Itakwil ang pahirap, palpak, at anti-magsasakang rehimeng US-BBM!

Sinasaluduhan ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM) sa Lambak ng Cagayan ang buong sektor sa agrikultura hindi lamang sa Buwan ng mga Pesante kundi sa araw-araw nitong pagtitiyak na may pagkain sa mesa ang bawat pamilyang Pilipino. Pinagpupugayan din ng PKM ang mga magsasakang bayani at martir na buong pusong nag-alay ng kanilang buhay sa pagsusulong ng makauring digma.

Neoliberal na patakaran sa agrikultura at ekonomiya

Ngayong buwan ng Oktubre ang Buwan ng mga Pesante. Ito rin ang panahon ng anihan ng mais sa kalakhan ng Lambak ng Cagayan. Tulad ng kadalasang tagpo tuwing anihan, resibo na lang ang maiuuwi ng naluging magsasaka.

Sa halos ilang dekadang pagtatanim ng hybrid na mais, walang pag-unlad sa buhay at kabuhayan ng mga magsasaka. Lalo lamang silang nalubog sa utang bunga ng napakataas na interes ng mga bagong tipo ng panginoong may-lupa o komersyante-usurero. Dagdag pa ang napakamahal na farm inputs tulad ng abono, binhi, at pestisidyo.

Sa pagtatapos ng rehimeng US-Duterte at sa mga unang araw ni BBM sa poder, naitala ang pinakamataas na presyo ng abono (urea) na umabot sa mahigit P3,500. Patuloy ang pagsirit ng mga panganuhing bilihin tulad ng asukal, kape, itlog at de-lata bunsod ng di-maampat-ampat na pagtaas ng produktong petrolyo.

Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng pangunahing bilihin, patuloy naman na binabarat ang produkto ng mga magsasaka. Umabot sa P22/kilo ang presyo ng mais bago ang anihan na bigla ring bumaba tungong P18/kilo pagsapit ng anihan. Ganito rin ang kalagayan ng mga nagtatanim ng palay sa rehiyon.

Sa kabila ng kawalang suporta ni BBM sa mga magsasaka, himod-puwet naman ito sa dayuhang produkto sa ilalim ng neoliberal na patakaran. Lumala ang importasyon ng bigas, gulay at maging asukal na lalong nagpapahirap sa mga magsasaka.

Para sa PKM-CV, hindi lamang bingi at bulag si BBM. Daig pa nito ang inutil at walang silbi. Hindi maramdaman ng karamihan sa mga magsasaka ng rehiyon ang kakarampot na tulong ng pamahalaan sa panahon ng magkakasunod na bagyo mula kay Florita hanggang kay Neneng na nanalasa sa malaking bahagi ng Isabela at Cagayan.

Kawalan ng lupa at patuloy na pagkakait nito sa mga magsasaka

Lalong pinasasahol ang dustang kalagayan ng magsasaka sa Lambak ng Cagayan ng patuloy na pagkakait sa kanila ng lupa. Sa katunayan, 85 porsiyento ng kabuuang 30 milyong ektarya ng lupain ng Pilipinas ay potensyal na paunlarin para sa agrikultura. Sa kabila ng yaman ng ating lupain, nanatiling pito sa sampung magsasaka (70%) ang wala o kulang ang lupa.

Pinangangambahan na lalo pa itong tumaas dahil sa mga anti-mamamayang proyekto ng agresyong pangkaunlaran ng gobyerno. Napupunta ang malalawak na lupaing agrikultural at katubigan sa rehiyon sa pakinabang ng mga dayuhang negosyo kasabwat ang mga lokal na burukrata-kapitalista.

Kinokombert ang lupaing agrikultural tungong komersyal tulad ng ginagawang ekspansiyon ng Cagayan Economic Zone Authority (CEZA); malawakang pagpapatanim ng rubber tree at bamboo propagules sa mga bayan ng Cagayan; ekspansiyon ng tubó sa Isabela na pag-aari ng malaking burgesya at panginoong maylupang si Martin Lorenzo; malawakang pagmimina ng Oceana Gold Mining Company sa Nueva Vizcaya; at pagtatayo ng dam sa ilog ng Ilagin sa Isabela. Direkta nitong sinisira ang buhay ng mga magsasaka, ang kanilang komunidad, at kalikasan.

Habang uhaw na uhaw ang mga magsasaka sa tunay na reporma sa lupa, ibinubukas naman ng pamahalaan sa mga dayuhang negosyante ang bansa. Sa pahayag ni BBM sa New York, hinikayat niya ang mga dayuhang negosyante na maglagak ng puhunan sa Pilipinas. Buong kahibangan niyang sinabi na “walang dapat ikatakot ang mga dayuhang negosyante dahil protektado sila ng batas dito sa Pilipinas.”

Pasismo at tumitinding militarisasyon sa kanayunan

Ang kalunos-lunos na kalagayan ng masang magsasaka sa rehiyon ay pinasisidhi ng walang-puknat na terorismo ng mga tropa ng 5th IDPA. Martial Law sa kanayunan ang hatid ng kasundaluhan sa tabing ng Retooled Community Support Program (RCSP). Peke-pwersadong “pinagsurender” ang mga magsasakang nagsusulong ng kanilang mga demokratikong interes, nagtatakda ng mga curfew sa mga bukirin, nagfo-food blockade at animo’y hinahamlet ang mga residente. Liban pa ito sa perwisyo ng mga anti-sosyal na gawaing ipinapalaganap ng mga berdugong AFP. Hindi rin malilimutan ng mga magsasaka at mga minoryang Agay ang pambobomba ng Philippine Air Force na agad pumatay sa pitong Agay (Aeta) na kumukuha ng ubod ng uway para may ipakain sa kanilang pamilya.

Walang pinag-iba ang Rehimeng US-Marcos II sa mga nagdaang rehimen. Tulad ng kanyang amang diktador na si Ferdinand Marcos Sr. at ng sinundan nitong si Rodrigo Duterte, si Bongbong Marcos ay kapwa anti-mamamayan, utak-pulbura, at masugid na tuta ng imperyalismo.

Ang nagnanaknak na krisis ng malakolonyal at malapyudal at pagtalikod ng pamahalaan sa interes ng masang magsasaka ay magsisilbing titis na magpapaalab sa nagngangalit na masang binubusabos ng lipunang batbat ng pang-aapi at pagsasamantala.
Malinaw ang turo sa atin ng kasaysayan na hanggat ang malalawak na lupaing agrikultural ay kontrol ng panginoong maylupa at nakasandig ang estado sa dayuhang patakaran sa dikta ng imperyalismo sa tulong ng mga tutang burukrata, walang maaasahang makabuluhang pagbabago lalo na dito sa Lambak ng Cagayan.

Tanging sa pamamagitan ng militanteng pagkilos at paglahok ng uring magsasaka sa digmang bayan, hanggang sa pananagumpay nito ganap na mapapalaya ang sarili mula sa daan-daang taong pagkakaalipin at makakamit ang tunay na pagbabagong panlipunan.

Wala nang mas huhusay pang porma ng paggunita sa Buwan ng mga Pesante kung hindi ang pagsulong ng laban ng mga magsasaka at pag-uugnay nito sa armadong pakikibaka. Magsasaka, dinggin ang panaghoy sa kaparangan at kabundukan; sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

MABUHAY ANG URING MAGSASAKA!

MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN!

MABUHAY ANG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS!

MABUHAY ANG PAMBANSANG NAGKAKAISANG PRENTE!

Itakwil ang pahirap, palpak, at anti-magsasakang rehimeng US-BBM!