Importasyon at kainutilan ng gubyerno, dobleng pasakit sa mamamayan at magsasaka ng palay

, ,

Gabundok na ang pasanin ng magsasakang Pilipino at mamamayan dahil sa Rice Liberalization Law (RLL) mula nang isabatas ito noong Pebrero 14, 2019 at dahil sa kainutilan ng gubyerno sa harap ng sakunang El Niño. Dahil sa El Niño tinatayang bababa ang produksyon ng palay habang sisirit ang presyo ng bigas hanggang Setyembre. Malaon nang sumadsad ang presyo ng palay sa farmgate pero lalupa itong bulnerableng bumagsak dahil sa pagbaha ng imported na bigas na magpapawalang-saysay sa lokal na produksyon ng palay.

Dahil sa RLL, tinalikuran ng gubyerno ang responsibilidad nitong bilhin ang palay ng mga magsasaka at ipinaubaya sa mga pribadong negosyante ang pagbili ng lokal na palay. Nilalaro ng mga komersyante ang presyo ng palay at bigas sa pamilihan. Sa Laguna, nasa ₱15-17 ang bili sa palay ng mga magsasaka habang ₱14-15 sa Mindoro. Sa sobrang pagkalugi sa bentahan, may mga kaso sa Mindoro kung saan umaabot lamang sa ₱968 ang netong kita ng magsasaka sa apat na buwan, katumbas ng ₱12 kada araw.

Pinatunayan ng nagdaang limang taon na walang silbi ang RLL sa pagkontrol sa presyo ng bigas sa pamilihan. Noong Disyembre 2023, naitala ang pinakamataas na implasyon sa bigas (19.6%) mula Marso 2009 (22.9%). Umaabot na ngayon sa ₱50-60 ang presyo ng regular milled rice samantalang nasa ₱40-45 lang ito bago isabatas ang RLL. Ang talamak na rice hoarding ng mga kartel ay ginamit para pasipain ang presyo ng bigas. Sinamantala nila ang implasyon at “kakulangan ng suplay” para ilusot ang mataas na presyo ng bigas.

Ibayo pang iniinda ng mga magsasaka ng palay ang mga sakuna na pumipinsala sa mga pananim, pinakahuli ang nagaganap ngayong El Niño. Nitong Enero, nasa ₱109.44 milyon na ang pinsalang idinulot ng El Niño sa mga magsasaka ng palay. Nasa 65 probinsya ang apektado nito. Inutil ang reaksyunaryong estado, sa pangunguna ng Department of Agriculture, na lutasin ang problema ng mga magsasaka sa sakuna. Pantapal na solusyon ang kakarampot na ayuda na tiyak na hindi sasapat sa gutom ng mga magsasaka. Boladas ang mga pinagmamalaking modernisasyon sa agrikultura ni Marcos Jr. na wala namang kongkretong pakinabang para sa masang magsasaka. Malaki ring kalokohan na ilagay ang Department of National Defense bilang ulo ng Task Force El Niño—ano namang magagawa ng mga kapural ng pasismo sa suliranin ng masang magsasaka? Huli na ngang binuo, tiyak na itutulak nito ang ibayong karahasan at militarisasyon sa kanayunan.

Samantala, pinokusan lamang ng rehimeng Marcos II ang tinatayang kakulangan sa suplay ng bigas sa pamamagitan ng pagpapalobo ng importasyon. Panandaliang solusyon lamang ito sa krisis sa bigas pero kapalit nito ang pag-upos sa kapasidad ng Pilipinas na pakainin ang sarili. Sa limang taon ng RLL, nakita ng mamamayang Pilipino ang malaking ibinagsak ng kabuhayan ng mga magsasaka ng palay. Sa unang tatlong taon nito, higit ₱92 bilyon na ang ibinagsak ng produksyon ng palay sa bansa.

Kahangalan ang pagsalig sa importasyon na di umano’y kalutasan sa gutom, estableng suplay at abot-kayang presyo ng bigas. Nakaayon ang programang importasyon ng estado sa neoliberal na patakaran ng imperyalismo na liberalisasyon ng agrikultura upang gawing bagsakan ng mga sobrang produkto ng imperyalistang bansa ang mahihirap na malakolonya at malapyudal na bansa kagaya ng Pilipinas. Lalo nitong ginagawang palaasa ang Pilipinas at tinatanggalan ng kapasidad na maging independyente o umaasa-sa-sariling ekonomya, partikular ang pagkakaroon nito soberanya at seguridad sa pagkain. Nitong 2023, inungusan na ng Pilipinas ang China sa pagiging numero unong importer ng bigas sa buong mundo. Inaasahang tatagal pa ito hanggang 2028 ayon sa mga eksperto.   

Ang RLL ay manipestasyon ng pagpapailalim sa neoliberal na patakarang sumasagasa sa likas na mabuway na pundasyong pang-ekonomya ng malakolonyal at malapyudal ng lipunang Pilipino. Nilulukuban ng imperyalismo ang bansa kaya’t nananatiling atrasado, agraryo at pre-industriyal ang ekonomya. Ipinataw ang RLL bilang pagtalima ng reaksyunaryong gubyerno sa Agreement on Agriculture sa balangkas ng General Agreement on Tariffs and Trade-World Trade Organization.

Sa disenyo ng imperyalistang globalisasyon, sadyang inaabandona ng papet na estado ang lokal na produksyon, laluna ang agrikultura. Kasabwat nila ang mga lokal na naghaharing uring malalaking burgesya kumprador at panginoong maylupa sa pagpapabansot ng ekonomya dahil pinakikinabangan nila ang kurakot at ganansya mula sa imperyalismo kaysa pag-unlad ng lokal na agrikultura at industriya. Kasabwat din sila sa pangangamkam at pagpapalit-gamit ng lupa. Wala ring pakialam ang mga ito sa paghagupit ng mga sakuna sa bayan.

Kabaliktaran ng bulok na kaayusan sa ilalim ng reaksyunaryong estado ang programa na isinusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon para sa mga magsasaka at agrikultura. Isinusulong ng CPP-NPA-NDFP ang pambansa demokratikong rebolusyon na magbabagsak sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Itatayo nito ang demokratikong gubyernong bayan na magpapatupad ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Ititindig nito ang ekonomyang malaya at umaasa-sa-sarili. Ang mga sakuna katulad ng El Niño ay lalapatan ng kongkreto at siyentipikong mga hakbangin upang makaalpas sa krisis at kahirapan ang bayan.

Hinahangad ng NDFP-ST, rebolusyonaryong pwersa at mamamayan ng Timog Katagalugan ang isang lipunang malaya, mapayapa at masagana. Kailangang tahakin ang pambansa demokratikong rebolusyon, na sa esensya’y isang digmang magsasaka. Nararapat lumahok sa armadong rebolusyon ang masang magsasaka, bilang pangunahing pwersa at mayorya ng mamamayang Pilipino, upang wakasan ang pyudal at malapyudal na pang-aapi at pagsasamantala sa bayan.###

Importasyon at kainutilan ng gubyerno, dobleng pasakit sa mamamayan at magsasaka ng palay