southern Tagalog 10 (ST 10), ang sampung kabataang aktibista mula sa Timog Katagalugan na dinukot sa Makati ng mga ahente ng pasistang estado noong Hulyo 1977. Ang ST 10 ay sina Rizalina Ilagan, Gerry Faustino, Jessica Sales, Modesto “Bong” Sison, Cristina “Tina” Catalla, Ramon Jasul, Emmanuel Salvacruz, Salvador Panganiban, Virgilio Silva at Samuel Ting aka Erwin de la Torre. Sa kanilang grupo, ang labi lamang nina Silva, Panganiban at Sison ang natagpuan, samantalang wala man lang kahit na anong bakas sa pito pa para pagluksaan ng kanilang mga pamilya.

Ang masalimuot na kwento ng ST 10 at lahat ng mga desaparecidos ay patunay ng matinding kalupitan ng reaksyunaryong estado sa mamamayang nakibaka sa diktadura. Nakasusuklam ang pagpopostura ng pamilya Marcos at ni Marcos Jr. mismo na gumagalang sila sa karapatang tao sa harap ng buhay na patotoo ng mga kapamilyang naghahanap pa rin sa kanilang mga nawawalang mahal sa buhay.

Hinding-hindi dapat makalimutan na ang panahon ng diktadura at ng higit dalawang dekadang panunungkulan ni Marcos Sr. ang isa sa pinakamadugong yugto sa kasaysayan ng bansa. Mala-halimaw ang pulisya at militar na nagpatupad ng mga tortyur, pagpatay, panggagahasa at iba pang mga brutal na pamamaraan para supilin ang mamamayang nagtataguyod sa demokrasya at karapatan ng bayan.

Ipinagpapatuloy ni Marcos Jr. ang pasistang pamana ng kanyang ama at ni Duterte sa pagbabalik niya sa Malacañang. Katunayan, tatlong araw pa lamang mula sa kanyang inagurasyon ay dinukot na ng mga ahente ng estado sa Moncada, Tarlac sina Elgene Mungcal, tagapagtaguyod ng karapatan ng kababaihan, at Maria Elena Pamposa, organisador ng Anakpawis. Bago ito, noong Mayo 3, sa kasagsagan ng kampanyahan para sa halalang pampanguluhan 2022 ay dinukot ang mga lider-obrero na sina Elizabeth Magbanua at Alipio “Ador” Juat. Hindi pa inililitaw ang apat na aktibista hanggang sa kasalukuyan.

Nagmamaang-maangan ang rehimeng US-Marcos II sa mga insidente ng pagdukot kahit pa malinaw sa pahayag ng mga testigo na may kinalaman ang mga pulis at militar dito. Isa itong babala at hudyat sa mas marami pang pagyurak sa karapatang tao laluna sa mga binansagang “terorista” o kalaban ng estado.

Pinaninindigan ni Marcos Jr. ang kanyang ilehitimong pagkapangulo. Tulad ng kanyang amang diktador, nananalaytay sa dugo ng mga Marcos ang pagkagahaman sa kapangyarihan at yaman. Gagamitin ng pamilyang Marcos ang estado poder para protektahan ang kanilang interes at supilin ang pakikibaka ng mamamayan laban sa kanilang malagim na paghahari.

Mabibigo ang mga Marcos sa kanilang imbing pakanang muling itanghal ang kanilang pamilya bilang pinakamakapangyarihan sa bansa. Hindi kailanman maglulubay ang rebolusyonaryong kilusan sa paglalantad sa mga krimen ng pamilyang Marcos at mga tunay na kaganapan noong panahon ng Martial Law. Patuloy na papag-alabin ang pakikibaka para sa hustisya. Dapat usigin at parusahan ang mga utak at kasangkapan sa mga pagdukot at pagpatay sa mga aktibista at sa sinumang itinuring ng mga Marcos na banta sa kanilang paghahari. Dapat itatak sa popular na kamalayan ang kahayupan ng mga Marcos at ipalaganap hanggang sa mga susunod na henerasyon ang kanilang mga krimen laban sa sangkatauhan.

Ang tumitinding terorismo ng estado sa ilalim ni Marcos Jr. at ang walang kasing-sahol na krisis panlipunan ang nagpapatibay sa katumpakan ng rebolusyonaryong solusyon sa kronikong krisis ng naghaharing sistema sa Pilipinas. Nananawagan ang NDFP-ST sa masang anakpawis na lumahok sa digmang bayan at kamtin ang tunay na hustisya para sa mamamayang api’t pinagsasamantalahan. Ang sakripisyo ng mga martir sa pakikibaka laban sa diktadura at pasismo ay susuklian ng bayan ng mahigpit na pagtangan sa linya ng pambansa-demokratikong rebolusyon.###

Hustisya para sa lahat ng desaparecidos! Hustisya para sa lahat ng biktima ng diktadurang Marcos!