Itanghal ang dakilang pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas! Palakasin ang Partido at malalim na umugat sa masa! Magpunyagi sa landas ng digmang bayan!
Militanteng pagbati ang ipinapaabot ng Narciso Antazo Aramil Command-NPA-Rizal sa ika-57 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas. Ang pamumuno nito sa BHB ang patuloy na nagsilbing gabay sa matatag na pagsusulong ng digmang bayan sa Rizal at sa buong bansa.
Sa okasyong ito, binibigay natin ang pinakamataas na pagpupugay at Pulang saludo kay Jordan “Ka SY/Atoy/Boyong” Mopon, magiting na Rizaleño at Pulang kumander ng hukbong bayan sa Rizal at Timog Katagalugan. Gayundin kina Willy “Ka Km” Agudez, at Susan “Ka Donna” Ritual. Aalingawngaw ang kanilang pangalan sa Sierra Madre ilang dekada man ang lumipas dahil sa kanilang mga ambag at sa pagmamahal ng mamamayan sa kanila bilang Komunista na nagtanggol at nagsulong ng kanilang interes. Inspirasyon sila at ang kanilang dakilang mga ambag sa mga rebolusyonaryo at masang magsasaka at kabataan sa Rizal na patuloy na inaapi at pinagsasamantalahan sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na sistema.
Lalong tumingkad sa nagdaang taon ang sumasahol na krisis sa ekonomya at pulitika para sa mga Rizaleño. Inaalisan ng hanapbuhay sa pagtatanim ang mga magsasaka at katutubo sa Montalban, Antipolo at San Mateo dulot ng mga proyekto sa “renewable energy”, pagtatayo ng mapaminsalang Wawa Dam, at mga programang kontra-magsasaka. Sa kanayunan at kalunsuran, ipinagkakait sa mamamayan ang lupang taniman at tirahan at kumakaharap sila sa banta ng pagpapalayas ng mga debeloper tulad ng Sta. Lucia Corporation. Sari-saring maliitang trabaho ang pinapasukan nila upang sumapat ang kanilang kita sa hindi maawat na pagtaas na presyo ng mga bilihin. Pinalalala pa ng mga pulitiko ang ganitong kahirapan ng kanilang korapsyon sa halip na magsilbing haligi na maglilingkod sa tunay na interes ng mamamayan.
Samantala, sustinido at todo-todong pagmamanman, harasment, red-tagging, iligal na pag-aresto at iba pang paglabag sa karapatang-tao ang isinasagawa ng mga elemento ng NTF-ELCAC, 80th IB, 2nd ID, at PNP-Rizal sa mga aktibista at karaniwang mamamayan na naghahangad ng lehitimong pagbabago ng kalagayang ito. Paulit-ulit at lumalala ang mga karanasan ng mamamayan sa Taytay, Montalban, Antipolo, Tanay, at iba pang bahagi ng Rizal. Mga pakana ito para patuloy na maghasik ng takot sa hanay ng mamamayan upang hadlangan ang kanilang paglaban.
Ilan lamang ito sa mga batayan ng masang Rizaleño para magrebolusyon upang baguhin ang lipunan. Upang ipagtanggol ang kanilang interes at isulong ang adhikaing ito, binuo at hinubog ng Partido Komunista ng Pilipinas sa absolutong pamumuno nito ang Bagong Hukbong Bayan bilang hukbo ng mamamayan. Dahil sa pamumunong ito, pinanday ng BHB ang mahigpit na ugnayan nito sa masa na nakaukit na sa kasaysayan ng Rizal. Kailanman, hindi ito kayang burahin at hindi tuluyang mawawaglit ang pagkakaisa ng masa at hukbo, anumang pasistang panunupil at kampanyang pagdurog ang ipakana ng ilan pa mang reaksyunaryong rehimen.
Sa nagdaang taon, nagkamit ang Bagong Hukbong Bayan sa Rizal ng mga tagumpay at bagong karanasan sa mapangahas nitong pakikipaggitgitan. Nakapaglunsad ito ng taktikal na opensiba, nagmulat, nag-organisa at nagpakilos sa mga kabataan at magsasaka. Patuloy na napatunayan ang pagtangkilik ng mamamayan sa rebolusyonaryong kilusan at ng kahandaan ng marami pang kabataan at mamamayan na tumangan ng armas at isulong ang armadong pakikibaka.
Bagamat dumanas din ng mga kabiguan, hinding-hindi ito kailanman mawawasak ng mga kaaway. Buo ang loob ng NAAC na mag-aral, magwasto at magpunyagi, sa gabay ng Partido Komunista ng Pilipinas, upang tuluyang sumulong sa landas ng demokratikong rebolusyong bayan. Ang lumalalang kahirapan ng mamamayan ay nananatiling malalim na batayan para sa pagpapatuloy at pagpapalakas ng rebolusyonaryong pakikibaka. Hangga’t hindi ito nalulutas, mahigpit na tatanganan naming mga Hukbo ang aming mga sandata, at mahigpit na hahawakan ang tungkuling magsilbi sa interes ng masa, buhay man ay ialay.
Sa darating na taon, kunan natin ng lakas at inspirasyon ang masang nagtitipon ng kanilang sariling lakas at handang-handang harapin ang bagsik ng estado upang isulong ang pambansang demokrasya, pati ang mga rebolusyonaryong martir na inilaan ang kanilang talino, husay, at buhay para sa dakilang adhikaing ito. Tulad nila, patuloy nating pangahasang bagtasin ang landas ng demokratikong rebolusyong bayan, ang tanging maaasahang solusyon ng mamamayan sa kahirapan. Biguin natin ang kaliwa’t kanang pakana ng rehimeng US-Marcos na pagpapahirap at pagpapahina sa reboludyonaryong kilusan at pagkakaisa ng mamamayan. Ubos-kaya tayong mag-ambag upang makamit ang hinahangad nating maaliwalas at makatarungang lipunan.
Sa ganitong diwa ng pagpupunyagi natin itanghal ang ika-57 anibersaryo ng ating mahal na Partido Komunista ng Pilipinas! Ang walang-hanggan nitong gabay sa tanglaw ng Marxismo-Leninismo-Maoismo ang sandata ng hukbong bayan sa mga darating pang hamon at mga kakamting pagsulong at tagumpay.
Mabuhay ang ika-57 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!
Pulang saludo kay Jordan “Ka SY” Mopon!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!