Pahayag

Igiit ang pambansang soberanya! China at US, palayasin!

,

Mariing kinukundena ng Melito Glor Command (MGC)-NPA Southern Tagalog ang panghaharas ng China sa mga Pilipino sa West Philippine Sea (WPS). Pinakahuli rito ang panganganyon ng tubig ng Chinese Coast Guard sa bangka ng Philippine Coast Guard na magsusuplay ng rekurso sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa WPS, saklaw ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Tahasang pangyuyurak sa pambansang soberanya ang paulit-ulit na panghaharas ng China sa mga Pilipino sa sariling teritoryo at ang hibang nitong deklarasyong sakop nito ang Ayungin Shoal. Inaangkin ng China ang Ayungin Shoal dahil ito ay 20 nautical miles lamang mula sa Mischief o Kagitingan Reef, kung saan nakapwesto ang pinakamalaking baseng panghimpapawid at nabal ng China. Tulad ng Mischief Reef ang pang-heolohikal na katangian ng Ayungin na ideyal para sa pagbabase.

Arbitraryo at makaisang-panig ang paggigiit ng China na saklaw ng teritoryo nito ang WPS. Naipagwagi ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration ng United Nations Declaration on the Law of the Sea (UNCLOS) ang karapatan sa exclusive economic zone nito. Malinaw na nilalabag ng China ang internasyunal na batas sa walang habas na pang-aagaw at pagpapakat ng mga pwersang militar sa WPS.

Pinaka-nagdurusa sa pambubrusko ng China ang mga mangingisdang Pilipino. Marahas na itinataboy ang mga Pilipino habang ninanakaw ng China ang yaman at rekurso sa WPS.

Walang gulugod naman si Marcos Jr sa harap ng China na lantarang inaangkin sa salita at gawa ang WPS pero walang matitigas na hakbangin para pigilan ang agresibong hakbangin ng China. Batay sa pagkapanalo ng Pilipinas sa UNCLOS, hindi “gray area” ang karapatan ng Pilipinas sa mga teritoryo sa WPS. Pakitang-tao ang mga postura ni Marcos Jr laban sa China lalo’t sa likod nito, nakikipagmabutihan pa rin siya upang makaamot ng mga kasunduang pang-ekonomya, ayudang militar, pamumuhunan at mga pautang. Hindi matutumbasan ng mga ito o ni anumang halaga ang soberanya ng Pilipinas!

Walang bayag ang AFP na depensahan ang mamamayang Pilipino sa panghaharas ng China. Pangita ang pasibidad, kawalang kapasidad at imperyoridad ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard sa China sa ilang beses na panghaharas ng China sa mga mangingisdang Pilipino, maging sa mga sariling mga kawal at tanod ng AFP sa WPS. Matinding kabalintunaang may signipikanteng bilang ng mga upisyal ng AFP na nagsasanay sa China. Lalong malaking karuwagan ng reaksyunaryong estado at AFP ang paghingi ng suporta sa US para depensahan ang sariling teritoryo.

Kabaliktaran ng mga himod sa puwet na mga aksyong ito sa mga imperyalistang kapangyarihan ang ginagawang mala-demonyong pandarahas ng AFP-PNP at rehimeng US-Marcos II sa sambayanang Pilipino tulad ng lumalalang EJK, pagdukot, iligal na detensyon, tortyur, pambobomba sa mga komunidad laban sa mga magsasaka, katutubo, manggagawa, kababaihan, mga bata, maging sa mga numero unong kritiko ng rehimen.

Lalong pinatutunayang malakolonya ng US ang Pilipinas sa labis na pagsalig ng huli sa una at pagpapatibay ng mga tagibang na kasunduang militar sa tabing ng pagdedepensa laban sa China. Pinalalabas ng papet na gubyerno, mga buhong na heneral ng AFP at iba pang ahente ng US sa bansa na makakatuwang nito ang imperyalista sa pagtatanggol sa WPS. Pinatatampok ng mga ito ang mga pambabraso ng China lalo ang pinakahuling insidente para bigyang matwid ang panghihimasok ng US sa Pilipinas. Sambit ng bagong hepe ng AFP na si Brawner, ang insidente sa Ayungin Shoal ay “humigit kumulang deklarasyon na ng digma” ng China laban sa mga Pilipino. Ikinukumpas ng US sa mga ahente nito sa Pilipinas ang pagpapatambol ng pambabaraso ng China para manulsol ng gera.

Ang kaganapan sa WPS ay umaayon sa pakana ng US na maiputok ang gera sa Asia Pacific laban sa China. Kabilang ang Pilipinas sa first-island chain na itinakda ng US na erya ng digma laban sa China. Maaaring maganap ang gera sa Pilipinas na magdudulot ng pambansang pagdurusa. Katunayan, ipinakat na ng US sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas ang mga pwersa nito. Nagdagdag pa ng apat na base militar ang US sa bansa kabilang sa Balabac Island, Palawan, sa pamamagitan ng Enhanced Defense Cooperation Agreement. Ang mga tuluy-tuloy na pinagsanib na ehersisyong militar ng US at Pilipinas, kasama ang mga kaalyadong bansa ng imperyalista, ay nagsisilbi para sa pamilyarisasyon ng mga pwersa nito sa magiging lunsaran ng digma.

Nararapat itakwil ang mga pakana ng US na iputok ang gera sa Asia Pacific. Makatwiran ang panawagan ng bayan na palayasin ang mga pwersang US sa bansa.

Gayundin, kailangang patuloy na manindigan ang mamamayan na palayasin ang China sa pamamagitan ng iba’t ibang porma ng pakikibaka. Makipagkapitbisig sa iba pang mga bansang binabraso ng China at inaagawan ng teritoryo sa South China Sea. Makipagkaisa sa kanilang paggigiit ng soberanya sa mga saklaw na exclusive economic zones.

Walang ibang dapat saligan ang mamamayang Pilipino sa pagdedepensa ng bansa at pagtatanggol ng pambansang soberanya kundi ang kanilang nagkakaisang lakas. Kasama nila sa pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya ang rebolusyonaryong kilusan na pinamumunuan ng Communist Party of the Philippines. Sandata nila ang NPA sa paglaban sa imperyalistang dominasyon habang malawak na kalasag ang National Democratic Front of the Philippines.

Nananawagan ang MGC sa malawak na hanay ng mamamayang patriyotiko na ipagtanggol ang bansa laban sa mga imperyalistang kapangyarihan. Sumapi sa NPA at maging tunay na hukbo ng mamamayan. Ang tunay na pambansang kalayaan at demokrasya ay makakamit lamang sa landas ng demokratikong rebolusyong bayan.###

Igiit ang pambansang soberanya! China at US, palayasin!