Ipokrito’t mapanlinlang ang tigmak-sa-dugong NTF-Elcac
Delusyonal ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) sa pagbintang ng kanilang imbing mga gawi at krimen sa pangalan ng Commmunist Party of the Philippines, New People’s Army at National Democratic Front of the Philippines. Kakatwang pangita na alarmado’t gigil na gigil ang NTF-Elcac sa kailan lang na inilabas ng Melito Glor Command-NPA-ST at NDFP-ST na wanted posters nina Gerald Mangao, Erick Simogan at Zena Punada Candelario. Ang mga ito ay napatunayang sagad-saring mga taksil sa bayan at rebolusyonaryong kilusan.
Nagngangangawa na naman ngayon si NTF-Elcac Director Ernesto Torres Jr. na “spy-tagging” ang paglalabas ng wanted poster gayong malinaw na ang mga ito ay aktibong nakikipagtulungan sa mga militar at sundalo para sa alwan ng kanilang mga buhay habang winawasak naman ang buhay ng mga inosenteng mamamayan. Pasintabi kay Torres pero nagkalat ang videos at pictures nila laluna nina Simogan at Candelario sa social media at official accounts ng mga yunit ng AFP sa Timog Katagalugan.
Bilang isang entidad ng lipunan na may sariling gubyerno at kinikilalang belligerent force kahit ng internasyunal na komunidad, saklaw ng paggugubyerno ng rebolusyonaryong kilusan ang pagsasagawa ng mga hakbangin upang protektahan ang mamamayan at mga alyadong organisasyon nito mula sa masasamang elementong dating rebolusyonaryo ngunit ngayon ay sagadsaring nagpapagamit bilang espiya, asset o sa pinakamasahol ay nagiging bahagi, opisyal at mouthpiece pa nga ng AFP-PNP at NTF-Elcac na bumubuga ng lason at kasinungalingan para ipahamak ang mamamayan sa anyo ng pagtuturo at pagdadamay ng mga walang kapasidad na lumaban.
Taliwas ito sa gawi ng reaksyunaryong Republika ng Pilipinas na walang pakundangang nandadamay ng tunay na mga inosente at labis-labis na lumalabag sa internasyunal na batas sa digma at karapatang tao.
Walang kredibilidad at karapatan ang NTF-Elcac at Armed Forces of the Philippines-Philippine National Police na magsalita hinggil sa pagtatanggol ng karapatang tao dahil sila mismo ang malawakang yumuyurak sa karapatang tao sa bansa. Napaka-ipokrito’t mapanlinlang ng mga ahensyang tigmak-sa-dugo ang mga kamay sa walang pangingiming pagpatay ng libu-libong sibilyan sa ngalan ng kontra-rebolusyonaryong gera. Inilulunsad nila ang overkill na pambobomba’t iniistraping ang kanayunan para “tugisin” ang maliliit na pormasyon ng NPA habang ipinapatak ang kanilang mga bomba at bala sa mga komunidad at lupang produktado ng mga magsasaka at katutubo. Nagdudulot ito ng matinding dislokasyon sa buhay at kabuhayan ng mamamayan habang tinatatakang mga NPA o supporter ng NPA ang buu-buong mga pamayanan, isinasailalim sa mga programang pasuko tulad ng E-CLIP at patugain ng mga impormasyong wala silang kinalaman. Binubugbog, tinatakot, iniinitimida, tinotortyur at dinudukot ang mga prominenteng lider ng mga organisasyong nagsusulong ng demokratikong karapatan ng mamamayan. Kahit yaong mga pinagkamalan lamang ay nirered-tag, tinatamnan ng ebidensya, hinahainan ng mga blangkong warrant of arrest at gawa-gawang mga kaso para bigyang matwid ang iligal na pagdetine o sa pinakamalala ay ang ekstrahudisyal na pamamaslang.
Naghahanap ang mga magsasaka, manggagawa at iba pang sektor ng tunay nilang kakampi sa kanilang mga laban para sa kabuhayan, lupa, kalayaan at kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlipunan. Hinding-hindi nila ito masumpungan sa presensya ng mga pulis at militar na nanggugulo sa kanilang mga komunidad. Batid nila ang lansa ng duguang kamay ng mga ahensya ng pasistang estadong pinamumunuan ni Marcos Jr. kaya tiyak ang NPA na maraming nagbubunying masa na pinerwisyo ng mga katulad nina Mangao, Simogan at Candelario sa mga wanted posters.
Ang pagbibigay-babala at paggagawad ng karampatang kaparusahan sa mga nagtaksil at sinumang nagpanganib sa buhay at kapakanan ng mamamayang magsasaka, manggagawa, kabataan, aktibista at iba pa ay bahagi ng tungkulin ng Gubyernong Bayan. Dahil sa pagkamakasarili, pagiging materyalistiko at mukhang pera, ibinenta ng mga ito ang masang anakpawis at nagpagamit sa mapaniil at pasistang estado. Liban sa kanila, hindi rin nalilimutan ng rebolusyonaryong kilusan at mamamayang api ang kaso ng lahat ng heneral, hepe at upisyal ng reaksyunaryong gubyernong may utang na dugo sa sambayanang api. Sa takdang panahon, aabutin kayo ng mahabang kamay ng rebolusyonaryong hustisya at sa panahong iyon, tinitiyak naming mananaig ang hustisyang nakabatay sa katotohanan at pumapanig sa sambayanang api’t pinagsasamantalahan.