Pahayag

Igalang ang karapatan ng mga rebolusyonaryong pwersang nakikidigma sa Pilipinas!

,

Ang naglalagablab na digmang sibil sa Pilipinas sa pagitan ng rebolusyonaryong kilusan sa pamumuno ng PKP-BHB-NDFP at ng reaksyunaryo’t tutang estado ng GRP ay isa ring larangan ng paggigiit ng karapatan at dignidad ng tao. Sa proseso ng digmang sibil, talamak ang paglabag ng GRP sa karapatang tao at internasyunal na makataong batas (IHL).

Isa sa pinakamalagim at di-makalilimutan ay ang kaso ng Catbalogan 10 noong Agosto 21, 2022. Matatandaang isinagawa ng pasistang rehimeng US-Marcos II at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang brutal na pagpaslang kina Benito “Ka Laan” Tiamzon, tagapangulo ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral (KTKS), Wilma “Ka Bagong-Tao” Austria Tiamzon, pangkalahatang kalihim ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP). Pinaslang din ang walo pang kasama nila sa byahe. Sila ay pinahirapan, tinortyur saka brutal at di-makataong pinaslang. Hindi pa nasiyahan, isinakay ang kanilang mga bangkay sa bangka at pagdaka ay pinasabog pagdating sa laot. Hindi pa napananagot ang pangunahing mga pinuno ng rehimen at ng berdugong AFP bilang mga utak sa pagsasagawa ng karumal-dumal na krimeng ito.

Ang pangunahing mga biktima ng brutal na karahasan sa Catbalogan 10 ay hindi lamang kabilang kundi may susing papel sa nagaganap na armadong tunggalian bilang mga kinatawan sa usapang pangkapayapaan. Sila ay mga pinuno ng pwersang nakikidigma at nararapat na igalang ang kanilang mga karapatang tao. Magiging susi ang papel ng pwersang nakikidigma para makamit ang tamang landas patungo sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.

Muling dapat na malaganap na sariwain at gunitain ang mga pandaigdigang kumbensyon sa karapatan at mga kasunduan sa pagitan ng GRP at NDFP, para singilin at ipaglaban ang katarungan para sa mga biktima ng pangyayari sa Catbalogan 10 at mga katulad na kaso.

Taong 1992 nang magsimulang magkaroon ng malinaw na pagsisikap na maganap ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng rehimeng US-Ramos at NDFP, matapos ang maikling pagtatangka na pasimulan ito noong rehimeng US-Aquino I.

Pinirmahan noong 1995 ng GRP at NDFP ang The Hague Joint Declaration na nagtatakda ng layunin ng usapan, prinsipyo ng pantay na pagtuturingan, mutwal na paggagalangan at pagkakasundo at pagkakasunud-sunod ng mga adyenda ng usapan ng magkabilang panig. Batay dito, kinikilala ng GRP na kapantay niya sa katayuan ang NDFP, bilang partidong kausap kaugnay sa nagaganap na digmang sibil (status of belligerency).

Nadugtungan pa ito ng isang mahalagang kasunduan na tinatawag na Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG). Ginagarantiyahan ng kasunduang ito na lahat ng mga sangkot, direkta o di direkta, sa pagtataguyod, pagsasagawa at pagpapatupad ng usapang pangkapayapaan, ay ipupwera sa pagiging target ng armadong pag-atake ng alinmang panig.

Kagyat na kasunod ng kasunduang ito ang pagpirma at pagpapatibay noong 1998 sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL), ang unang adyendang itinakda sa negosasyon. Malinaw na inoobliga ng kasunduan ang magkabilang panig na igalang at itaguyod ang komprehensibong listahan ng karapatang tao at mga nilalaman ng pandaigdigang regulasyon sa digma.

Partikular na ipinatutupad ng CARHRIHL ang mga prinsipyong nakalahad sa Geneva Conventions at sa Protocol I at II nito. Sang-ayon sa IHL, partikular sa Protocol II na tumutukoy sa mga armadong labanan sa loob ng isang bayan, may mga karapatan ang mga rebolusyonaryong pwersang nakikidigma na dapat kilanlin at igalang ng reaksyunaryong pwersa ng GRP. Mayroong mga batayang regulasyon kaugnay ng mga karapatan ng mga pwersang nakikidigma pati ang mga nasa kalagayang nasugatan, maysakit o nabihag.

Sinasabing pinirmahan ng papet na rehimeng US-Aquino I ang Protocol II noong Disyembre 1986. Pero ang pagpirma ay ginawa nang walang publisidad. Wala ring ginawang pamamahagi ng kopya ng nasabing protocol sa AFP. Hindi kataka-takang sa araw-araw na praktika ng mga upisyal at sundalo ng AFP, lansakang nilalabag ang mga probisyon nito.

Ang mga ito ay malalalang paglabag sa internasyunal na makataong batas, tampok dito ang mga nakasaad sa Article 4, Part II at Article 7, Part III ng Protocol 2 ng Geneva Conventions ng 1949 at sa Article 2, Part IV ng CARHRIHL.

