Ipagbunyi ang pagbigo ng NPA-Mindoro sa pasistang pananalakay ng 203rd BDE!
Taas kamaong pagpupugay ang ibinibigay ng Lucio de Guzman Command (LdGC)-BHB Mindoro sa mga Pulang kumander at mandirigma nitong bumigo sa magkasunod na strike operation laban sa dalawang yunit ng BHB ngayong araw. Sa mga labanan, nagtamo ng apat na kaswalti ang pasistang pwersa ng 203rd IBde habang ligtas namang nakaatras nang walang pinsala ang BHB.
Naganap ang unang aktibong pagdepensa ng BHB bandang 6:00 ng umaga sa Sityo Kalinisan, Barangay Bayutbut, San Jose, Occidental Mindoro matapos atakehin ng pasistang pwersa ng 68th IBPA. Kasalukuyang nagsasagawa ng pagsisiyasat sa kalagayan ng mga katutubo at magsasaka sa bayan ng San Jose ang yunit ng BHB. Maagap na nalaman ng BHB ang papalapit na kaaway kaya epektibo itong nakapagsagawa ng aktibong pagdepensa na puminsala sa dalawa sa umaatakeng tropa.
Wala pang isang oras matapos nito, naisagawa rin ng isang yunit ng LDGC ang matagumpay na aktibong depensa laban sa operasyong panggap at strike operation ng pasistang 4th IBPA, 203rd Ibde sa sityo Tignuan, Barangay Teresita, Mansalay, Oriental Mindoro. Tulad ng nauna, naagaw ng BHB ang inisyatiba sa labanan kung saan dalawa (2) ang pinsala sa umaatakeng kaaway. Nakaatras ang BHB nang walang pinsala. Nagpanggap na mga Pulang mandirigma ang mga pasistang sundalo upang linlangin ang isang residente ng So. Tignuan at matapos ay pinilit na giyahan sila sa kanilang operasyon.
Lubusang kinukundena ng BHB Mindoro ang panlilinlang ng mga sundalo ng AFP sa mga sibilyan at sapilitang pagpapagiya sa mga ito sa kanilang operasyon. Tahasan itong pagsasapanganib sa buhay ng sibilyan na labag sa internasyunal na makataong batas. Palagiang ginagawa ng AFP ang pagpapanggap sa mga sibilyan bilang Pulang mandirigma bilang taktika at katunaya’y nagbuo pa sila ng espesyal na yunit para dito: ang Special Warfare Group o SWAG. Pinapaalalahanan namin ang masang Mindoreño na mag-ingat laban sa kontra-mamamayang taktikang ito ng AFP.
Patunay ang magkasabay na labanan sa mataas na diwa at kapasidad panlaban ng BHB-Mindoro. Ito’y sa kabila ng largadong kontra-rebolusyonaryong digma ng rehimeng US-Marcos II sa isla. Ang matagumpay at magiting na pagtatanggol ng mga yunit ng BHB ay sampal sa mukha ng 203rd Infantry Brigade, ni Ferdinand Marcos Jr at maging ang mga sagad-sagaring kontra-rebolusyonaryong upisyal ng lokal na pamahalaan ng Mindoro na ubod-ng-kasinungalingang nangangalandakang malapit nang magapi ang BHB at binubuo na lamang diumano ng iilang demoralisado at disorganisasong mandirigma.
Malaon nang naiguhit ang tagumpay ng demokratikong rebolusyon ng mamamayan. Nakabatay ang katiyakang ito sa pagiging makatarungan at makatwiran ng digmang magpapalaya sa mamamayan mula sa pyudal at dayuhang pang-aapi. Hanggat wastong napanghahawakan ng mga pwersa ng rebolusyon ang linya ng demokratikong rebolusyong bayan at ang mga estratehiya’t taktika ng digmang bayan, kailanma’y di magagapi ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka at ang Hukbong Bayan.
Ang katiyakan at pangangailangan na ating maipagtagumpay ang rebolusyon ay dapat nating paghugutan ng inspirasyon di lamang upang paulit-ulit na harapin ang kaaway kundi upang seryosong tupdin ang ating mga tungkulin sa pagwawasto at muling pagpapalakas ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Matibay na hawakan ang inisyatibang militar at tanawin natin ang muling pagsigla ng armadong pakikibaka sa pamamagitan ng paglulunsad ng paparaming taktikal na opensiba na bibigwas sa kaaway ng mamamayan. Ipinapanata ng LDGC na ubos-kaya itong mag-aaral, magpapalawak at magpapalalim ng ugat sa masa upang makapagpalakas.
Lumaban upang makapagpalakas! Magpalakas habang lumalaban!
Digmang bayan, sagot sa kahirapan!
Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!