Pahayag

Itakwil ang hatol na guilty sa Palawan 6! Palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal!

Mariing kinukundena ng NDF-Palawan ang paghahatol/conviction ng reaksyunaryong korte ng Pilipinas sa dalawang aktibista at kasama nilang mga magsasaka at mangingisda na tinaguriang Palawan 6, noo’y Palawan 7 bago pumanaw ang isa nilang kasamahan. Kabilang sa kanila sina Glendhyl Malabanan, dating secretary general ng KARAPATAN-ST, si Ronces Paragoso ng College Editors Guild of the Philippines, si Antonio Molina na pumanaw habang nakakulong noong Nobyembre 2021, at sina Jenny Ann Bautista, Joelito Tanilon, Bener Rimbuwan, at Awing Lumipat. Hinatulan silang guilty beyond reasonable doubt sa kasong illegal possession of firearms & explosives maliban kay Paragoso na hinatulan naman sa kasong rebelyon nitong Disyembre 13. Lahat sila ay may parusang reclusion perpetua o habambuhay na pagkabilanggo.

Inaresto ang Palawan 6 noong October 4, 2019 sa isang checkpoint sa Sityo Anilawan, Barangay Babuyan, Puerto Princesa City. Ayon sa KARAPATAN-ST, nanggaling sina Malabanan sa isang fact finding mission sa bayan ng Taytay matapos makatanggap ng reklamo sa ginagawang panghaharas ng mga militar sa ilalim ng Western Command ng AFP. Noon pa man ay malinaw nang iligal ang ginawang pag-aresto sa kanila dahil ang ginamit na arrest warrant ng mga humuli sa kanila ay nasa pangalan ng isang Domingo Ritas na itinuturo nilang si Molina. Kahit na paulit-ulit itong pinabulaanan ng mga biktima, abogado at mga kapamilya nila ay patuloy silang ipiniit. Sinampahan sila ng gawa-gawang kaso ng murder, rebellion at illegal possesion of firearms and explosives at pilit na pinaaaming mga kasapi ng Bienvenido Vallever Command-NPA Palawan. Kinokontra rin ng sagadsaring militar at pulis ang lahat ng pagsisikap para mapalaya ang Palawan 7.

Habang nakapiit, patuloy silang ginipit at pinagkaitan ng mga karapatan. Si Molina, na iginupo ng mga sakit na colon at prostate cancer ay pinagkaitan ng atensyong medikal sa kabila ng mga petisyong isinampa ng mga kaanak at ni Molina mismo na palayain siya sa batayang makatao para makapagpagamot. Nagkakailang beses din silang hinaras at pinagkakaitang makausap ng kanilang mga kapamilya at mga grupong sumusuporta sa kanila kahit sa mga panahon ng hearing ng kanilang kaso.

Muling pinatutunayan ng hindi makatarungang paghatol sa Palawan 6 ang labis na kabulukan at pagiging anti-mamamayan ng reaksyunaryong hustisya sa Pilipinas. Ang Palawan 7 ay dili’t iba sa kaso ng iba pang mga aktibista at masang iligal na inaresto at ikinulong dahil lamang sa kanilang hayag na pagtutol at paglaban sa mapang-aping estado. Napakalaking kabalintunaang ikinulong sila sa gawa-gawang kaso at mga kasalanang di naman nila ginawa habang ang mag-amang Rodrigo at Sara Duterte, na napatunayang mga magnanakaw ng kaban ng bayan at mamamatay-tao ay nananatiling malaya at nakapusisyon pa sa ikalawang pinakamataas na pusisyon sa reaksyunaryong gubyerno.

Dapat patuloy na lumaban ang Palawan 6, igiit ang kanilang paglaya at ipabasura ang mga gawa-gawang kaso isinampa laban sa kanila. Dapat suportahan ng mamamayang Palaweño ang pakikibaka ng Palawan 6 at ng iba pang detenidong pulitikal. Dapat nilang hamunin ang rehimeng US-Marcos II at ahente nito sa Palawan na pangkating Alvarez-Socrates na ipawalang-sala ang Palawan 6 sa mga gawa-gawang kaso at sa halip, isakdal at ikulong ang mga tunay na makasalanang mag-amang Duterte at mga kasapakat nila.

Sa kabilang banda, hindi dapat buong umasa ang taumbayan na makakamit ng Palawan 6 ang hustisya sa balangkas ng burges na korteng malinaw na anti-mamamayan at nagsisilbi sa interes ng naghaharing-uri at imperyalismo. Ang tunay na kalayaan at hustisyang panlipunan ay makakamit lamang ng mamamayan kung ito ay ipaglalaban hanggang maibagsak ang mapang-aping sistema.

Itakwil ang hatol na guilty sa Palawan 6! Palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal!