Itanghal ang 52 taong tagumpay ng NDFP! Isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon para sa tunay na pagbabago!
Ngayong araw, ang rebolusyonaryong pwersa at masang Ilokano ay buong galak at lipos ng determinasyon na nakikipagdiwang sa 52 taong anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Nagdiriwang tayo sa 52 taong tagumpay ng ating pagpupunyagi sa pagsusulong ng pakikibaka para sa pambansang demokrasya at kalayaan ng sambayanang Pilipino. Ipinagdiriwang natin ang di natitinag na dedikasyon ng NDFP sa pagsisilbi sa bayan, at muli tayong nagpapatibay ng paninindigan na isulong ang armadong rebolusyon para sa tunay na pagbabago.
Sa 52 taong pakikibaka ay nagbuwis ang NDFP ng libo-libong rebolusyonaryong martir na nag-alay ng pinakamabibigat na sakripisyo para sa pagtataguyod ng digmang bayan at demokratikong pakikibaka para sa inaapi at pinagsasamantalahang mamamayang Pilipino. Iginagawad natin ang pinakamataas na pagpupugay sa kanila, ipinagdiriwang natin ang kanilang dakilang buhay at pakikibaka kung saan tayo humahalaw ng inspirasyon sa pagpupunyagi sa mahirap na armadong rebolusyon.
Ang pagkakatatag ng NDFP noong Abril 24, 1973 ay isang dakilang tagumpay ng bagong demokratikong rebolusyon ng mamamayang Pilipino. Sa pamamagitan ng NDFP ay nabuo ang pampulitikang kapangyarihan ng mga pinagsasamantalahan at inaaping uri ng lipunang Pilipino. Pangunahing pinagsanib ang pwersa ng pinakamalaki at namumunong pwersa ng rebolusyon – ang uring mangsasaka at manggagawa. Hinamig ang panggitnang uri at ang naliliwanagang seksyon ng naghaharing-uri upang sumanib sa demokratikong rebolusyon ng bayan. Ang rebolusyonaryong nagkakaisang prente na ito ang magbabagsak sa pampulitikang kapangyarihan ng naghaharing-uri ng malalaking panginoong maylupa, malalaking burges kumprador at imperyalista at itatayo ang bagong estado ng inaaping uri sa pamamagitan ng armadong pakikibaka.
Sa NDFP ay natipon ang iba’t ibang rebolusyonaryong organisasyon na ibinunsod ng First Quarter Storm (FQS) at sinupil ng Martial Law ng diktador na Ferdinand Marcos Sr. Binigkis nito ang mga rebolusyonaryong organisasyon ng mga magsasaka, manggagawa, kabataan, kababaihan, simbahan, panggitnang uri at iba pang rebolusyonaryong organisasyon, kabilang ang New People’s Army (NPA).
Ang rebolusyonaryong nagkakaisang prente sa Ilocos ay nagkahugis sa paglulunsad ng anti-pyudal na pakikibaka ng magsasaka na naglatag sa digmang bayan noong 1970s sa rehiyon. Ang pakikibakang magsasaka na ito ay masugid na itinaguyod ng mga pwersa ng simbahan sa pangunguna nina Fr. Zacharias Agatep at Alfredo Cesar na nagbunsod ng pagkakatatag ng unang platun ng NPA. Kasama ang iba pang mga pwersa ng panggitnang uri kagaya ng mga guro, masikhay nilang minulat, inorganisa at pinakilos ang magsasaka upang labanan ang mataas na upa sa lupa at usura ng mga panginoong maylupa. Ang mga kabataang-estudyanteng lumahok sa FQS ay nagtungo sa kanayunan ng Ilocos upang tumulong sa paglatag ng armadong pakikibaka gayundin ng demokratikong pakikibaka sa mga sentrong bayan ng rehiyon. Ang kilusang ito ay sinuwag ng pasismo ng unang rehimeng Marcos na lalong nagpaliyab at nagpalawak sa rebolusyonaryong pakikibaka sa rehiyon.