May pulitikal, moral at ligal na obligasyon ang buong reaksyunaryong estado na igalang ang mga karapatan ng mga kasapi ng pwersang nakikidigma sa digmang sibil sa Pilipinas. Sa mga umiiral na panuntunang pandaigdig, obligasyon ng lahat ng estado, reaksyunaryo man o rebolusyonaryo, na dapat igalang ang karapatan ng mga sibilyan at mga non-combatant sa digma (kasapi ng armadong grupo ngunit umaaktong medik, chaplain, maysakit o nasugatan na di na makalaban, sumuko sa aktwal na labanan, mga retirado at iba pa). Ibig sabihin ay hindi sila dapat isama sa mga target ng labanan.

Ang GRP ay malinaw na kasapi ng UN na nagtataguyod sa mga pandaigdigang regulasyong ito. Bukod pa sa puntong pumirma ito sa Protocol II noong 1986. Noong 1996, inilabas ng NDFP ang “Unilateral Act of Undertaking to Apply the Geneva Convention and Protocol 1”. Sa gayon, napakalinaw na ipinahayag nito ang katayuan at tumpak na pagtugon ng demokratikong gubyernong bayan sa panuntunang pandaigdig sa mga digmaan.

Alinmang estado na hindi tumalima sa mga pandaigdigang regulasyon sa digma ay dapat papanagutin ng pandaigdigang sistema ng hustisya. Kamakailan, noong Mayo 17-18, nagtipon sa Brussels, Belgium ang Internasyunal People’s Tribunal (IPT) upang litisin ang Krimen ng Digmaan sa Pilipinas. Nilayon ng nasabing pagtitipon ang paglalabas nito ng mga natuklasan at kongklusyon kaugnay sa paratang ng krimen sa digma at paglabag sa IHL sa Pilipinas. Pangunahing akusado dito si GRP President Ferdinand Marcos Jr., dating pangulong Rodrigo Duterte at US President si Joe Biden. Ibinaba ng IPT ang sumusunod na hatol:

Ang mga operasyong kontra-insurhensiya ng GRP ay kinatatangian ng paulit-ulit na pag-atake laban sa mga sibilyan, ekstra-hudisyal na pagpatay, walang habas na pambobomba, pwersahang pagpapalikas, at iba pang paglabag.
Ang GRP ay nagsagawa ng tahasang pagpatay, karahasan sa personal na dignidad, at walang respetong pagtrato sa mga nahuli o nasugatang mandirigma.
Ang mga indibidwal at organisasyon na pinaghihinalaang may kaugnayan sa NDFP ay inuusig sa pamamagitan ng mga pagdukot, enforced disappearances, arbitraryong pag-aresto at sa ilang kaso ay pagpatay o likidasyon.
Ang US ay nagbibigay ng dambuhalang suporta sa GRP sa pamamagitan ng pagdirehe sa mga operasyon, pagsasanay at pag-aarmas sa kanila sa pagpapatupad ng kampanyang kontra-insurhensiya kaya’t sangkot ito sa mga paglabag.

Kung patuloy na hindi kikilalanin ng GRP ang mga karapatan ng nakikidigmang pwersa, ibayong dadami ang masasayang na buhay ng mga tao at tutungo ang lipunan sa malalim na hukay ng ibayong karahasan. Ang hindi pagtalima sa IHL at iba pang mga proteksyon para sa mga sibilyan at non-combatant ay patunay na kumakatawan ito sa isang bulok na sistemang mapang-api at mapagsamantala. Kung gayon, dapat na itong ibagsak ng armadong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan at palitan ng isang makatarungan at tunay na demokratikong gubyerno.

Tungkulin ng Partido at ng rebolusyonaryong kilusan na puspusang igiit ang pagtalima ng GRP sa probisyong nilalaman ng CARHRIHL at sa Geneva Convention, partikular ang paggalang sa karapatan ng mga pwersang nakikidigma. Kailangang makapagsagawa ng puspusang edukasyon at propaganda sa mamamayan kaugnay sa nagaganap na digmang sibil at ang pangangailangang itaguyod ang panuntunang pandaigdigan sa digma. Dapat itong ipaunawa sa mga karaniwang kawal ng AFP-PNP upang malinawan sila kung gaano karumi at brutal ang kontra-“insurhensya” na gerang inilulunsad ng GRP at mahikayat silang talikuran ito. Mahalagang malikha ang malakas na daluyong ng kilusang masa na nananawagan sa pagtutuloy ng usapang pangkapayapaan na nakabatay sa nauna nang mga kasunduang pinirmahan sa pagitan ng GRP at NDFP.

Interes ng sambayanang Pilipino na makamit ang tunay at pangmatagalang kapayapaan na nakabatay sa hustisyang panlipunan. Matutupad lamang ito kapag puspusang lumahok sa pagkilos ang pinakamaraming mamamayan sa pakikibaka para isulong ang adhikain ng pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba. Ang dakilang adhikaing ito ay pinagbuwisan ng buhay ng mga dakilang martir ng sambayanan.

Hustisya sa Catbalogan 10 at iba pang martir ng sambayanan!

Igalang ang karapatan ng mga rebolusyonaryong pwersang nakikidigma sa Pilipinas!