Ipagbunyi at hawakan nang mahigpit ang mga tagumpay ng rebolusyon sa isla ng Mindoro ngayong taon! Mamamayang Mindoreño, magkaisa, sumulong at patuloy na makibaka!
Rebolusyonaryong pagbati ang ipinapaabot ng Lucio De Guzman Command-NPA Mindoro sa lahat ng mamamayang Mindoreño ngayong panahon ng kapaskuhan at ika-57 na anibersaryo ng pinakamamahal nating Partido!
Ipagbunyi natin ang mga tagumpay na nakamit ng nakikibakang Mindoreño at Partido ngayong taon sa gitna ng pagdausdos ng buhay at kabuhayan ng mga Mindoreño dahil sa pahirap na mga patakaran, korapsyon at terorismo ng rehimen ni Ferdinand Marcos Jr!
Ngayong taon, sa kabila ng todo-todong terorismo ng 203rd Infantry Brigade at PNP MIMAROPA sa isla, matapang na lumaban ang mga Mindoreño para sa kanilang mga karaingan at karapatan. Sa buong isla, buong taon ay tuloy-tuloy na nakibaka ang mga magsasaka at katutubo para sa kanilang karapatan sa lupang sakahan at panirikan, lugar pangisdaan, at lupang ninuno. Nariyan din ang paglaban ng mga Mindoreño para ipagtanggol ang kalikasan ng isla mula sa mga mapaminsalang operasyon gaya ng dredging, pagkwari, mina at iba pa. Naging bahagi din ang mga Mindoreño sa daan-daan libong Pilipinong patuloy na nagpapahayag ng galit, nag-oorganisa at kumikilos laban sa bulok na burukrata kapitalistang gubyernong pinamumunuan ni Marcos Jr. Hindi rin matatawaran ang tapang at kagitingan na ipinamalas ngayong taon ng mga Mindoreño na patuloy na naninindigan para sa karapatan sa gitna ng di-deklaradong batas militar sa isla.
Lahat ng mga pakikibakang masang ito ay patunay sa nagpapatuloy na pag-aasam ng mga Mindoreño para sa panlipunang hustisya, kalayaan at demokrasya at ng kanilang kahandaang ipaglaban ang mga ito.
Kasabay ng mga pakikibakang masa, tuluy-tuloy na sumusulong ang demokratikong rebolusyong bayan sa Mindoro sa kabila ng pagsisikap ng reaksyunaryong gubyerno na durugin ito. Habang ipinagyayabang ng AFP-PNP na matatalo na ang rebolusyonaryong kilusan sa Mindoro, sa kabaligtara’y nakapagpunyagi at nakapagpalakas ito ngayong taon sa gabay ng Partido.
Sa diwa ng pagwawasto, sa buong isla’y inabot natin at muling nakilusan ang 84% ng mga bayan sa isla at signipikanteng bilang ng mga baryo. May mga bayan at baryong nabalikan ng mga rebolusyonaryong pwersa matapos halos dalawang dekada naiwanan dulot ng sarili nating kahinaan.
Buong pusong sinalubong ng mga masa ang pagbabalik ng rebolusyon. Sa ating pagbabalik, ilang beses nating napatunayan na sa kabila ng pananalasa ng terorismo ng rehimeng US-Marcos II sa isla at matagal na pagkaiwan natin sa masa, nananatiling nasa rebolusyon ang puso ng masang Mindoreño. Sabik nilang hinihintay laluna ang kanilang tunay na hukbo. Sa ating pagsisikap na puntahan ang masa, daan-daan din ang nabigyan natin ng serbisyong medikal at nakasama sa gawaing produksyon. Higit na mahalaga, nakapagpuna tayo sa ating mga pagkukulang at naipaunawa ang kilusang pagwawasto. Nagpursige rin tayong magbigay ng pampulitikang edukasyon sa daan-daan at paparaming masa. Naging bahagi tayo ng pagsusuri at paghahanap ng kalutasan sa mga problema nila sa iba’t ibang aspeto ng buhay. Ito ang dahilan kung bakit malugod na tinanggap ng masa ang kilusang pagwawasto at bakit tinatamasa ng rebolusyon sa Mindoro ang mainit at masiglang suporta ng mamamayan.