Nabigo ang diktadurang Marcos sa plano nitong pigtasin ang bubot ng rebolusyon sa Ilocos. Sa halip ay naparami ang mga yunit ng NPA, napalawak ang mga larangang gerilya at tumaas ang antas ng armadong pakikibaka sa matatagumpay na taktikal na opensiba at mga aksyong pamamarusa sa mga ahente ng kaaway kabilang ang despotikong panginoong maylupa. Lalo pang sumigla at lumaganap ang pakikibakang magsasaka at umani ng mga tagumpay sa pagpapababa sa interes ng pautang at upa sa lupa, pagpapataas sa sahod ng manggagawang bukid, pagpapataas sa presyo ng tabako at iba pang produktong bukid at laban sa iba pang uri ng pagsasamantala ng mga panginoong maylupa at komersyante-usurero sa magsasaka. Napasigla ang pakikibaka ng mangingisda laban sa mga malalaking kapitalista ng Lingayen Gulf. Napalawak at napahigpit ang alyansa ng magsasaka, mangingisda, manggagawa, pambansang minorya, kabataan-estudyante, simbahan, kaguruan, mga naliliwanagang upisyal at empleyado ng gubyerno at iba pang panggitnang pwersa laban sa militarisasyon at paglabag sa karapatang pantao, laban sa mapanirang mga proyektong enerhiya at pagmimina, laban sa pulitkal na dinastiya at korapsyon.
Sa mga pakikibakang ito ay naitayo at napalawak sa libo-libo ang kasapian at mga aktibista ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid (PKM), Kabataang Makabayan (KM) at Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA). Naitayo ang mga selula ng NDFP sa hanay ng mga mayamang magsasaka, mga komite ng Katipunan ng Gurong Makabayan (KAGUMA) at balangay ng Christians for National Liberation (CNL). Napasuporta din sa rebolusyon ang maraming Ilokanong manggagawa sa ibayong-dagat, mga maliliit na negosyante, naliliwanagang upisyal at empleyado ng gubyerno, abugado, propesyunal at manggagawa sa kalusugan.
Sa mahigit limang dekada ng pakikibaka ay matatag at malalim na naipundar ang NDFP sa Ilocos. Ang naabot nitong lawak at tibay ng pagkakaugat sa masang anakpawis at iba pang pinagsasamantalahang mamamayan sa rehiyon ay hindi na kayang bunutin at durugin ng pasistang estado. Ipinatupad ng NPA papel nito bilang armadong pwersang tagapagtanggol sa mamamayan kung kaya’t tinatamasa nito ang malawak, malalim at mahigpit na suporta ng masa na hindi na kayang agawin ng kaaway. Ang masa ay nagtamo ng mga pang-ekonomiya at pampulitikang tagumpay sa kanilang mga pakikibaka at napatunayan nilang sa kanilang rebolusyonarong pagkakaisa ay nakamit ang mga ito kung kaya’t hindi na sila basta-basta mabubuwag.
Ang mamamayang Ilokano ay kabilang sa mayorya ng mamamayang Pilipino na patuloy na dumadausdos ang kabuhayan dulot ng paglala ng malapyudal na katangian ng ekonomiyang nagsisilbi sa dayuhang monopolyo kapitalista, malalaking burges-kumprador at panginoong maylupa. Nagpapatuloy at lumalala ang iba’t ibang porma ng pagsasamantala ng mga panginoong maylupa at komersyante-usurero sa magsasaka, habang pinalalala ang batayang suliranin sa kawalan ng lupa sa pang-aagaw ng mga malalaking negosyante sa kanilang lupain at ansestral na teritoryo. Kasabay nito ay umiigting ang pagsikil sa kanilang demokratikong karapatan sa pakikibaka para sa kanilang kagalingan at kalayaan.
Pinagtitibay ng rehimeng Marcos II ang pagiging malakolonya ng Pilipinas sa tahasang pagpapagamit sa bansa bilang bilang base militar ng imperyalistang US sa inuudyok nitong inter-imperyalistang gera at pakay nitong pagharian ang Asia. Kabilang ang Ilocos sa mga ipinamigay ng rehimeng Marcos sa imperyalistang US na ginagamit ngayong base militar nito.
Ang magaganap na halalan sa Mayo ay paraan upang lalo pang pagtibayin ang paghahari ng reaksyunaryong uri. Ang kabulukan ng reaksyunaryong pulitika sa bansa ay muling tumitingkad ngayon sa pamamayani ng mga pulitikal na dinastiya. Tampok na tampok ito sa Ilocos, na pinaghaharian ng mga pinakamatatagal at pinakaburukratikong dinastiya ng bansa na kinabibilangan ng mga Marcos, Ortega at Singson. Ang masang magsasaka, manggagawa, mga maralita at iba pang demokratikong sektor ay nakikipagtagisan ngayon upang makakuha ng representasyon sa senado at kongreso, pero sinisikap din ng naghaharing-uri na sila ay hindi makapwesto sa pamamagitan ng pagpapapakat ng pinakamadadayang iskema kagaya ng pagpapatakbo ng mga pekeng partylist, kampanyang paninira at pandarahas sa mga kandidato at lehitimong partylist ng mga marginalized at inaasahang manipulasyon sa resulta ng botohan.
