Ipagtanggol ang mamamayan at kabundukan ng Lobo mula sa mapaminsalang proyektong mina ng Bluebird Ventures Incorporated
Nagkukumahog ngayon ang pasista at maka-dayuhang rehimeng US-Marcos II sa paghahawan ng daan para sa ganap na operasyon ng malakihan at mapangwasak na proyektong pagmimina sa bayan ng Lobo, Batangas.
Hindi pa man gasinong nagtatagal na nakaluklok sa estado poder ang ilehitimong pangulo na si Bongbong Marcos, inuna na nitong basbasan ang mga dayuhang kumpanyang nagnanais dambungin ang likas yaman ng ating bansa. Setyembre 2022, buong pagyayabang na ipinagbida ng dayuhang kumpanyang Bluebird Ventures Incorporated ang muling pag-apruba ng bagong luklok na rehimen sa minsan nang tinutulan ng mga mamamayan na dayuhang proyektong pagmimina ng ginto sa bayan ng Lobo. Ayon sa Bluebird, sa ilalim ng bagong rehimen, nakuha nila ang pinaka-hahangad nilang basbas upang minahin nang tuluyan ang napaka-laking yamang ginto ng lalawigan. Wala na anilang makakapigil pa lalo’t muling binasbasan ng rehimeng Marcos at maging ng mga lokal na opisyales ng Batangas ang panibagong dalawang taon para tapusin at kumpletuhin ng kumpanya ang mga natitirang pag-aaral at paghahanda para sa ganap na operasyon ng mina sa Lobo.
Pebrero 2023, inianunsyo ng Bluebird Ventures Incorporated ang joint venture o pakikipagtuwang nito sa lokal na kumpanyang Alpha Diggers’ Incorporated na siyang mangangasiwa naman sa mga konstruksyong kakailanganin para sa operasyon ng mina.
Hunyo 2023, iniratsada na ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang pag-isyu ng permit upang ganap nang mailarga ng Bluebird Ventures Incorporated ang dalawang taong community development plan nito sa mga komunidad na sasaklawin ng kanilang pagmimina ng ginto. Katatangian ito ng mga aktibidad at proyektong naglalayong linlangin ang mga residente sa mga baryong tatamaan ng mina upang pigilan ang anumang pagtutol sa proyekto.
Kaalinsabay nito, ginagamit ngayon ng pasistang rehimeng US-Marcos II at ng mga ganid na kumpanyang tulad ng Bluebird Ventures Incorporated ang berdugong Armed Forces of the Philippines (AFP) upang alisin ang lahat ng posibleng balakid sa kanilang maitim na hangarin para sa mamamayan ng Batangas.
Mula Enero 2022, idineploy ng AFP ang pasistang tropa ng 59th Infantry Battalion sa Batangas upang manghalihaw sa pamayanan at maghasik ng takot sa mamamayan sa layuning supilin ang lahat ng anyo ng paglaban sa mga mapangwasak at mapaminsalang proyekto at programa ng estado at naghaharing uri.
Mula Enero 2023 hanggang kasalukuyan, maramihan at matagalang sinusuyod ng pinagsanib-sanib na puwersa ng 59th Infantry Batallion Philippine Army, PNP-SWAT katuwang ang mga puwersa ng CAFGU at SCAA ang buong kabundukan ng Lobo, pangunahin ang mga baryong target ng pagmimina mula Biga, Balibago, Apar, Jaybanga, Nagtoctoc, Nagtaluntong, Sawang, Soloc, Malabrigo, Mabilog na Bondoc, Bignay, Pinaghawanan, Calumpit, Calo, Malalim na Sanog at Malapad na Parang. Walang patlang ang mga inilulunsad na operasyong militar sa mga naturang lugar at sinusuyod ang kasuluk-sulukang bahagi ng mga kagubatan sa tabing ng diumano ay paghahanap at layong pagdurog sa NPA. Maya’t maya din ang palipad ng drone sa mga kabundukan hanggang sa kahabaan ng highway at mga tabing dagat. Labis na takot, pangamba at perwisyo sa masa ang idinudulot ng mga operasyong militar na ito. Pero ang totoo, ang mga operasyong ito ay nagsisilbi nang paunang clearing para sa ganap na pagratsadang muli ng operasyong pagmimina sa bayan ng Lobo.
Pinapalaki at ginagawang panakot ng rehimeng US-Marcos II, ng AFP at ng pamahalaang panlalawigan ng Batangas ang diumano’y presensya ng NPA upang bigyang katwiran ang malaya nilang paghalihaw sa mga kagubatan at ang pagbabawal sa mga taong umahon sa kabundukan sa panahon ng mga operasyon upang maikubli sa tao ang mga susunod nilang ilulunsad na mga aktibidad para sa pagtutuloy ng mina. Katunayan, noong Enero 2023, nagpakana pa ang 59th IB PA ng pekeng labanan sa Jaybanga, Lobo upang maging tuntungan ng gagawin nilang pagsuyod sa mga kabundukan ng Lobo. Sa inilunsad nilang operasyon sa Brgy. Balibago na tumagal mula Mayo hanggang Agosto, sinalaula ng mga kasundaluhan ang dinadayo ng mga turista na NALAYAG MONOLITH sa pamamagitan ng pag-vandalize dito na pinagmistulang NPA ang gumawa upang takutin ang mga turista at mabigyang katwiran ang mahabang panahong pagpapasara nito. Pero ang totoo, sadyang nais nilang ipasara ang Mt. Nalayag dahil isa ito sa mga sentrong sasaklawin ng proyektong mina sa lugar.
Habang atrasado at naghihikahos ang kabuhayan ng nasa 41, 000 mamamayan ng Lobo, pinaglalawayan ng mga dayuhang kumpanyang tulad ng Bluebird Ventures Incorporated, isang Canadian-based mining company, ang humigit kumulang 440, 000 ounces o katumbas ng 12.47 tonelada ng purong ginto na matatagpuan sa kabundukan ng Lobo! Hindi pa kasama dito ang halos katumbas ding dami ng mina ng tanso at pilak at ang mas malaking deposito pa ng ginto na posibleng makuha kapag pinasaklaw at pinatagal pa ang pagmimina sa lugar.
Higit kailanman, hinihingi ng ganitong mga kalagayan ang matapang na pagtindig at militanteng pagkakaisa at paglaban ng mamamayang Batangenyo.
Nananawagan ang Eduardo Dagli Command – New People’s Army (NPA) – Batangas sa lahat ng apektadong mamamayan ng Batangas na maagap na magbantay at aktibong manindigan laban sa mga nakaambang proyektong pipinsala sa ating buhay, karapatan, kabuhayan at kalikasan tulad ng mapangwasak at malakihang dayuhang pagmimina ng ginto na anumang oras ay magsisimula nang muli sa bayan ng Lobo.
Pinatunayan nang minsan ng ating karanasan na kapag nagsama-sama at matapang na nanindigan ang mamamayan, kaya nitong ipagtanggol at ipaglaban ang kanilang lupa, karapatan at kabuhayan.
Ngunit kaakibat nito, kakaharapin ng mamamayang Batangenyo ang mas masahol at walang katumbas sa nakaraan na bangis ng terorismo ng estado. Sa ilalim ng Anti-Terror Law na ipinakana ng pasistang rehimen, idineklara nitong terorista ang CPP-NPA-NDF dahil batid niya na tanging ito ang matibay na sandigan ng rebolusyonaryong paglaban at pagtatagumpay ng mamamayan. Hindi dapat mangimi, mag-alinlangan at matakot ang masang Batangenyo na tangkilikin, itaguyod at ibayong palakasin ang suporta sa New People’s Army (NPA) at sa mga rebolusyonaryong organisasyon sa ilalim ng National Democratic Front (NDFP) bilang pangunahing sandata ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa pagsasakatupran sa mga programa ng demokratikong rebolusyong bayan para tugunan ang tunay na kahingian at adhikain ng masang anakpawis.
Tanging sa pagpapalakas ng ugnayan at pagkakaisa ng masa, ng NPA at ng rebolusyonaryong kilusang pinamumuan ng PKP magagawa nating mabigo ang mga ganid na hangarin at pakana ng naghaharing uri sa ating lalawigan. Sa suporta at aktibong paglahok ng masang anakpawis sa digmang bayan, magagawa nating parusahan at pagbayarin ang mga dayuhang kumpanya at naghaharing-uri na sumasalanta sa ating buhay, kabuhayan at karapatan.
Kung titiklop tayo sa panunupil, hindi natin magagawang ipagtanggol ang kinabuksan ng ating mga anak na walang habas ngayong winawasak ng ganid at tampalasang estado sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II.
Nananawagan din ang Eduatdo Dagli Command sa lahat ng makabayang sundalo, pulis at maging mga lokal na CAFGU na maging kabahagi ng pagtatanggol sa ating lalawigan at mga kababayan laban sa dayuhang pandarambong at mapaminsalang mga programa ng estado at naghaharing uri. Naniniwala ang New People’s Army (NPA) – Batangas na bagamat nagseserbisyo at tumatanggap ng sahod mula sa reaksyunaryong gubyerno ang mga karaniwang sundalo, pulis at maging mga CAFGU, sila man ay nakakaranas ng matinding pagsasamantala bunsod ng mababang sahod, kawalan ng sapat na benepisyo, mataas na presyo ng mga bilihin at kawalan ng sariling lupa at tirahan dahil sa kabulukan ng sistema ng gubyerno habang ang kanilang mga opisyal ay naglulunoy sa sobra-sobrang pribilehiyo na ibinibigay ng rehimeng US-Marcos II upang mapanatili ang kanilang katapatan at maging aktibong instrumento sa panunupil sa karaniwang mamamayan.
Sa mga lokal na CAFGU ng Lobo at iba pang bayan, sa halip na magpabulag sa ga-baryang sahod at benepisyo habang pinapahirapan kayong magpauli-uli sa mga kabundukan at kagubatan, at ginagamit kayong paniktik laban sa mga rebolusyonaryong organisasyon ng mamamayan at sa NPA mismo, kayo man at ang inyong pamilya ay nakaamba ring maapektuhan at mawalan ng kinabukasan sa oras na magtagumpay ang mga dayuhang kumpanya na ituloy ang malakihang mapangwasak sa pagmimina sa ating lalawigan.
Bilang pagpapakita ng suporta sa adhikain ng inaaping sambayanan, tinatawagan namin kayo upang maramihang magbitiw sa serbisyo at sa halip ay pagyamanin at ipagtanggol ang ating lupa, o di kaya nama’y magpasibo o isabotahe ang mga di-makatwirang atas ng inyong mga opisyal at sa halip ay magbigay ng buong-buong suporta sa rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan sa pamamagitan ng impormasyon, rekurso at pagbabahagi ng inyong kaalaman at kasanayan.
Mamamayan ng Batangas: Sama-samang Ipagtanggol ang Kabundukan at Mamamayan ng Lobo laban sa Mapangwasak na Dayuhang Pagmimina ng Ginto!
Mag-aklas laban sa Lansakang Paglabag sa Karapatang Pantao ng 59th IB PA, AFP-PNP sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II!
Ipagtanggol ang Batangas laban sa dayuhang pandarambong sa ating likas yaman!
Ipagtanggol ang ating lupa at kabuhayan: Lumahok sa digmang bayan!
Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!