Pahayag

Itaas ang diwang mapanlaban! Biguin ang panunugis ng AFP-PNP!

Pulang saludo ang ipinaaabot ng MGC-NPA-ST sa mga yunit ng NPA sa rehiyon na bumigo sa mga atake ng AFP nitong Pebrero. Pinakahuli ang inilunsad na taktikal na opensiba ng isang yunit ng NPA-Rizal noong Pebrero 17 at aktibong depensa ng isang yunit ng NPA-Mindoro noong Pebrero 19. Sa mga labanan, nagtamo ang pasistang tropa ng ‘di bababa sa apat na kaswalti (2 KIA at 2 WIA) at labis na pagkasiphayo dahil muli na naman silang natalo ng kanilang hinahamak na mga Pulang mandirigma. Sa isang banda, pinasuntok sa hangin ng BHB ang laking batalyong pasistang pwersa na ginamit na pwersang pang-operasyon ng 201st Ibde laban sa isang yunit ng BHB sa Quezon.

Ipinakita ng mga Pulang kumander at mandirigma ng Rizal at Mindoro ang mataas na diwang palaban sa mga naturang aksyong militar. Ang opensiba ng Narciso Antazo Aramil Command-NPA Rizal ay tugon sa ilang linggo nang panghahalihaw at paghahasik ng teror ng 80th IBPA sa mga bayan ng Rodriguez at Antipolo para bigyang seguridad ang proyektong Wawa-Tayabasan Transbasin Project sa lugar. Hayok ang mga pasistang tugisin ang Pulang hukbo sa paghahabol na kamtin ang naunsyaming target ng rehimen na ubusin ang NPA noong Disyembre 31, 2024. Ang matatagal at mapaminsala sa buhay at kabuhayang operasyong militar ng AFP ay tinutustusan ng pondong mas karapat-dapat ilaan sa pagsagip sa mga komunidad ngayong panahon ng tag-ulan at baha sa probinsya. Samutsaring paglabag sa karapatang-tao ang nagaganap sa kurso ng mga operasyon tulad ng paglilimita sa mobilidad ng mga residente, pagkontrol sa dami ng pagkaing pwedeng bilhin at iba’t ibang anyo ng intimidasyon at pagbabanta. Tiyak na ang TO ng NPA-Rizal ay magbibigay ng pag-asa at inspirasyon sa mamamayan upang labanan ang mga pasistang tropa.

Hindi rin matatawaran ang pagpupunyagi ng Lucio de Guzman Command-NPA-Mindoro na ipinakita ng tuluy-tuloy na gawaing pampulitika sa unang distrito ng Oriental Mindoro sa kabila ng masinsing operasyong militar dito. Dahil mulat sa panganib, laging handa ang NPA sa atake ng kaaway at nagagawang mapinsala ang hambog na 76th IB na matagal nang naghahari-harian sa lugar. Sa nagkakailang engkwentro mula noong Nobyembre 2024, umuuwing duguan at may pinsala ang mga pwersa ng AFP-PNP na siyang sumasalakay habang ligtas na nakakaatras ang NPA. Kinakanlong ng masang magsasaka ang mga Pulang mandirigma at pinasasalamatan sa pagtuturo ng leksyon sa mga pesteng militar.

Ang mga nagdaang labanan sa TK ay nagpapakitang higit pa sa sapat ang lakas at kapasyahan ng NPA na lumaban at biguin ang mga imbing pangarap ng rehimeng US-Marcos II na tapusin na ang CPP-NPA-NDFP. Hindi masasaid ang lakas ng NPA dahil nagmumula ito sa malawak na masang api’t pinagsasamantalahan na may malalim na hangaring umalpas mula sa dinaranas ngayon na walang kaparis na kahirapan at kaapihan. Ang mga magsasaka, manggagawa, kabataan at iba pang uri’t sektor ay patuloy na sumusuporta at sumasanib sa armadong pakikibaka, taliwas sa ipinapangalandakan ng rehimen. Malinaw sa mamamayan ang kawastuhan ng pagtangan ng armas dahil na rin sa matinding pasismo-terorismo ng estado na umaatake sa kanilang buhay at kabuhayan. Ganito ang kalagayan sa Rizal, kung saan mga tropang militar ang nagki-clearing at nagbabantay ng mga operasyong quarry ng mga PML-MBK, at sa Oriental Mindoro kung saan ipinapakat ang mga pwersa ng 203rd Brigade sa mga lugar na nakaambang pasukin ng malalaking proyektong enerhiya at mina.

Anuman ang batahing kahirapan at sakripisyo, mahigpit na hahawakan ng NPA ang sandata nito at puspusang isusulong ang digmang bayan. Patuloy na magsasanay, mag-aaral at magpapakatatag ang mga Pulang mandirigma upang tupdin ang tungkuling ipagtanggol ang bayan mula sa dayuhang paninibasib at ibagsak ang bulok na estadong malakolonyal at malapyudal. Sa tanglaw ng kilusang pagwawastong inilulunsad ng PKP sa buong bansa, ibayong lalakas ang NPA at magkakamit ng mas malalaking tagumpay ang rebolusyong Pilipino.

Itaas ang diwang mapanlaban! Biguin ang panunugis ng AFP-PNP!