Pahayag

Ipagtanggol ang Karapatan ng Manggagawa, Ilantad ang Bulok na Sistema, Itakwil ang Eleksyon ng mga Elitista!

,

Ngayong Araw ng Paggawa, ang Christians for National Liberation (CNL) ay nakikiisa sa militanteng pagkilos ng uring manggagawa at sambayanang inaapi sa Pilipinas. Sa bawat panawagan para sa makatarungang sahod, regular na trabaho, at dignidad, kasabay nating sinasambit: Wakasan ang pagsasamantala! Paglingkuran ang masa!

Patuloy ang malawakang kontraktwalisasyon. Hindi sapat ang sahod para sa araw-araw na pangangailangan. Ang karapatan sa pag-uunyon ay sinasagkaan sa pamamagitan ng red-tagging, pananakot, at pamamaslang. Sa ilalim ng kasalukuyang rehimen, batas anti-terorismo ang ginagamit laban sa mga manggagawa, hindi laban sa tunay na teroristang naghahari sa lipunan—ang mga ganid na naghaharing-uri.

Ang mga ito ay hindi aksidente—ito ay bunga ng bulok at mapagsamantalang sistemang semi-pyudal at semi-kolonyal, pinapangalagaan ng mga panginoong maylupa, dayuhang kapangyarihan, at mga burukrata kapitalista.

Habang papalapit ang halalan sa 2025, muling isinusubo sa atin ang parehong mga pangalan at pangakong walang laman. Dinastiya, trapo, at pekeng partylist—lahat iisa ang layunin: panatilihin ang paghahari ng iilan.

Hindi eleksyon ang sagot. Hindi boto sa sistemang bulok ang maghahatid ng tunay na pagbabago. Ang tanging daan ay kilusang masa—ang sama-samang pagkilos ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, at maralita.

Ang tunay na pananampalataya ay hindi bulag na dasal kundi tapang na kumilos. Hindi pinili ni Kristo ang palasyo kundi ang lansangan. Hindi siya kumampi sa may kapangyarihan kundi sa mga inapi. At gaya Niya, tayo’y tinatawagan: tumindig, lumaban, maglingkod sa bayan.

Sumama sa pagkilos ng mga manggagawa.

  • Suportahan ang welga, kampanya sa lupa, at panawagan para sa tunay na reporma.
  • Ilantad at labanan ang mga kandidatong nagsisilbi sa pyudalismo, imperyalismo, at burukratang kapitalismo.
  • Itaguyod ang pambansa-demokratikong pakikibaka para sa kalayaan at hustisya.

Sabi sa sulat ni Santiago: “Ang pananampalatayang walang gawa ay patay.” Kaya’t mamuhay tayo sa pananampalatayang may aksyon—para sa bayan, para sa mahirap, para sa Diyos ng Katarungan.

Sa Araw ng Paggawa, ipinapahayag natin:
Babangon ang manggagawa.
Lalakas ang kilusang masa.
Bubuwagin ang sistemang mapang-api.

Mabuhay ang uring manggagawa!

Makibaka, huwag matakot!

Paglingkuran ang Sambayanan!

Ipagtanggol ang Karapatan ng Manggagawa, Ilantad ang Bulok na Sistema, Itakwil ang Eleksyon ng mga Elitista!