Sa nakaraang mga eleksyon ay nakapagpanalo ang demokratikong kilusan ng ilan sa kanilang mga kinatawan sa Kongreso na masugid na nagsulong ng mga batas at programa para sa kagalingan ng masa, subalit pilit pa rin silang sinisikil ng kaaway sa pamamagitan ng panggigipit, paninira at manipulasyon upang harangin ang kanilang mga panukalang batas.
Magsisikap pa ring makibaka ang mamamayan sa eleksyong ito at ibabandera ang mga programa para sa tunay na pagbabago. Subalit hanggat ang lipunan ay saklot ng imperyalismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo, hindi tayo aasa na ang mga eleksyong magaganap sa bansa ay maghahatid ng tunay na pagbabago at ganap na kaginhawaan sa kabuhayan ng mamamayan.
Rebolusyon ang tanging paraan sa pagtamo ng tunay na pagbabago. Ang tunay na pagbabago na hinahangad ng inaapi at pinagsasamantalahang mamamayang Pilipino ay makakamit lamang sa kanilang pagtatatag ng sariling kapangyarihang pampulitika sa pamamagitan ng armadong rebolusyon.
Sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan, nakapunla na sa maraming bahagi ng bansa ang mga binhi ng Demokratikong Gubyerno ng Bayan. Umiiral ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika ng mamamayan sa anyo ng mga rebolusyonaryong organisasyon ng masa at kanilang alyansa sa NDFP, ang hukbong bayan—ang NPA at ang kanilang partido—ang Communist Party of the Philippines. Sa buong bansa, libo-libo na ang mga umiiral na rebolusyonaryong konseho ng barangay, na naitayo sa malinis na eleksyon ng mamamayan.
Nagpapatupad ang mga organo ng kapangyarihang pampulitikang ito ng agraryong rebolusyon upang kamtin ng hakbang-hakbang ang tunay na reporma sa lupa. Ipinapatupad ang mga programa para sa kalusugan, edukasyon, pangangalaga sa kalikasan, pagpapaunlad ng produksyon at pagsisilbi ng rebolusyonaryong hustisya. Pinatutunayan nito na may kakayanan ang masang dukha at inaapi na magtayo ng sariling gubyerno na mula sa antas barangay at mga munisipalidad ay maitatayo nila ang Demokratikong Republika ng Pilipinas sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan.
Higit kailanman, ang pananagumpay ng demokratikong rebolusyon ng nagkakaisang prente ng uring pinagsasamantalahan at inaapi ang mapagpasyang magbubunsod ng tunay na pagbabago sa lipunan. Sa malakolonyal at malapyudal na lipunan, hindi ang reaksyunaryong eleksyon ang hahalawan ng masa ng pag-asa, kundi sa pagbuwag sa buong istruktura nito upang maipatupad ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon na magwawakas sa nagpapatuloy at tumitinding krisis at maghahatid ng kaginhawaan sa buhay ng mamamayan.
Sa Ilocos, bigo ang kaaway na buwagin ang rebolusyonaryong nagkakaisang prente ng mamamayan. Ang mga rebolusyonaryong organisasyon ng masa, ang Pulang hukbo at ang Partido ay nagsusumikap na pangibabawan ang mga epekto ng pananalasa ng kaaway. Patuloy na nagpapalawak at nagrerekober ng rebolusyonaryong base, nagpapatupad ng agraryong rebolusyon, nagsusulong ng armado at demokratikong pakikibaka ng masa. Patuloy na pinalalago ang mga binhi ng demokratikong gubyernong bayan.
Sa ika-52 anibersaryo ng NDFP, ang rebolusyonaryong pwersa at mamamayang Ilokano ay nakatuon sa pagtatanggol at pagsusulong pa ng mga tagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan.
Itanghal ang mga tagumpay at sumulong! Mabuhay ang NDFP! Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!