Nakatuntong sa tagumpay na ito ang pagpapatatag sa ating Hukbo at sa baseng masa. Dahil nakalalangoy ang rebolusyon sa malawak at malalim na dagat ng mga Mindoreño, nailunsad natin sa hanay nila ang mga aktibidad sa pagmumulat, pag-oorganisa at nagkakaisang pagkilos para sa kanilang kagalingan, karapatan at pagpapabuti ng kalagayan. At dahil bahagi na tayo ng kanilang pang-araw-araw na buhay, katuwang natin sila upang matiyak na naililingid sa kaaway at ligtas na maisagawa ang mga aktibidad sa hanay nila. Kaya ang masang mulat at aktibo ay nagsisilbing matatag na muog ng rebolusyon kung saan sisibol ang binhi ng demokratikong kapangyarihan ng mamamayan o gobyernong bayan.
Nasa bag-as ng tagumpay na ito ang pamumuno ng Partido, katuwang ang Hukbo at sinasaliwan ng malawak na lambat ng suporta ng masang aping Mindoreño kung kaya patuloy na sumusulong ang armadong pakikibaka sa isla! Paulit-ulit nating binigo ang mga tangkang pandudurog ng mga kaaway sa ating hukbo. Sa taong ito, nagkaroon ng 16 na mga depensibang labanan, aktibong pagdepensa at engkwentro sa pagitan ng mga yunit ng NPA at iba’t ibang batalyon at yunit ng AFP-PNP-CAFGU sa isla. Nag-resulta ang mga ito sa isang platung kaswalti sa kaaway. Kabaligtaran ng kanilang layunin na pinsalain at durugin ang ating hukbo, ang mga aksyong pag-atake ng AFP-PNP ay nasasalag at aktibong nilalabanan ng mga yunit ng Hukbo kaya napapaliit ang kaswalti ng mga kasama habang mas malaki ang tinatamong pinsala ng umaatakeng yunit ng AFP-PNP.
Ipinagbunyi rin ng mamamayang Mindoreño ang ating matagumpay na ambus sa RMFB, special operations at mga naisagawang linis-base na nagbunot ng mga espiya at galamay ng AFP-PNP sa hanay ng mamamayan.
Hawakan natin nang mahigpit ang lahat ng tagumpay na ito. Sa susunod na taon ay magpunyagi tayo sa mas malalim na pag-ugat sa mas marami pang masa—ang masang api na tanging sa rebolusyon umaasa upang makalaya sa tumitinding kahirapan at pang-aapi. Bigkisin natin ang kanilang lakas sa daan-daang mga organisasyong masa, mga grupo, komite at balangay ng mga ito at mga sangay ng Partido. Ang papalawak at papalalim na baseng masa ang magsisilbing di matutuyong balon ng mga bagong Pulang mandirigma na maglilingkod sa kanilang kapwa masang api sa pagsusulong ng digmang bayan.
Walang hanggang pasasalamat ang pinararating ng Partido at NPA sa lahat ng masa at alyado na patuloy na nagtataguyod, sumusuporta at nagbibigay ng kanilang ganang kaya sa rebolusyon!
Samantala, walang hanggang makauring pagkamuhi ang ipukol natin sa mga nagtraydor at nagkanulo na mga dating kasamang nakumbert at nagpapagamit na sa kaaway. Sa malao’t madali, aabutin sila ng kamay ng rebolusyonaryong hustisya upang mapanagot sa kanilang krimen sa mamamayan at kontra-rebolusyonaryong aktibidad.
Muli, ipagdiwang natin ang ika-57 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Disyembre 26 taglay ang mainit na diwang hatid ng kabayanihan ng ating mga martir, ang kagitingan ng mga Hukbo at pagpupunyagi ng mga masa at alyadong sumusuporta sa armadong pakikibaka habang nagsusulong ng kanilang demokratikong kilusang masa. Humugot tayo ng inspirasyon sa isa’t isa sa pagharap ng mas malaking responsibilidad at hamon ng pagtungo sa mas malawak, mas matipuno at mas mataas na antas ng pakikibaka. Itanghal natin ang Marxismo-Leninismo-Maoismo bilang tanglaw na teorya at ang matibay na pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas sa buong rebolusyong Pilipino at sa sambayanan.
Sa gitna ng unos ng krisis at kahirapan sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II, nagniningning ang rebolusyong pinamumunuan ng ating Partido bilang totoo at tanging landas patungo sa masagana, makatarungan at maaliwalas na lipunan.
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang New People’s Army!
Mabuhay ang pambansa demokratikong pakikibaka ng mamamayan!
Isulong ang digmang bayan hanggang sa tagumpay!