Ipagdiwang ang Unibersal na Deklarasyon ng Karapatang Pantao! Ipaglaban ang Makatarungan, Malaya at Demokratikong Lipunan!
Ngayon, habang ipinagdiriwang ang 77-taon ng Unibersal na Deklarasyon ng Karapatang Pantao (UDHR), pinagpupugayan natin ang pamana ng di mabilang na biktima ng paglabag sa kanilang karapatang-tao ng mga pwersa ng estado ng kasalukuyan at mga nagdaang rehimen sa ating bansa.
Nagpupugay tayo sa nabuwal na mga bayani ng mamamayang Pilipino—mga lumalaban sa kalayaan, aktibista, tagapagtanggol ng karapatang pantao, tagapagtaguyod ng karapatan sa kapaligiran, mga progresibo at makabayan. Lahat sila ay biktima ng sistematikong karahasan ng estado at buong giting na nag-alay ng kanilang buhay para makamit ang higit na makatarungan, malaya at demokratikong Pilipinas.
Pinagtibay ng United Nations General Assembly bilang Resolusyon 217 sa ikatlong sesyon noong Disyembre 10, 1948, binibigyan natin ng mataas na pagpapahalaga ang pagtataguyod sa UDHR bilang katangi-tanging dokumento sa kasaysayan ng karapatang pantao na nagkodigo sa pundamental na mga karapatan at kalayaan ng lahat ng indibidwal bilang pandaigdig na istandard para sa pagkakapantay-pantay at katarungan.
Hindi maaaring maliitin ang pangkasaysayang kabuluhan ng dokumentong ito sa konteksto ng pakikibaka ng mamamayan para sa maaliwalas na hinaharap ng lahat ng sangkatauhan. Sa harap ng nagbabalik na pasismo at pasisisasyon ng mga imperyalistang estado at mga kliyenteng bansa nito, kailangang itaas ng mamamayan ang pagmamatyag para ipagtanggol ang bawat naipagtagumpay nito sa marubdob na paghahanap ng katarungang panlipunan at paglaya. Sa mga abanteng kapitalistang estado gayundin sa mga kolonyal at neokolonyal na estado, ang banta ng lumalakas na awtoritaryan na mga hakbangin at ang pagdausdos ng mga liberal demokratikong prinsipyo tungo sa hayag na teror ay nag-udyok sa malaganap na protesta at popular na galit sa maraming panig ng mundo.
Sa Pilipinas, ang penomenon ng pasisisasyon ay hakbang-hakbang na lumakas sa loob ng maraming dekada nang itinatag ang mga papet na republika sapul 1945 at kaakibat ng transpormasyon ng lipunan sa neokolonyal at malapyudal na kasangkapan ng interes ng US. Ang pasisisasyong ito ay nagtatago sa likod ng liberal demokratikong bihis ng mga naghaharing rehimen. Ang kronikong krisis ng malakolonyal at malapyudal na Pilipinas ay nagbigay daan sa paglitaw ng awtoritaryan at pasistang mga rehimen–ang diktadurang US-Marcos noong 1972 at ang otokratiko at pasistang rehimeng Duterte noong 2016.
Sa ilalim diumano ng demokratikong republika, binihag ng dinastikong paghahari ng malalaking komprador at panginoong maylupa para sa kanilang sarili ang sistemang pampulitika at elektoral sa pamamagitan ng mga ahente nito—ang mga burukratang kapitalista. Kahit ang malakas na anti-pasistang sentimiyento na nangibabaw matapos pabagsakin ang diktadurang Marcos ng isang people power ay nabigong pigilan ang pag-akyat sa kapangyarihan ng bagong sabwatan ng mga pampulitikang dinastiya na ibinaon ang kanilang sarili sa bawat aspeto ng paggugubyerno at ibayong pinatatag ang kanilang hegemonya sa loob ng burukratang kapitalistang estado–para gawin itong sari-sariling kaharian para magpayaman.
Ang mga burukratang kapitalista, dahil sa kanilang pusisyon ng impluensya sa loob ng istruktura ng kapangyarihang pampulitika, ay umunlad sa isang natatanging uri, pailalim na gumapang sa saklaw ng interes ng malalaking negosyo, inangkin at pinalaki ang kayamanan at lupaing ari-arian sa pamamagitan ng maitim na pagpapakana, pang-aagaw ng lupa, paglalako ng impluensya, at maruming mga kasunduan. Ginamit nila ang kanilang pusisyon sa reaksyunaryong gobyerno para masolo ang mga kontrata at ariing kanila ang publikong yaman sa pamamagitan ng kickbacks. Pinananatili nila ang mga sarili sa kapangyarihan at binabalot ang mga sarili ng mga batas para protektahan ang interes sa politika at ekonomiya ng uring malalaking kumprador at panginoong maylupa.
Ang burukrata-kapitalismo ang baseng panlipunan ng pasismo. Sa pamamagitan ng kontra-mamamayan at anti-demokratikong mga lehislasyon, sinupil at pinagsamantalahan nila ang mamamayan. Binalangkas nila ang mga panloob na batas bilang anti-terorismo at anti-insurhensyang lehislasyon hindi lamang para gapiin at durugin ang armadong kilusang rebolusyonaryo kundi upang supilin ang mga lehitimong kilusan ng mamamayan at mga pagtutol. Tuloy-tuloy na pinalalaki, pinalalakas at binubusog nila ang papet at mersenaryong AFP-PNP bilang pangunahing instrumento ng kanilang paniniil.
Kapag ang naghaharing estado ay ginawang sandata ang panloob na mga batas at hinulma ito sa kontra-terorismong lehislasyon tulad ng Terrorism Financing Prevention Act ng 2012 at Anti-Terrorism Act ng 2020, mabubuksan ang lahat ng harang para sa walang pakundangang paglabag sa karapatang pampulitika at sibil ng mamamayan. Tulad ng mga kontra-insurhensyang lehislasyon, ang mga lehitimong tumututol ay kinukulumpol sa mga rebolusyonaryo at gerilya bilang “kaaway ng estado” nang walang pagsasaalang-alang sa mga internasyunal na batas at IHL.
Binibigyan ito ng ligal na dahilan para usigin, ikulong, patayin at pinsalain ang mga tagapagtanggol ng karapatang pantao, aktibista, tagapagtaguyod ng kapayapaan at mga manggagawa sa kawanggawa at pinipigilan ang pagpopondo sa mga operasyong pangkawanggawa. Binibigyan nito ang reaksyunaryong gobyerno ng napakalaking kapangyarihan na magsagawa ng sarbeylans, pag-freeze at pagkumpiska sa ari-arian, mang-aresto at magdetine nang walang mandamiyento, at tatakang “terorista” ang mga indibidwal at organisasyon nang walang karampatang proseso at epektibong remedyo. Sa pagturing sa kanilang “terorista” at banta sa pambansang seguridad, nagiging target sila ng likidasyon at pagdukot.
Ang burukrata-kapitalistang estado at gobyerno ay humantong na sa sukdulan ng pagkabulok na nabubuhay na lamang ito sa korapsyon at pagnanakaw sa kapinsalaan ng masa ng mga manggagawa at malaproleyaryado, magsasaka, kabataan at estudyante, kababaihan, guro, migranteng manggagawa, propesyunal na pangkalusugan, maliliit na kawani at iba pang sektor ng petiburgesyang lungsod.
Ang pagsisiwalat ng malawakang korapsyon sa peke at depektibong mga flood control projects na nagkakahalaga ng bilyon-bilyon hanggang ilang trilyong piso ng mga kikbak at kurakot na napupunta sa pribadong mga akawnt ng matataas na opisyal ng gobyerno, mga pribadong kontraktor at inhinyero ng DPWH ay naglantad sa malawak na network ng nag-uugnayang mga sindikanto ng mga senador, kongresista, mga kalihim at pangalawang kalihim ng mga dapartamento kabilang ang mga susing opisyal ng Malakanyang at ng mismong pamilya ni Marcos Jr.
Ang sistematikong pangungulimbat at pandarambong ng pera ng mamamayan, ang magarbong pamumuhay ng mga pamilya ng mga mandarambong, at ang walang kahihiyang impyunidad sa pagwaldas sa pera ng bayan ay pumukaw sa galit at pambansang kondemnasyon. Inihayag ng mamamayan ang kanilang galit sa malalaking protesta na humihiling ng hustisya at pananagutan. Nanawagan silang itakwil ang burukrata-kapitalismo at hiniling nila ang radikal na pagbabago sa bulok na sistema.
Ang korapsyon at ang garapal at walang kahihiyan na pangungulimbat sa kaban ng bayan ay naging malawakan, karaniwan at sistemiko na ibayong naghubad sa burukrata-kapatalismo—kapwa ng estado at gobyerno—bilang nabubulok na parasitikong sistema, bulok sa kaibuturan at wala nang anumang pag-asang mailigtas. Pinagkait sa mamamayan ang kanilang batayang karapatang pantao kabilang ang mga karapatan sa pulitika, ekonomya, kagalingan, pangkapaligiran, at pangkultura dahil sa pagnakaw sa trilyong pisong salapi na dapat sana mapunta sa serbisyong panlipunan (kalusugan, edukasyon, pabahay, tubig at sanitasyon, elektrisidad, at iba pa) at mga programang pangkabuhayan.
Ang natuklasang malawakang korapsyon ay isang panlipunang time bomb na nakahandang sumabog anumang oras. Testamento ito ng kung gaano kalubha ang sakit na tumama sa naghaharing sistema na walang anumang reporma ang magliligtas dito sa pagkakawarat-warat. Napakakaraniwan ng korapsyon na tumagos na ito sa lahat ng aspeto ng sistema. Ang tanging magwawakas sa sistemang batbat ng korapsyon ay ang rebolusyonaryong aksyon ng mamamayan—ang demokratikong rebolusyon ng bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan sa kanayunan at mga rebolusyunaryong pakikibaka ng mamamayan sa kalunsuran. Sa matagumpay lamang na rebolusyon sa buong bayan matutupad ang hangarin ng sambayanang Pilipino na makamtan ang pambansa at demokratikong aspirasyon ng mamamayan para sa isang makatarungan, malaya, demokratiko at maunlad na bansang Pilipinas.